Return to site

LUNDUYAN NG GUNITA 

MERRY RUTH VILLALEI C. AQUINO

· Volume IV Issue I

Katirikan ng araw nang matapos ang ikalawang misa sa Taal Basilica, Batangas na dinaluhan ng isang lalaking medyo maedad na. Masyado siyang nawili sa pagninilay kung kaya’t hindi na niya namalayan pa na kay bilis lumipas ng oras. Ikinagaan ng loob niya na muli siyang nakapagsimba sa tinaguriang pinakamalaking simbahan ng Katoliko sa Asya. sa kabila ng katotohanang karamihan sa kaniyang kapamilya ay pinagbabawalan na siyang lumabas. Dahil dito, nabigyang patunay na ang pagiging relihiyoso niya ay nakatatak na sa kanyang pagkatao at sa kanyang puso. Katulad si Mang Ernesto ng karamihang Pilipino na nagsisimba o namamanata bilang mga deboto ng kani-kaniyang santong iniidolo, at ginagamit ang kanilang paniniwala sa pagtataguyod ng iba’t ibang kultura at tradisyon. Nakatatak na sa pagkatao niya, na mahadlangan man ng ibang balakid sa buhay - sakit, problema sa kalusugan, katandaan o anupaman. marahil, para kay Ernesto, mananatili sa kanyang puso at isipan ang paniniwala na mayroong iisang Maykapal.

Ernesto Aguila ang ngalan ng matandang lalaking pumasok sa isang kainan matapos magsimba. Naaalala niya noon na madalas talaga siyang kumain sa labas kasama ang pamilya. Pitumpong taong gulang man si Mang Ernesto, ay sinlakas pa ng kalabaw sa kainan, lalong-lalo na kung ito ay ang sikat na lomi ng mga Batangueno na kanyang paborito. Kahit noong siya’y bata pa lamang, kay init man ng araw, tila walang makakapigil sa kaniya sa paglolomi. Sa paglabas niyang ito, napakabihirang pagkakataong na masilayang muli ang kaniyang minamahal na bayan ng Taal. Kay tagal narin kasi noong huli siyang nakalabas sa tahanan.

“Iba nga naman kung tubong Batangan eh, aba’y tanghalian ang lomi! Ala e, ay antay laang at maya-maya’y luto na are.” sambit ng manang na nagaasikaso sa kainan. Pahapyaw namang napangisi ang matandang si Ernesto pagkapakinig nito. Maya-maya nama’y sila ay naghuntahan na habang naghihintay sa mesa. Kasabay ng usapang ito ay ang paisa-isang lapag ng walang kasawaang toyo, kalamansi at sili. Kay sarap nga ng kinakain ngunit hindi lamang iyan, parang kay sarap ding pakinggan ng bawat salitang may puntong Batangan. Iyan ang nasa isip ni Mang Ernesto habang nalilibang sa paghunta at tipong nahahasa muli ang kaniyang memorya sa pakikinig ng mga salitang ginagamit sa probinsya. Nakasanayan na rin kasi niya ang punto ng mga kabatang dahil dito siya ipinanganak at ito rin ang kinalakhan niya. Bahagi ito ng kultura kinalakhan niya. Napansin naman niyang napakarami ring pamilyang buhat sa simbahan at ngayo’y kumakain na rin ng pananghalian, ulam ang malasang tapang Taal.

“Hoy kumpare!” pagbati ng nakangising si Mang Kulas, habang tinatahak ang daan papunta sa kaniyang tahanan. Lucas Matibag, mas kilala bilang Mang Kulas. Iyan ang pangalan ng matandang lalaking madalas nakikita sa baryo na may dala-dalang bote ng alak. Kalimitan siyang nakikitang pagewang-gewang sa daanan na tiyak pinagtatawanan ng mga bata sa lansangan. Minsan na ring nagkagulo sa lugar nang akalain ng mga tao na patay na ang lalaking lupasay. Nauwi na lamang sa tawanan ang lahat matapos nitong sumigaw ng “BARIK PA! LAKLAK PA!” sa kumpare niyang alalang-alala sa kaniya. Dati itong nahumaling sa videoke, kasama ng iba pa nilang kumparehan. Talaga namang sa Pilipinas, saan mang panig sa bansa ay nagpapataasan ng iskor sa pagkanta at malamang na ganiyan din ang paligsahan ng mga magkukumpare noon.

“Ano ga? Kamusta ga? Bakit ga ngangayon laang ikaw nagpakita?” tanong ni Mang Kulas sa kumpareng kaharap.

