“Mga anak, huwag kayong maingay, katutulog lang ng tatay ninyo, hayaan niyo siyang makapagpahinga at babalik pa siya sa pag-aararo.” Paalala ni Lola Nita sa kabila ng sunod-sunod na tanong ng mga anak.
“Nay, nasaan po ba yong suklay? Nay, nasaan po ba yong bag na pula na nakalagay sa mesa? Nay saan mo po inilipat yong blouse na naka-hanger sa may bintana? Nay, ano po ba ulam natin? Nay, nasaan po ba kayo?
Nay! Nay!
Gumuhit ang ngiti sa labi ni Lola Nita nang maalala ang kanyang mga anak habang pinupunasan ang larawan ng mga ito sa tokador.
“Napakabilis ng panahon, ang dating mga anak na pumupuno ng ingay sa kanilang bahay ay may kanya-kanyang sariling pamilya na.” bulong sa sarili.
Napabuntong hininga na lamang siya at ipinagpatuloy ang ginagawa. Pokus ang kanyang atensyon sa pagpupunas ng mga alikabok kaya hindi niya namalayan ang pagtigil ng isang sasakyan sa harap ng tarangkahan ng kanilang bahay.
Naputol ang kanyang pagmumuni – muni nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan. Laking tuwa niya ng masino ang dumating.
“Naku! kayo pala mga apo ko! Mabuti napasyal kayo.”
“Wow! Ang ganda at ang presko talaga rito sa bahay ninyo Lola. Ang sarap humiga sa makintab na kahoy na sahig lalo na sa mainit na tanghali,” bulalas ni Gelo.
“Kuya Gelo, mamitas tayo ng hinog na mga bungang manga,” yaya ni Didin sa kapatid.
“Lola, puwede rin po ba kaming maglaro sa malawak at bagong linis na bakuran?” usisa ni Gelo.
“Aba, oo! Mamitas at maglaro kayo hanggang gusto nyo. Marami ring hinog na bunga ang suha at bayabas. Marami ring hinog na bunga ng abokado. Kapag hindi napansin ay mahuhulog at tutukain lang ng manok ang mga iyon.
“Nasaan nga pala ang mga magulang niyo? Bakit hindi niyo kasama?”pagtataka ni Lola Nita.
“Hinatid po muna kami rito at may mahalaga po muna silang pupuntahan, susunod at babalikan na lang daw po kami rito mamaya,”sagot ni Gelo.
“Ah, ganoon ba? Sandali lang at magluluto ako ng meryenda natin.”
“Naku, huwag ka na pong mag – abala Lola, mayroon naman po kaming dalang biskwit dito,”ani Gelo.
Dali-daling hinugasan ni Lola Nita ang kamote upang ilaga bilang meryenda. Kumusta na pala ang pag – aaral ninyo mga apo? Bakit tila pumapayat at namumutla ka yata Didin? Ano ba malimit na ginagawa ninyo?”
Libang na libang sa pagkukuwentuhan ang mag – Lola nang maamoy na nila ang nilagang kamote. “Hayan kumukulo na pala ang nilalaga ko, malapit na itong maluto. Maghugas na kayo ng mga kamay.”
Sabik na sabik na inihain ni Lola Nita ang kanyang nilagang kamote sa plato.
“O, mga apo, bakit hindi niyo ginagalaw ang nilagang kamote? Heto apo, asukal at mantikilya, malinamnam ang nilagang kamote kung mayroon nito. A, heto nga pala yong ginawa kong sawsawan kaninang almusal ang mantika ng baboy na may bawang at sibuyas”.
“Naku apo, hindi ba kayo kumakain ng nilagang kamote? Masarap ang nilagang kamote, at masustansya pa. Ano kaya kung nilagang hinog na saging o kaya ay nilagang mais, gusto niyo ba iyon? Iba na talaga ang hilig kainin ng mga kabataan ngayon.” Napapailing na wika ni Lola Nita.
“Lola, pwede po bang tinapay na lang ang meryenda natin,”, sagot ni Didin.
“Siya nga po Lola, itong biskwit na lang ang kakainin namin.” Nahihiyang dugtong ni Gelo.
Beeep! Beeeep!
“Ay, hayan na yata sina Mama at Papa, halika Kuya Gelo, salubungin natin sila para makasabay natin sa pagmeryenda”.
“Mama, Papa ang bilis po ninyong nakabalik? Halina po kayo at naghanda ng meryenda si Lola.”
“Nasa kusina po si Lola, siya lang po ang narito dahil pumunta po ng simbahan si Lolo”, dugtong ni Gelo.
