ABSTRAK
Nakatuon ang riserts na ito sa pagbuo ng kagamitang panturo sa sabjek na Filipino sa Piling Larang (Akademik) na angkop sa implementasyon ng Face to Face at Modular Distance Learning. Nilayon nitong matasa ang pagtuturo ng naturang sabjek batay sa pamantayang pangnilalaman, pamantayan sa pagganap at kasanayang pampagkatuto. Layunin din nitong matukoy ang mga estratehiya sa pagtuturo batay sa pagdulog, kagamitang pampagtuturo at learning delivery modalities, mailahad ang mga suliraning nararanasan sa pagtuturo at makabuo ng Localized Learning Plan sa pagtuturo.
Kaugnay nito, bumuo ang risertser ng lokalisadong kagamitang panturong naglalaman ng gabay sa pag-aaral ng mga estudyante, pinasimpleng pagtalakay sa mga lektyur, iba’t ibang sanayang gawain at indibidwal na palasubaybayan na magagamit ng mga titser at magulang. Mahalaga ito sa implementasyon ng modular distance learning, bunga ng hindi inaasahang sitwasyon o pangangailangan.
Dagdag pa rito, gumamit ang risertser ng kuwantitatibong uri ng riserts na nasa disenyong deskriptibo. Pangunahing instrumento sa pangangalap ng datos ang kuwestyoner at sinuportahan ng datos mula sa isinagawang interbyu at mga kaugnay na literatura. Ito ay naisagawa sa tulong ng isandaang respondenteng nagtuturo ng naturang sabjek sa Dibisyon ng Probinsiya ng Batangas.
Batay sa naging resulta, nakararanas ang mga estudyante ng mga suliranin gaya ng pagbaba ng komprehensiyon, pokus at kawilihan sa aralin samantalang ang mga titser naman ay nakararanas ng limitadong oras sa paghahanda ng mga kagamitang panturo.
Mga Susing Salita: Localized Learning Plan, Modular Distance Learning, Pamantayang Pangnilalaman, Pamantayan sa Pagganap, Kasanayang Pampagkatuto