Return to site

KWENTO KO KAY JUANA, PEDRO AT JUAN 

GLADYS A. ATIENZA 

· Volume IV Issue I

I.

Sa pagitan ng mga tala ng milyong ngalan ng biktima—

Oo, nanatiling andoon ang apelyido ni Juana.

Subalit kung nahirapan kang hanapin ang ngalan ni Juan,

huling gabi ng ika-labing apat na araw agaran siyang lumisan.

 

II.

Maka-ilang buwan pa’y hindi sa sakit ng pugante’y nakipaglaban,

padyak ni Mang Pedro’y nakipagtunggalian sa dagat-dagatang ulan,

at sa huling magkasunod na kampay ng mga pagal na braso.

Sa putikan,

walang buhay,

katawan niya’y napagkamalaan na lamang na aso.

 

III.

Pinuhin man ang mga lusak sa dapit-hapon,

mananatiling kulimlim ang kalangitan.

Hindi kailanman babango ang lansa ng pamamaalam,

kung sa malabnaw na dugo ito lumisan.

 

IV.

Kaya sa kapalaran man ay makipagsanduguan,

kwestyunableng Perlas ay ‘di pahirapan.

At kung sa kataksilan ng pandemya si juana’y naisalba,

bersyon ni pedro sa bagyo ay mananatiling kaluluwa.

 

V.

Reyalidad ang biktimang humarang sa pagsikat ng araw,

magpapatuloy itong sa silangan lilitaw.

Hindi man magkakabuhay ang mga kwento ng paglisan,

magiging katatagan ang iba’t ibang bersyon ng pagpanaw.

 

VI.

Matapos nito’y —

ang unang pagduyan sa tigib na perlas sa silangan,

pakiwari ng kahapo’y wagas na biyaya ng kalangitan.

Dagat-dagatang donasyon na ang nasa sa lansagan,

kapit-bisig na lundayan at lingkurang makabayan.

 

VII.

Iba’t iba man ang nangyaring uri nang pagpaslang,

kailan man ay hindi mababansagan ang pinas na pinas lang!

Dahil ‘di sigalot ng kalikasan ang magiging katapusan,

maging dugo ng kanyang dugo ay magkaubusan—

kwento ka kay Juana, Pedro at Juan.