Return to site

KULTURA’Y PAGYAMANIN, WIKANG FILIPINO AY HUWAG LIMUTIN

ni: DAISERY DACILLO-FEBRER

· Volume V Issue I

Ang Wikang Filipino ay ating sandata na dapat gamitin sa tuwi-tuwina

Sa bawat sandali saan mam magpunta, sa anumang gawain at anumang karera

Maging sa tahanan, trabaho at paaralan, wikang ginagamit ang siyang paraan

Upang ang hangarin at mga mithiin ay tiyak na tagumpay ang siyang kakamtin.

 

Ngunit sa panahong ang mundo ‘’y sinasakop ng globalisasyon

Atin ding mamamalas kabataang sa gadget atensyoý nakatuon

Sa halip na maglaro ng patintero at sipa, o di kaya ng bugtungan at sungka

Hayon at nasa sulok nakatitig sa celfon, di alintana oras na natatapon.

 

Pagpasok sa paaralan ng mga batang kinder at grade one

Guro ang siyang nahihirapan, sa aralin ay hindi magkaintindihan

Sapagkat ang wikang gamit ng kasalukuyang kabataan

Ay mula sa YouTube na pinakilala ng wikang dayuhan.

 

Hindi nga baga at nakasisiyang pakinggan na sa kanilang murang gulang

Matatas na pagbigkas ng sariling wikang kinagisnan ang namumutawi

Sa labi ng kabataan, hindi yaong wikang nagmula sa mga dayuhan

Na tila ang hatid sa mga kabataan sila ay magaling at mas nakalalamang.

 

Mapapansin din sa ating tahanan, pagdating ni ama, ni ate at kuya

Wala na ang pagbati at pangungumusta, usapat kwentuhan ay tila limot na

Unti-unti na ngang salitaý nawawala, mga saloobin ay di maiakma

At maging sa hapag tila baga kakulangan, na ang celfon sandaling bibitawan.

 

Sanay ating tandaan kulturaý mabago man umunlad at sumilang

Huwag natin kalilimutan ang ating sariling wika na simbolo ng Kalayaan

Ating isapuso, ituro sa kabataan at gamitin sa tahanan.

Upang wikang Filipino ay hindi matabunan ng makabagong kulturang dala ng kasaysayan.