Anong katangian ang siyang maglalarawan,
Sa isang bantayog na puno ng kadakilaan,
Ng isang sagisag na siyang magbubunyi sa sinilangan hanggang kamatayan,
Na may sinag na abot langit, kinang ng bituin at sinag ng araw na di magdidilim.
Nalikha ito sa ginupit ng mga matatalas na isip at bisig ng matapang na lahi
Sinulsi ng pagsasanduguan ng mga karaniwan at mga bayani,
Kasaysayan ang may saksi, sa bawat bughaw at pulang danas na tiniis at tinagpi
Itinahi kabuhol ng puso’t kaluluwa sa bawat pilipinong salinlahi.
Taglay nito ang tatsulok, ang samahang Kalayaan,
Ang iisang kinang ng tatlong bituin tungo sa Kaunlaran,
Ng himagsikang pinangunahan ng mga sinag ng araw,
alsa at udyok ang taglay sa mga hindi pangkaraniwang laban.
Nagsilbi itong balaraw ng pagkakaisa at pakikipaglaban
sa mga halimaw at sa Bakunawa ng nakaraan at kasalukuyan,
na tila tunog ng kudyapi sa puso ng isang sarimanok na buhay sa ating mga diwa at isipan,
isang awiting kundiman na di magmamaliw, di mawawala sa puso ninuman.
Iwinawagayway ito sa Sagayan, baluti ng isang mingao,
Taglay ay Dugo ng isang Handiong, ng isang Bantugan o ng isang Lam-Ang,
Tatas ng isang baybayin at aliw-iw ng isang tanaga,
Walang makakaagaw sa bisa ng isang bantayog na yari sa pagkadakila.
Mapunit man ito sa mga salanta, mapatid man ng mga sigalot at sakuna,
Mabutas man ng mga banta at ng kamandag ng pandemya at maling gamit ng teknolohiya,
Nakaraan man o kasalukuyan, di mabubuwag ang taglay nitong paninindigan.
Di mabubusalan ng facemasks, fake news at false hopes ang bayan.
Dahil nilikha ito ng isang paham, katutubo, guro, inhenyero, doktor, siyentipiko o arkitekto,
manunulat, mangingisda, pari, kargador, artista, mag-aaral barbero o isang pinuno,
transgender, driver, ina, senior citizen, may kapansanan, magsasaka o abogado,
hawak ang bantayog, lahat mahalaga, sabay-sabay, hakbang-hakbang, buong-buo,
sulong-sulong, madadapa at muling babangon, kasama si Bathala hindi magpapagapi at hindi magpapatalo.
Sapagkat walang makakadaig sa isang likha ng nagkakaisang bisig,
ng isang nagkakaisang Pilipinas, ng isang nagkakaisang tinig,
Puwersang abot langit, kinang ng bituin at sinag ng araw na di mayayanig,
Mananatiling nakatanaw sa kinabukasang kaluwalhatiang siksik-liglig.
Sapagkat ganito nililikha ang bantayog na hindi natutumba at laging nagwawagi.