“Mano po Nay!”
“O anak, nandiyan na pala kayo, tamang tama, marami akong nilagang kamote para sa meryenda kaya nga lamang ay hindi man lang tinikman ng mga anak mo, tinapay at biskwit na lang raw ang kakainin nila.”
“Wow! Sarap naman niyan tamang tama hindi pa talaga kami nagmemeryenda, ano bang sawsawan ang ginawa niyo Nay”?
“Mayroon ako ritong mantika ng baboy kaya lang ay nilagyan ko ng konting sili, medyo maanghang kaya mantikilya at asukal na lang ang ibinigay ko sa mga anak mo.”
“Sige po at masarap yan problema ko nga rin po kung paano ko mapapakain ang mga batang iyan. Tingnan mo nga po si Didin, payat at namumutla dahil napakahirap pakainin. Hotdog at fried chicken ang palaging gustong ulam.” sagot ni Aling Cora.
“Baka naman kasi ay binibigyan mo ng maraming baon na pera at junk foods ang binibili. Nakakawalang gana sa pagkain ang ganyan. Nakasasama sa kalusugan ang mga ganyang pagkain. Bantayan mong maigi ang pagkain ng mga batang iyan para hindi ka magkaproblema sa kalusugan nila.”
“Paano kaya natin sila mapakakain ng masusustansyang ani sa bukid? Aha! Alam ko na! Balatan ko nga itong kamoteng kahoy rito at ilaga natin, pakayurin mo rin ng buko si Bong at gagawa tayo ng meryenda. Siguro naman ay magugustuhan ito ng mga anak mo, may sapat na oras pa naman.
“Anong meryenda po ba Lola ang lulutuin niyo? Masarap na po ba talaga yan?” Tanong ni Didin.
“Gagawa ako apo ng linubak.” Sagot ni Lola Nita.
“Mabuti pa nga Nay, matagal-tagal na rin akong hindi nakatitikim nito.” Sang -ayon ni Aling Cora.
“Mama, ano po ba ang linubak at paano ito lutuin?, ani ni Gelo na tahimik na nakikinig sa usapan ng mag – ina.
“Anak, ang linubak ay isang uri ng kakanin mula sa nilagang kamoteng kahoy o kaya ay nilagang hilaw na saging. Linupak ang tawag nito sa Tagalog. Dinidikdik ito at nilalagyan ng kinudkod na malambot na niyog at asukal, puwede ring lagyan ng gatas kung mayroon para lalong sumarap. Mantikilya at mani naman ang inilalagay sa ibabaw nito bago kainin.” Mahabang paliwanag ni Cora sa kanyang anak.
“Wow, tila masarap nga!”
“Oo anak, sige at gagawa tayo para matikman ninyo.”
“Yan talaga, ang mga bata ngayon, masyado nang nasanay sa fastfoods kaya hayan tuloy, hindi na alam yong mga pagkaing kinasanayan niyo. Alam niyo apo, noong kabataan ng mama ninyo, bihira lamang silang bumili ng biskwit. Kadalasan ay yong mga ani lamang sa bukid ang kinakain nila. Palagi kasi kaming may tanim na kamote, kamoteng kahoy, gabi at mga gulay. Bukod pa sa pinapanatiling malinis at maayos na mga saging. Kaya naman, hindi kami bumibili, sa halip ako ang nagtitinda sa palengke kapag maraming ani.”
“Mayaman po pala kayo Lola?” usisa ni Didin sa kanyang Lola.
“Naku apo, mayaman tayo sa mga aning bukid hindi sa pera. Napakasipag kasi ng inyong Lolo. Iyon lamang kasi ang pinagkukunan namin ng panustos sa lahat ng pangangailangan namin. Sipag at tiyaga ang puhunan namin para mapag – aral ang Mama mo at mga kapatid niya. Kaya naman, nakita siguro nila kung gaano kahirap ang trabaho sa bukid kaya nagsumikap na makatapos ng pag – aaral, hindi tulad sa amin na sa pagtatanim sa bukid kumukuha ng kabuhayan”.
“Nay, tapos na po kayong magbalat ng kamoteng kahoy? Naihanda ko na po ang kaldero na paglulutuan natin. Kumukuha na rin ng kakayuring niyog si Bong na ilalahok sa linubak”.
Takbo rito. Takbo roon. Sobrang nasiyahan rin sa pamimitas ng mga prutas ang mga bata habang naghihintay maluto ang linubak. May suha, mangga, abokado at hinog na bayabas ang dalawa.
