O’ kay gandang pagmasdan
Nayo’t kapatagan ating nakagisnan
Sariwang hangin na sadyang nakagagaan niring pakiramdam
Gaya ng lupang aking tinubuan!
Ibong nag-aawitan, malabay na kawayang nagsasayawan
Ingay ng mga batang, naglalaro sa lansangan.
Katuwaan, kagalakan ay tanda ng pagmamahalan
Hindi mababanaag unos na dumaraan.
Bawat isa’y nagimbal sa masamang balita.
Luzon, Visayas at Mindanao ay pinaghahanda
Malaking suliranin, sa ati’y darating
‘Di lubos maisip, ganito ang sasapitin.
Pandemiya ay lumaganap san man sulok ng bansa
Biglang nagulantang, lahat ay napadasal!
Kalabang hindi maaninag, dala nitong diyablong mapanira
Walang pinipili mayaman ka man o mahirap!
Nagbago ang ikot nitong mundong ginagalawan
Ang dating nakaugalian binago ng kapalaran
Kaibigan ngayo’y ika’y pandidirihan
Maisaalang-alang lamang, sariling kapakanan!
Patunay lamang na walang hihigit pa!
Sa pagtutulungan at pagdadamayan
Ito ang susi upang bawat Pilipino’y magkaisa
Ibalik ang bayanihan sa bayan ni Juan!
Kaya kapuwa ko kaibigan
Halina’t sabay sabay magdasal
Sugpuin ang Pandemiya
Mahalin sariling bansa!