Return to site

LAKAD DITO, LAKAD DOON

RUFINA M. ROSALES

Balayan East Central School

· Volume V Issue IV

Sa mundong ating ginagalawan, bawat isa ay may pinagdadaan na hindi natin alam. Sa takbo ng ating buhay, may mga pagkakataon at yugto na gusto na nating sumuko sa hamon ng buhay. Buo ka pa kahapon ngunit wala ka ng lakas ngayon.

Nais mong kumuha ng lakas sapagkat malayo ka na pero malayo ka pa. May mga gabing kahit anong pilit mong ipikit ang iyong mga mata ay hindi mo mahagilap ang antok na iyong pinapalapit yun ay dahil puno ka ng bagabag at pighati na kahit hindi mo maamin sa sarili mo ay baka nga at yun nga marahil.

Ngunit pagmulat ng iyong mga mata, muli panibagong araw na naman ang iyong kakaharapin. Bagong umaga, bagong araw na hindi mo alam ang iyong patutunguhan. May naghihintay ba sa aking bagong kapalaran? Anong ganap sa araw na ito na aking makakamtan? Hanggang sa nagsimula ka ng lumakad. Lakad dito lakad doon kung saan naghihintay ang panibagong bukas na magbibigay at magbubukas sa iyo ng oportunidad upang makilala ang isang bagong IKAW na handang maging ang totoong IKAW.

Ang buhay ay puno ng hiwaga. Madalas madaming tanong ang namumuo sa ating isipan na kalaunan alam naman natin ang sagot ngunit mas pinipili pa din nating subuking itanong. Sarili natin ang madalas kalaban natin sa pang araw araw nating pakikipagtunggali sa mga tanong na gusto nating malaman ang kasagutan. Paano haharapin ang bukas? Nais mong kumilos at malaman ang bukas na naghihintay sa iyong kapalaran. Muli ang iyong paglakad tungo sa pinto na magbubukas sa iyong talento at abilidad na nais mong malinang. Pinto na matagal ng nakabukas ngunit hindi mo pansin dahil abala ka sa ibang gawain.

Kaya ko ito! Sa patulo’y mong paglakad ay nahanap mo ang iyong sariling kagustuhan, ang iyong nawawalang sarili na kalaunan ay naging sandigan mo upang paghugutan ng bagong lakas at pag-asa. Ito na ang simula ng bagong IKAW. Hindi natatapos ang bukas, habang may buhay may pag-asa. Patuloy tayong lalakad sa daang nais nating tahakin at puntahan. Patuloy nating lalakarin at lalakbayin ang sanga-sangang landas upang tuktok ng tagumpay ay ating makamtan. Lakad dito lakad doon gaano man katarik at kahirap ang landasing nakaabang sa atin, may dulo na naghihintay. May katapusan sa bawat hamon ng buhay. May dulo sa bawat simula. May Tagumpay sa bawat paghihirap basta’t handa kang lumaban at huwag mawalan ng pag-asa at pananampalataya na makakaya mong lakarin ang lahat ng iyong matatanaw na daan.