Mababakas sa mukha ni Aling Nita ang kasiyahan habang gumagawa. Naibsan ang kanyang lungkot at pangungulila sa mga anak kanina habang naglilinis ng bahay.
“Didin!’ Gelo!, Handa na ang linubak, halina kayo at ng makita at matikman niyo na ito!” Tawag ni Aling Cora sa mga anak.
“Wow!” Mukhang masarap nga!” sabay na bulalas ng dalawang bata.
“Talagang masarap yan, kaya nga namimiss kong kainin iyan”, ani ni Aling Cora.
“Halina kayo mga apo at tikman niyo na ang isa sa paboritong kakanin ng Mama niyo pati na rin ng inyong mga tito at tita. Hindi rin ako nagtataka kung bakit paborito nila ito, bukod sa masarap at masustansya, nagmula pa ang mga ito sa ani at tanim ng Lolo niyo sa bukid.
“Uhm, yummy!”
“Masarap nga! Ganito pala ang lasa nito”
“Hay, Salamat naman at nagustuhan ninyo. Ang iba pang halamang ugat ay may kanya-kanyang linamnam. Ang nilagang saging at mais ay ganoon din. Hindi man ito nakatatawag pansin pero kailangan ninyong tikman at subukan. Tingnan ninyo ang linubak, kung hindi pa dumaan sa proseso ay hindi ninyo magugustuhan. Sa palagay ninyo, ano ba ang nakapagpapasarap sa linubak na kinakain ninyo?” tanong ni Lola Nita.
“Ang kinayod na buko po pati na ang gatas at mani.” Sagot ni Gelo.
“Tama!, ang mga sangkap na inilahok sa nilagang kamoteng kahoy ay lalong nagpasarap sa lasa nito. Tulad ng buhay ng isang tao, upang maging matagumpay kinakailangang may iba’t ibang sangkap rin upang lalo itong maging malasa.”
“Ang sangkap na inilahok natin sa pagkain ay parang mga pagsubok at karanasan sa ating buhay, ginagawa nitong mas malinamnam at masarap ang buhay hindi ba? Nagiging malinamnam ang linubak kapag pinong pino ang pagkakadurog nito hanggang sa medyo malapot at nagdidikit-dikit na. Parang mga pagsubok lang ng buhay, kinakailangan huwag tayong bibitaw, bagkos ay lalo tayong kumapit sa buhay. Huwag nating iindahin ang sakit o pagdurog sa atin, dahil siguradong ito ay may dahilan. Dahil ito ay maaaring pagpipino at pagpapalasa lamang ng ating karanasan na higit sa ating magpapatibay.
Ang mga mani sa ibabaw ng nilubak ay simbolo ng biyaya na nagpapaganda tulad ng mga palamuti sa ating buhay matapos ang mga hirap na pinagdaanan. Ito ay simbolo ng ating tagumpay.” Mahabang kuwento na may pagpapaliwanag ni Lola Nita sa kanyang apo.
“Ang Nanay talaga, napaka makahulugan ng sinasabi. Kahit sa simpleng pagkain ng linubak ay nagawa pang ipaliwanag ang kahirapan ng buhay.” usal ni Aling Cora.
Hala, sige na ipagpatuloy niyo na ang pagmimiryenda, isisilong ko muna ang aking mga sinampay. Palubog na rin ang araw at tuyo na ang mga iyon. Maya-maya darating na rin ang Lolo Romy niyo.”
Brruuum! Brruuum!
“Ay ayan na pala si Tatay!
Gelo! Didin! Salubungin niyo na ang Lolo ninyo.”
“Lolo, kumusta po kayo?! “Meryenda na po kayo ng linubak na gawa nina Lola! Super Yummy!” Patakbong niyakap at sabay na bati ni Gelo at Didin sa kanilang Lolo.
“Hay, sana ito na ang simula at patuloy niyo nan gang magustuhan ang mga pagkaing bukid tulad ng kinalakhan ng inyong mga magulang,” ang nakangiting sambit ni Lola Nita habang paulit ulit na tumatango.
Wakas
Mga Pangunahing Tauhan sa Kuwento:
1. Lola Nita – Ang mabait at maalalahaning matanda na nangungulila sa kanyang pamilya
2. Gelo – Ang mabait na kuya at nakakatandang apo ni Lola Nita at anak ni Aling Cora.
3. Didin – Ang bunsong anak nina Aling Cora na mausisa at sabik tumuklas ng mga bagay bagay.
4. Aling Cora at Mang Bong– Ang maalalahaning anak ni Lola Nita.