Return to site

LIWANAG SA LANDAS NG BUHAY NG INHINYERONG MAY PUSONG GINTO: KUWENTO NG PAG-ASA AT TAGUMPAY

MARYANN P. ABRUGENA

Balayan East Central School

· Volume V Issue IV

Sa isang barangay sa bayan ng Bauan Batangas ay may mag-anak na bagamat payak ang pamumuhay ay mayaman sa mabuting kalooban, pag-uugali at pakikisama sa kapwa. Sila ay nakatira sa maliit na kubo na palipat lipat kung saang lugar malapit sa puwede pagtrabahuhan ng kanilang mga magulang. At dahil nga sila ay may mabubuting puso kung kayat di sila pinagkakaitan ng mga tao na mapatayo ang kubo sa kanilang lugar ng libre. Pinagkalooban ng anim na supling sina Aling Fabing at Mang Julio. Sa kanyang mga anak si Jose ang bunso. Tunay na napakamapagmahal nito at matulungin sa kanyang mga magulang.

Tuwing sasapit ang araw ng Sabado at Linggo sa murang edad nya ay malaki ang naitutulong nya sa pamilya. Sa halip na makipaglaro sa sa mga bata sa lansangan, siya ay nagtitinda ng mga gulay kasama ang kanyang inay at tatay. Naglalakad sila kung saan saang lugar sa paglalako ng mga paninda na kanilang ikinabubuhay. Kung minsan nakakabenta ng sapat sa kanilang pangangailangan subalit di maiiwasan ang ipautang ang mga paninda maubos lamang at dahil na din sa pagiging maawain nila sa mga nagsasabi na wala pa silang pambayad sa paninda. Kahit kung tutuusin mas hirap naman ang kalagayan nila sa mga ito.

Dahil sa pagiging malikhain ni Jose ang kanyang gamit pang eskwela ay kanya lang ginagawa, gaya ng bag na yari sa reta-retasong plywood na kanyang napupulot sa daan habang sila ay nagtitinda. Ang kanyang kwaderno na taun taon ang mga labis na pahina ay pinagsasama-sama upang makabuong muli na puwedeng magamit. Kahit anong init ng sikat ng araw, andyan ang abutin ng ulan at gutom sa daan ay di pansin ni Jose at ng kanyang mga magulang. Dala ng kahirapan kaya di sila mapag-aral ng kanyang mga magulang sa pribadong paaralan, pero di ito naging hadlang para di mapag-aral sa libreng unibersidad ang mga kapatid ni Jose.

Sa pagsisikap ng kanyang mga magulang at mga kapatid ang ilan sa kanila ay nakatapos na ng pag-aaral sa kolehiyo sa mga kursong inhinyero at guro na silang nagging kaakibat sa pagpaparal sa ilan pang mga kapatid hanggang sa dumating ang panahon na nagkaroon na din sila ng sari-sariling pamilya. Samantalang nagkasabay ng pag-aaral sa kolehiyo si Jose at ang isa pa nyang kapatid, di sila na kayang pagsabayin ng pagpasok sa unibersidad, isa sa kanilang ay nakahinto ng dalawang taon sa pag-aaral subalit dahil isa din sa ugali nila ang mapagparaya at mapang-unawa kaya nauunawaan ng mga anak ang sitwasyon.

Dumating sa punto na bagamat mahirap hinarap ni Jose ang kapalaran na siya muna ang hihinto sa pag-aaral. Nagtrabaho siya sa Laguna upang makatulong sa pamilya at makapag ipon ng pampaaral sa kanyang sarili.At dahil nga sa di pa siya tapos ng kolehiyo kaya mababang posisyon ang kanyang trabaho sa isang kumpanya.Nakita nya at nasaksihan kung paano ang magandang trato at pagpapasuweldo sa mga may matataas na pinag-aralan at posisyon sa kanyang pinagtratrabahuhan, isang araw may naging mabigat na salita sa kanya ang kanyang boss na siyang naging hamon sa kanyang sarili upang mas pagsusumikapan nyang makatapos at maging isang propesyunal na inhinyero din.Sa kanyang unang suweldo tuwang-tuwa siya na naiabot ito sa kanyang mga magulang.