“Aba, ikaw pala kumpare! Ay are, malakas pa. Nagbagong buhay ka na baga. Iba ang bihis mo ngayon, pasaan ka ga?”

Napag-alaman ni Ernesto na ang kaniyang matalik na kaibigan ay dadalo pala sa pamamanhikan o bulungan. Kaya pala nakapormal na kasuotan ang kumpare niya ay dahil ikakasal na ang anak nito at hindi raw siya makapapayag na walang baysanan. Tinatawag na baysanan ang pagtungo sa lugar ng kainan kung saan idinaraos ang espesyal na pagdiriwang ng kasal. Ang mga ito ay ang ilan sa mga tradisyong isinasagawa tuwing may kasal sa Batangas. Mahigpit itong ipinatutupad ng mga magulang sa kahit sinong magkasintahan na balak magpakasal. Ibig sabihin, tinuturing na malaking bagay ang mga tradisyon na ito sa pag-iisang dibdib. Binanggit rin ng kumpare na gusto niya sanang isakatuparan ang kasal sa tradisyunal na pamamaraan na kung saan mayroong pagkain ng kalamay, pagpapalipad ng kalapati, paghahanap ng barya sa magkahalong bigas at bulaklak, pag-inom ng lambanog, at ang pagsasabit ng perang papel sa puting-puti na kasuotan ng babae at sa barong ng lalaki.

Hindi nagtagal, nagpaalam na rin ang dalawa sa isat-isa. Matagal mang hindi nagkita, hindi maikakaila ang parang magkapatid na turingan nila. Mahaba pa ang araw, ika nga ni Erneo. Marami pa siyang matutuklasan muli kagaya na lamang ng mga kabataang nasulyapan niya nang malagpasan ang parke. Ang ilan sa mga ito ay pagod na pagod ngunit maligayang naglalaro ng tumbang preso, patintero at luksong-tinik. Nasiyahan naman siya sa kadahilanang, buhay parin ang kaniyang kinagisnang mga larong pambata. Ang iba naman ay nakasuot ng baro’t saya, kaipalay nag-eensayo na tinitiyak niyang para sa darating na sublian. Ang subli ay isa sa pinakakilalang ritual sa pamamagitan ng pagsayaw na siya ring tradisyon sa probinsya ng Batangas. Ang bawat tindig at ang pag-indayog kasabay ng galaw ng mga paa ay tunay na nakakahalina para sa kaniya. Matapos ito ay agad naman siyang nagmadali dahil sa hangin at kalangitan na parang simisenyales ng nagbabadyang pagbabago sa panahon.

Sa wakas, narating niya ang kaniyang tahanan nang ligtas. Inaasahan niya rito ang kaniyang dalawang anak na nasa edad trenta’y dos at bente-siyete. Mapapansin din ang kaniyang ngiti sa labi. Bago niya mabuksan ang tarangkahan ay sinalubong siya ng kaniyang nakababatang anak na lalaki na kadarating lang din naman. Nang sabay nila itong mabuksan ay mapapakinggan agad ang sigaw ng nakababatang anak na si Daniel. “Ate! Naririto na kami. Dumating na rin si papa!”, sabay kuha ng kamay ng ama at nagmano pa sila.

Yakap naman ang agad itinugon ng nakatatandang anak na babae na si Aira sa kaniyang amang mukhang banaag pa ang katuwaan sa maikling paglalakbay. Bagamat nasa loob niya ang sobrang pag-aalala, hindi na niya nagawa pang magalit sa kaniyang papa. Yumuko naman ang mga ito bilang respeto sa kanilang ama. Kagaya ng mga mas nakababata sa bawat tahanan, ang pagmamano ay ang nagsisilbing pagbati sa pamamagitan ng pagtungo at pagkuha ng kamay ng nakakatanda para ipatong sa noo ng nakababata. Ang gawaing ito ay ni minsa’y hindi kinagawian sa Europa o dili naman kaya sa Amerika pagkat sa Pilipinas lamang ito isinasagawa. Dagdag pa rito, masasabing pagbibigay rin ng biyaya at karunungan ang pagmamano.

