Return to site

LABAN LANG SA GITNA NG PANDEMYA 

JEROME M. MACANDA 

· Volume IV Issue I

Nagbago ang lahat dahil sa pandemya,

Naranasan natin lahat ang pagkakaba;

Hindi mo na alam kung saan pupunta,

Hinahanap na lugar ay maging payapa.

 

Laging inaasam ng lahat sa umaga,

Ang mawala ang COVID 19 sa balita;

Pilit pinipikit ang mga mata,

Sa pag-asang ang COVID ay mawala na.

 

Pati ibang kalamidad ay naglipana,

Mga bagyo na sa bansa tumatama;

Dagdag parusa sa lahat ng mamamayan,

Na walang inaasam kundi kapayapaan.

 

Lahat ay naghirap, tila parusa ang sambit,

Sa lahat ng dusa, ang mamatayan ang napakasakit;

Ngunit mga Pilipino pilit tumindig,

Hindi nagpatinag, bagkos sa Diyos kumapit.

 

Sa paglipas ng araw, tumubo ang pag-asa,

Tumibay ang loob, natutong makibaka;

Dating lungkot, sinikap lumigaya,

Ang pagbangon, siyang adhika.

 

Sinikap tumindig, buhay ang puhunan,

Mga hinaing, pilit kinalimutan;

Tumayo mag-isa, pamilya ang sandalan,

Bukang bibig, tayo’y lalaban lang.