Isang araw ay nagkaroon ng di-inaasahang pagsubok sa kanilang pamilya ang balitang naaksidente ang kanyang mahal na ama na ang buong pag aakala nila ay katapusan na ng buhay nito. Subalit sa ang Panginoon ang makapangyarihan sa lahat kung kaya’t ang milagro ay pinagkaloob sa kanila. Nabigyan ng panibagong buhay ang kanilang tatay. Natapos ang dalawang taon at nakatapos muli ng kolehiyo sa kursong Computer Science ang ate nya kaya nabigyan na siya ng pagkakataong makapagpatuloy ng pag-aaral. Ang isa naman sa kanyang kuya ay nakabili ng tricycle na nagamit nya sa pamamasada habang kasabay ng pag-aaral nya. Sa tuwing naghihintay siya ng pasahero sa paradahan ay binubuklat niya ang kanyang mga libro at nag-aaral ng mga leksyon nya.

Sa pagiging isang masikap at mabuting mag-aaral siya ang nagging pangulo ng mga mag-aaral sa kanilang departamento. Ito rin ang naging susi na magkaroon ng libreng review ng Mechanical Engineer sa Maynila kasama ang kanyang mga kaklase. Dumating ang pinakahihintay na sandali at nakapagtapos na ng pag-aaral si Jose sa kursong Mechanical Engineer, kasunod nito ay ang magandang kapalaran na naipasa niya kaagad sa unang pagsubok ang ME Board Exam. Naging isang propesyunal na inhinyero din si Jose, sinambit nya sa kanyang sarili na maipagpapatayo na nya ng bahay na bato ang kanyang mga magulang.

Napakabait ng kapalaran kay Jose, nabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa ibang bansa upang tuparin ang kanyang pangarap sa kanyang mga magulang. At dahil tunay ang pagiging mapagmahal sa pamilya lalo’t higit sa kanyang inay at tatay kung kayat nakiki ayon ang magandang kapalaran sa kanya, pag uwi nya galing sa ibang bansa ay agad siyang binuhat na may kasamang matinding yakap mula sa kanyang ama. Di nagtagal naipagpatayo nya ng sariling batong bahay ang kanyang pamilya gaya ng kanyang pangako. Laking tuwa at pasasalamat ng mga magulang nya sa kabutihan ng kanilang anak.

Dahil sa nagging inspirasyon si Jose naimbitahan siya na maging panauhing tagapagsalita sa inhinyerong mag-aaral sa unibersidad na kanyang pinasukan. Marami ang namangha sa kanyang mga mag-aaral at maging ang kanyang mga professors sa tagumpay na ibinahagi niya di upang ipagyabang ito sa halip maging inspirason at gabay ng mga taga pakinig na walang imposible basta may pangarap, dedikasyon, determinasyon at diskarte sa buhay, lalo’t higit ang pananalig at malakas na pananampalataya sa Poong Lumikha.

Sa ngayon nakabuo na din ng sariling pamilya si Jose. Nakapagpatayo siya ng matayog at magandang bahay, nakabili ng tatlong magagarang mga sasakyan na dati ay isang pangarap lamang. Naipapamasyal niya ang kanyang pamilya sa magagandang lugar maging sa ibang bansa. Subalit hanggang sa ngayon ay nananatili ang kanyang kababaan ng loob at paglingon sa pinanggalingan maging ang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong tumulong sa kanila ng panahong hirap na hirap sila. Naging maganda ang kanyang naging guhit ng kapalaran di siya naging maramot sa mga nangangailangan. Tumutulong siya sa pangangailangan ng kanilang barangay maging sa ibang taong humihingi ng tulong pinansyal, bukas palad sa pag aabot ng tulong sa ikagaganda ng kanilang kapilya ng barangay. Naging kilala ang kanyang pamilya sa pagiging may magandang puso at kalooban.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagbuhos ng magandang kapalaran sa kanilang pamilya.