“Papa, mano po. Kamusta po kayo? Hindi naman po ba kayo naligaw o wala ho ba kayong nakalimutan o naiwan sa simbahan sa bayan?”, sunod-sunod na tanong ni Aira habang nakatungo at naghihintay sa tugon ni Mang Ernesto. Tila nagmustra naman ang matanda at ipinakita ang kaniyang ipinagmamalaking malusog na pangangatawan. Matapos ito’y nagtungo na siya sa kusina at doon kumuha ng platito, suka at itlog. Nagtaka naman ang kaniyang mga anak sa ginagawang kilos niya. Hindi nila maipaliwanag kung bakit parang may isinasabit ang kanilang ama sa kanilang sala.

“Aira, Daniel, oh ganito ang inyong gagawin sa inyo ha. Kapag parang uulan o babagyo, una, magsasabit kayo ng itlog sa may labas ng bahay para hindi matuloy ang ulan. Sunod naman, magbuhos kayo ng suka sa platito nang makaiwas sa kidlat. Ganyan ang gawain namin noon pa. Minana pa sa aming kanunu nunuan at talagang epektib naman!” payo ng ama. Pangiti-ngiti pa ito na para bang nakaisip siya ng napakatalinong solusyon sa problemang siya lang ang makakasagot.

Nang komportable na ang bawat isa sa kanila sa sofa, nabanggit naman ni Mang Ernesto na kinulang siya sa kwentuhan nila ni Mang Kulas. Agad namang namresenta ang kaniyang mga anak at sinabing makikinig gayong madalang silang mapaparoon sa bahay ng kanilang ama. Hindi man gaano kaalwan ang iskedyul, lalo na sa kanilang mga trabaho at sariling pamilya, ay hindi nila pinapalampas ang bawat pagkakataong makabisita. Sa tuwing wala naman sila, panatag ang kanilang loob ‘pagkat naroon rin ang matagal na nilang tagapangalaga mula naang mamatay ang kanilang ina. Nagsimula naman ang usapan sa pangungumusta ng ama sa kaniyang mga anak. Ayon kay Aira, patuloy pa rin ang buhay niyang maligaya sa kaniyang pamilya. Bagamat isang dayuhan ang kaniyang napangasawa, buong kasiyahan niyang ibinida kung gaano kabilis minahal ng kaniyang asawa ang Pilipinas at ang Batangas.

Ang pagiging “hospitable” o mapagpatuloy ng mga Pilipino ang siya raw gustong-gustong kultura ng asawang si Dave. Hindi maikakaila na kilala talaga ang mga Pilipino sa magandang pagharap sa bisita. Ni ultimong pagsalubong, pagkaway, pagbibigay pugay, interaksiyon sa mga hindi kapamilya o kakilala at pagtulong sa kapwa anumang nasyonalidad, ay kapansin-pansin. Di mapapabulaanan kung gaano kagiliw ang pakikitungo ng mga Pilipino sa mga tao.

Habang patuloy ang kwentuhan nila, halos pareho lang din ang naging tugon ni Daniel na may binanggit na kamamatay lamang ng tiyahin ng kaniyang asawa at hindi naging madali para sa kanila. Nagkaroon ng mga hindi pagkakaintindihan sa dalawang panig sapagkat ang isa sa mga ito ay naniniwala sa pamahiin at ang isa naman ay hindi. Binanggit sa kwentuhan ang ilang mga tradiyon na mayroon sa kanilang lugar. Ang hindi pagsunod sa pamahiin sa patay, burol at libing ay sinasabing nagbibigay kamalasan sa buhay. Ang ilan sa mga ito ay ang pagbabawal kumuha at mag-uwi ng abuloy, pagbabawal sa pagwawalis, pagpapatong ng sisiw sa kabaong at ang pagpagpag bago umuwi sa kaniya-kaniyang tahanan. Ayon kay Daniel, nahirapan silang magdesisyon noon sa gagawin nang dahil sa mga ito. Ang iba namang paniniwala ay sinasabing makapagbibigay ng swerte tulad ng pagpili ng oras, petsa at lugar ng paglilipatan, paghahanda ng patutong at ang pagpapatayo ng pangunahing pintuan na dapat nakaharap sa pagsikat ng araw. Ang mga ito ay naging tradisyon na ng mga Pilipino, lalo na kung lahat ng payo ng matatanda ay susundin.

Walang humpay naman sa panonood si Mang Ernesto nang mabuksan ang telebisyon. Bidyo ng maliligayang piyesta ang naroroon. Tila natatakam pa ang matanda nang makita ang parada ng letson. “Ineng, utoy, nakikita niyo ga iyang nasa TV? Noon, pumupunta pa ako diyan sa Balayan, para lamang tikman ang iba’t-ibang letsong nakahilera. Minsa’y nagdala na rin ako ng balot noon sa atin para sa inyo. Kay liliit niyo pa noon.”

