Kung malabo ang lahat at magulo ang buhay,
Subukan mong magmuni at sarili’y pakinggan.
Diwa mo ay rurukin at kalooban’y sundan,
Wika at kultura mo’y sabay mauunawaan.
Kung tingin mo sa lahat ng bagay ay di patas,
Kapag ang realidad sa wari mo’y di tanggap;
Suriin ang ‘yong puso’t gawin ang nararapat.
Wikang taglay mo’t tanga’y gamitin mong kalasag.
Kung nais mong malaman tunay na ganda’t kulay,
Ng mundong umaakay at nagbibigay buhay;
Sa wikang nangungusap magbigay ka ng daan.
Lahat ng kasaguta’y tila kusang lilitaw.
Kung sarili’y banyaga at layuni’y malabo,
Kulturang ‘yong minana’y pilit mong ‘tinatago.
Sa isip at diwa mo’y banyaga’y ‘yong inako.
Huwag kang maduduwag, lumantad, ‘wag susuko.
Sa panahon ng gipit at oras ng pagsakit,
Wikang tangan ay bukal na iyong kapanalig.
Imbakan ng kulturang sa kanya’y namamatis,
Kaya’t ‘yong padaluyi’t ‘wag ibaon sa lirip.
Tunay nga na ang wika at kultura’y iisa,
Kambal na pinag-sama at kusang ‘tinadhana
Wika ang s’yang salamin ng mayamang kultura.
Armas na magagamit, tanggulan ng pag-asa.
Kung ang lahat ng ito sa ‘yo ay mananahan,
Alagaan, yakapin at ‘yong pahalagahan.
Gamiti’t pagyamanin, palaguin sa buhay,
Na’ng batis ng pag-unlad sa bansa’y maasahan.