Salamin ng kulturang maituturing
Yamang tunay, sa’n ma’y di maihahambing
Pamanang handog ng mga ninuno sa’tin
Taglay’ naising Pilipino’y pagbukludin
Di lingid na ang wika ay yumayabong,
Panibagong salita ay umuusbong.
Asensong ganap ang s’yang isinusulong
Tayo’y magkaisa, magtulong tulong
Perpekto o hindi, ganap o totoo,
Wika’y pagkakakilanlan ng bawat tao.
Sa pagtuklas’t paglikha’y magagamit mo,
Wikang Filipino, Wikang isisigaw ko.
Marahil nawawalan na ng pagasa,
Pag-asang buhayin muli yaring wika.
Panaghoy sa puso yaring mga salita,
“Wika ay wika, s’yang di dapat mawala”
Alam nating tayo ay nilalamon na,
Nilalamon ng makabagong sistema.
Huwag pagagapi bagkus makiisa,
Sa hangaring pagyamanin pang lalo yaring Wika.
Ating pagtibayin yaring kasanayan,
Wika’y paunlarin, siyang kasangkapan.
Kasangkapang bitbit sa ating mga laban
Labang kahaharapin nang kung sino man.
Maging Bikolano man o Kapampangan,
Isa ka mang Tausog o taga Pangasinan.
Yaring Cebuano o sa Katagulugan
Sila, Tayo’y sa kultura’y mayayaman
Sampu ng bawat Pilipinong may puso,
Pusong dalisay, may naising matuto
Nawa’y pagyabungin, gamiting totoo
kulturang mayaman, kulturang Pilipino, WIKANG FILIPINO