“Oh pa… Huwag niyong sabihing gusto niyo iyan? Bawal na po sa inyo, baka atakihin kayo ng diabetes at high blood niyo!” biro ni Daniel ngunit may parunggit din dahil sa katotohanan. Sa mga oras na ito, napakarami nang bawal sa matanda.

“Ala e, alam ko naman utoy. Naalala ko lang talaga ang bawat masasayang alaala. Maging ang iba pang pagdiriwang tulad ng Tapusan festival sa Alitagtag, Maliputo festival, Balsa, Kambingan at Sublian. Pero ang namimiss ko baga ay ang tuklong.”

“Hala naaalala mo pa yun Pa? Noong bata ako, lagi mo akong hinahatid sa tuklong para sa Flores de Mayo. Yun bang pagdiriwang ng araw ng bulaklak tuwing Mayo? Nasasabik ako palagi noon lalo na’t bakasyon. Tapos magsasaboy ako ng bulaklak at sa huli naman, may pakain palaging ibinabahagi si Kapitan!!” wika ni Aira. Nagsitawanan naman ang mag-aama dahil naalala nila ang kahiya-hiyang pagsemplang ni Daniel sa putikan noong minsa’y umulan sa tuklong. Nang fiesta naman sa lugar nila, nagkaroon ng mga katuwaang kompetisyon at ang isa sa pinaka di nila malilimutan ay ang pagsali ni Mang Ernesto sa Ms. Gay Barako ng kanilang barangay.

“Pa, heto pa. Naalala mo nung minsang bumili tayo sa tindahan ni Ka Puring noong gabi? Yung pinakealaman ni ate yung bagong gawang produkto na kapeng barako. Ginawang kendi ni ate hahahaha. Ni hindi ko alam kung anong pumasok sa isip mo ‘te kung bat mo yun ginawa. May teleleng ka ata nun hahahaha!”

“HOY Daniel! Ganyanan ha! Eh pa, naalala mo naman ba yung pinutol ni utoy yung tali ng mga manok na panabong ng kahanggan gamit ang balisong? Ako ay napag garute ng nanay noon!”

“Tumigil ka nga ate hahaha. Pareho lang naman tayong napagalitan. Sinabi pa nga ni papa na lalamunin daw tayo ng bakunawa kapag hindi tayo umamin. Kaya ang ending, binuntal tayo pareho. Ikaw kasi eh hahaha!”

Tila halakhak na lamang ang maririnig sa bibig ng matanda datapwat makikitang may animoy lumalabas nang usok sa ilong ni Aira. May mga pagkakamali mang ginawa noon ang kaniyang mga anak, binalot naman siya ng mga ala-alang ito at marahil, hindi siya pinakawalan. Ang balisong at ang kapeng barako na orihinal na produkto ng mga Batangueno ay hindi lamang para sa itinakdang gamit nito bagkus ito’y nagsilbing tulay sa kaniyang memorya. Ang Bakunawa na siya ring nagmula sa mitolohiya ng mga Pilipino ay naging parte rin ng pagbubukas ng kaniyang isipan sa mga nangyari sa nakaraan. Ipinaalala ng mga ito ang mga magagandang pangyayari na nagsisilbing kultura at tradisyon sa bansa na hindi basta-basta mawawala.

Naging masaya at payapa ang kwentuhan ngunit nangyari ang isang bagay na inaasahan ng dalawang anak. Nakatitig si Mang Ernesto sa mga mata ng kaniyang anak na babae sa di malamang kadahilanan. Nagkamot ito ng kaniyang ulo at humigop na lamang ng kape sa kaniyang tasa na para bang walang alam sa nangyayari. Matapos ito’y naging kakaiba ang lahat. Ramdam nila ang malamig na hangin na waring dumampi sa pisngi ng matanda na ngayo’y tahimik na. Tila may kakaibang sikretong nakakubli sa likod ng alapaap. Isang kalagayang nakipagsabayan sa nagbabadyang ulan; ang pagpatak ng luha na sa mga anak ay lulan.

“May tanong ho ako.” pagputol ni Aira sa nakabibinging katahimikan. “Naaalala niyo ho bang nagsimba kayo kanina? A-at nakita niyo ho si T-tiyo Lucas?”

Sumagot ang kanyang ama. “Hindi. Matagal na nga akong nasa bahay lang. Pagbigyan niyo na akong lumabas. Gusto ko ring makita ang kumpare ko. Lasa ko’y nainom na naman iyun ng paborito niyang lambanog.”

