Nagising ako sa anunsiyo ng piloto na kami’y lalapag na sa Clark International Airport. Dali-dali kong inayos ang aking sarili at isinuot ang aking jacket. Batid kong sa panahong ito’y nag-uumpisa na ang ginaw na dulot ng hangin sapagkat dalawang linggo na lang at Pasko na. Napadungaw ako sa bintana at naramdaman kong tila ako’y isang banyaga sa sarili kong bayan.
Pagkalapag ng eroplano, hindi na ako nag-aksaya pa ng oras sa pagsunod sa iba pang mga pasahero pababa nito. Nang nakaapak na ang kanang paa ko sa paliparan, hindi ko na napigilian ang luhang dumaloy sa aking kanang pisngi – dala ito ng sobrang sayang nararamdaman ko. May luha mang dumadaloy sa pisngi ko, may magandang kurba naman sa labi ko.
Matapos ang halos walong taong pagtatrabaho ko sa America bilang isang guro sa Sipnayan, nakauwi na rin ako. Sabik na sabik na akong makita at makasama ang pamilya ko. Gusto ko nang maramdaman ang maiinit nilang yakap; gusto ko nang marinig ang kanilang malalakas na tawanan; at higit sa lahat, gustong-gusto ko nang makita sila agad sa pagmulat pa lang ng aking mga mata sa umaga.
“Ate Aila!” Isang pamilyar na tinig ang nakakuha sa aking atensiyon. Iyon ay ang aking nag-iisang kapatid na si Brix. Kasama niya ay sina nanay at tatay. Napatakbo ako patungo sa kanila at agad akong nagmano sa kanila bilang pagrespeto at yumakap. Sa wakas! Masasabi ko nang ako’y nasa aking tahanan na – ang puso kong liwaliw ay napatahan na nang ako’y makulong sa mga bisig nila.
Mula sa Clark International Airport, bumiyahe na kami pauwi sa Leyte. Mahigit isang oras lamang ay makararating na kami sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City. Mula roon, bibiyahe na naman kami sa loob ng mahigit dalawang oras patungo sa amin sa Ormoc City. Mahaba man ang biyahe at nakakapagod, mabilis naman itong napawi nang makita ko ang iba ko pang kapamilyang naghihintay sa amin. Naghanda sila ng isang salo-salo. Sa ilalim ng punong mangga, may isang mahabang mesang may dahon ng saging na may klase-klaseng putaheng aming pagsasaluhan.
Matapos ang araw na iyon, napagtanto ko kung ano ang hindi ko nasaksihan sa loob ng halos walong taon. Hindi ko nasaksihan ang paglaki ng kapatid ko. Hindi ko namalayan ang pagbabago sa itsura nina nanay at tatay. Noong kinailangan nila ng panganay, wala ako sa tabi nila. Ngunit hindi naman nila ako masisisi, ‘di ba? Ninais ko lang namang mangibang-bansa upang kumita ng dolyar, at agad na maiahon sila mula sa hirap. Totoo ngang napakahirap maging mahirap.
Kinabukasan ay umpisa na ng Misa de Gallo – isa sa mga tradisyon tuwing sasapit na ang Pasko. Masaya kaming nagpunta nina Brix, nanay at tatay sa simbahan. Nararapat lamang na magpasalamat sa Poong Maykapal sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa amin. Matapos ang misa, bumili kami ng puto bumbong at bibingka, na aming pinagsaluhan sa hapag. Syempre, agad nagpatugtog si papa ng mga himig Pamasko na sinabayan naman namin sa pag-awit. Napakagaan sa pakiramdam. Ang mala-anghel na boses ni mama ay wala pa ring kupas. Walang duda, sa kaniya talaga ako nagmana.
Noong araw ring iyon, napagdesisyonan kong mamili ng mga aguinaldo at kendi para sa mga mangangaroling sa amin. Minsan ma’y wala sa tono ang mga nangangaroling, napapasaya pa rin nila ang puso kong sabik na sabik sa mga kaganapang ito.
“Nay, iba pala talaga ang Pasko sa Pinas at sa Amerika,” sabi ko kay nanay habang nagkakape kami sa ilalim ng liwanag ng buwan. “Sa pitong Pasko ko roon, oo nga at marami kaming pagkain sa hapag ngunit iyong sayang naramdaman ko noon ay tila pahapyaw lang sa sayang nararamdaman ko ngayon,” dagdag ko pa. “Anak, walang hihigit pa sa Pasko sa Pinas. Batid mo namang may mga tradisyon at kultura tayong atin lamang,” tugon naman ni nanay. Napaisip ako, napahambing, at napasuri. Tama nga ang tinuran niya. “Bakit ba kasi ayaw mong makinig sa akin? Sapat naman ang kikitain dito basta’t hindi ka lang magpapadala sa luho. Dito ka na lang kasi magtrabaho, anak. Hindi mo na kailangang mangibang-bansa.”
Ngunit dahil matigas ang ulo ko, matapos ang bagong taon ay agad akong bumalik sa America. Pumirma na naman ako ng kontrata. Pa’no ba naman kasi, triple ang sahod ko rito kung ihahambing sa sahod ko noon sa Pinas. Kaya, heto na naman ako, nasa harap ng salamin at inaayusan ang aking sarili dahil papasok na ako sa trabaho. Napapikit ako at tila ba pabalik-balik sa isipan ko ang tinuran ni nanay na huwag na akong bumalik dito.
Nagising ako sa tunog ng aking alarm. Panaginip lang pala ang lahat ng iyon. Dahil naalimpungatan ako, agad kong kinuha ang aking maleta at nag-impake. Uuwi na ako sa Pinas para makasama sila nanay. Ngunit, sa kalagitnaan ng aking pag-iimpake, natauhan ako. Wala na pala sila. Dahil noong pauwi na sila mula sa paghatid nila sa akin sa paliparan ng Tacloban, naaksidente sila na siyang dahilan kung bakit nawala ang tatlong taong pinakamahalaga sa buhay ko.
Kung sana’y nakinig na lang ako kay nanay; kung sana’y hindi na lang ako naghangad pa ng sobra sa sapat; kung sana’y hindi ko ipinagpalit ang buhay na mayroon ako sa Pinas, makakasama ko pa sila. Ngunit wala na – wala na akong magagawa. Hanggang ngayon, sinisisi ko pa rin ang aking sarili. Hanggang ngayon, hindi ko nalilimutang magdasal sa Kaniya, dahil batid kong siya lang ang makatutulong sa akin upang makabangon muli. Maituturing mang tradisyon na ng mga Pilipino ang pagdarasal, ngunit para sa akin, ito ay higit pa rito. Matapos ang lahat, ito na lang ang nakikita kong sandata para muli ay maibalik ang magandang kurba sa aking labi.