Noon palang, alam na ng dalawang anak na hindi na mapipigilan ang sakit ng kanilang ama. Kalahating taon na ang nakalilipas nang marinig nila mula sa doktor na may sakit na tinawag na Alzheimer’s ang kanilang papa. Ito ay ang karamdaman na nagsasanhi sa pagkalimot, pagkalito at biglaang pagbabago ng ugali ng isang tao. Kadalasan itong nakukuha ng mga taong may katandaan na at tila wala nang lunas para rito. Kinakailangan ng pag-iingat at pag-aaruga sa mga taong may Alzheimer’s kung kaya’t pag-alis pa lamang ni Mang Ernesto sa kaniyang bahay patungo sa simbahan ay nakasunod na agad si Daniel. Sikretong binabantayan niya ito sapagkat maaaring makalimot ang kanyang ama at baka madisgrasya pa. Ito ang dahilan kung bakit halos parehong oras lamang ang pagdating nila sa bahay. Kailanma’y hindi sila naging panatag sa tuwing lalabas si Mang Ernesto kaya kailangan nilang gawin ito. Alang-alang sa kanilang amang minamahal ay kailangan nilang magsakripisyo, kahit pa ang kanilang sariling emosyon sa tuwing hindi sila maalala nito.

Batid naman ng matanda na parang malungkot ang dalawang nasa kaniyang harapan. May luha siyang nakitang tumulo sa kanang pisngi ng anak na si Daniel. Nakalimutan man niya ang ilan sa mga nangyari nang araw na iyon ay nanatili naman sa kaniyang isip ang imahe at pagkatao ng kanyang mga anak. Lalong naging tamlayin ang mga mata ni Aira sa kadahilanang, marahil, malilimutan din sila ng kaniyang ama banda roon. Hindi man ngayon ngunit posible nga itong mangyari sa hinaharap. Ang kalungkutang nakikita ni Mang Ernesto ay kinalauna’y hindi na niya kinaya pa. Siya’y umalis mula sa pagkakaupo sa sofa, patungo sa kaniyang silid.

“Ate, ano na ang gagawin natin? Hindi ko lubusang maisip na baka mamaya, hindi na niya tayo maalala.” tanong ni Daniel

Sa kalagitnaan ng kanilang pagmumuni-muni, di inaasahan nilang nakita ang amang lumabas mula sa kwarto at ngayon ay may dala-dalang photo album. Binuksan ito ni Mang Ernesto at itinuro ang litrato nila ng buong pamilya. Ang litratong ito ay ang imahe ng buong pamilyang halatang pagkasaya na sa likod ay tanawin ng bulkang taal. Ito ay isa sa pinakamagagandang aktibong bulkan saan man sa mundo. Nakaupo ito sa gitna ng lawa ng Taal at maliit ito kung kaya’t naging kakaiba kung ikukumpara sa iba pang mga bulkan. Marami rin ang bumibisita sa Taal, Batangas upang makita ito at isa na dito ay ang pamilyang Aguila; ang mag-anak ni Mang Ernesto.

“Mga anak, ako man ang dahilan ng kalungkutan ninyo, ay sana maging masaya kayo tuwing maalala niyo ang litratong ito. Hinding-hindi mawawala sa akin ang kasiyahang narasanan natin noong nandito tayo. Maging ang bayanihang ating nasaksihan ay hindi ko rin malilimutan. Kaya Daniel, Aira, ano man ang dahilan kung bakit kayo naluha, tandaan ninyong hindi kailanman mababago ang katotohanang naririyan ang pagmamahal ko sa inyo. Parang mga kultura at tradisyon ng mga Batangueno na siyang humubog sa pagkatao ko, hinding-hindi ko kayo bibitawan.”

Ang bawat salitang lumabas sa bibig ng ama, ay lalong nagpaluha sa mga anak. Ngunit, hindi na ito dahil sa kaniyang sakit, bagamat ang ala-ala na tunay na nadarama ay hinding-hindi mawawala. Patuloy itong tumatatak sa puso ng kanilang ama. Dahil dito, ang pagtangis ay napalitan ng luhang kay sarap sa pakiramdam. Ngayon, para sa kanila, ayos na rin kung ano man ang mangyari sa hinaharap pagkat nakikita nilang nakangiti si Mang Ernesto. Ang mahalaga, ang lunduyan sa kaniyang puso ay ang gunita ng pag ibig; ang mga alaalang kailanmay hindi matatabig.