Return to site

KONTEKSTWALISADO AT LOKALISADONG MODELO NG PAGTUTURO SA KOMUNIKASYON AT PANANALIKSIK SA WIKA AT

KULTURANG PILIPINO

KATTIE C. TAGUD

Calinog National Comprehensive High School

ABSTRAK

Ang pag-aaral na ito ay naglalayong magbuo ng kontekstuwalisado at lokalisadong modelo ng pagtuturo sa asignaturang Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Ito ay isang descriptive-evaluative na pag-aaral. Ginamit ang talatanungan upang tiyakin ang antas ng kahusayan ng nabuong modelo sa kabuuan at batay sa pisikal na anyo, layunin, kompetensi na nalilinang, kasanayang pampagkatuto, at pagtataya at ebalwasyon. Bago binuo ang modelo sinuri ng mananaliksik ang Curriculum Guide sa Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino at pinili ang mga aralin na maaaring lapatan ng mga lokalisadong kagamitan at ang pamamaraang 4As ang ginamit sa paglinang at pagtalakay ng mga aralin. Upang matiyak ang antas ng kahusayan ng binuong modelo, katampatang tuos ang estadistikang ginamit sa pag-aaral. Natuklasang napakahusay ng modelo sa kabuuan at batay sa pisikal na anyo, layunin, kompetensi, karanasang pampagkatuto, at pagtataya at ebalwasyon. Nahihinuha na ang binuong modelo ay nagtataglay ng katangian ng isang mabisang kagamitang pagtuturo at maaring maging kasagutan sa kakulangan ng kagamitang pampagtuturo. Higit na malilinang ang mga kasanayan at kompetensi ng mga mag-aaral gamit ang mga kontekstuwalisado at lokalisadong kagamitan na sumasalamin sa kultura ng kanilang pamayanan na may mas malalim na pagpapahalaga sa kanilang kultura, sariling identidad, at wika.

Susing Salita: Kontekstuwalisado, Lokalisado, Modelo ng pagtuturo

 

PANIMULA

Sanligan ng Pag-aaral

Kasabay ng pag-inog ng mundo dumarating ang pagbabago sa larangan ng edukasyon. Ang dating sampung taong basikong edukasyon ay nadagdagan ng dalawang taon sa pagpapatupad ng Batas Republika bilang 10533 o mas kilala bilang Enhanced Basic Education o K to 12 Curriculum. Sa programang ito ginawang sapilitan ang pagpasok ng mga bata sa kindergarten, nagkaroon din ng JHS o Junior High School (Grade 7-10) at SHS o Senior High School (Grade 11-12).

Sa tulong ng Sustainable Development Goal ng UNICEF sinisiguro ng ahensiya na makakatanggap ng dekalidad na edukasyon ang bawat mag-aaral upang magsulong ng panghabambuhay na pagkatuto at ang lahat ng kanilang mga suliranin at hinaing ay dapat na natutugunan. Sa kasalukuyang ulat ng EBEIS o Enhanced Basic Education Information System ng Departamento ng Edukasyon na siyang namamahala sa pagtitipon ng mga datos mula sa mga paaralan at field offices (web-based), makikita sa resulta ng NAT o National Achievement Test lalo na sa Filipino na nakakuha lamang ito ng 58.04 na porsyento. Patunay lamang ito na ang mga mag-aaral ay may kinakaharap na iba’t ibang suliranin sa pag-aaral. Isa na rito ang kahinaan sa pag-unawa o komprehensyon sa kanilang binabasa at kakulangan ng mga kagamitang pampagtuturo lalong-lalo na ng mga teksto o lunsaran na mas magaan at madaling maunawaan ng mga magaaral at nasa lokal na konteksto.

Kaya, upang matugunan ang suliraning ito iba’t ibang kaparaanan at istratehiya sa pagtuturo ang ginagawa ng ahensiya para mapukaw ang interes ng mga mag-aaral. Dito pumapasok ang gamit ng kontekstwalisasyon at lokalisasyon. Patunay lamang ito na matututo ang mag-aaral nang mabilis at makabubuo ng mga matatalinong pagpapasya na huhubog sa kanyang buong pagkatao kapag ang kanyang wikang ginagamit ay ang kanyang unang wika (Baer, 2017).

Ayon sa pag-aaral ni Carlson (2000) ang kontekstwalisasyon ay ang proseso ng pag-aaral sa ukol sa pag- uugnay ng aralin/kurikulum sa tiyak na tagpuan, lugar at sitwasyon ng paglalapat upang maging makabuluhan, angkop at kapaki-pakinabang sa mga estudyante. Sa gayon magiging mabisa ang paggamit ng guro ng alternatibong teksto sa kanyang pagtuturo lalo na kung ang tekstong ginamit ay nasa konteksto ng mga magaaral. Nangangahulugan lamang ito na saan mang sulok ng bansa, gumagamit ang guro ng iba’t ibang kagamitan upang maihatid ang mga pamantayan ng kurikulum at pag-uugnay ng mga aralin sa sitwasyon, tagpuan, o lugar ng paggamit o paglalapat Para maging makabuluhan, kapaki-pakinabang at angkop, ito sa mga estudyante.

Ang pag-aaral na ito ay isasagawa ng mananaliksik sa layuning matugunan ang problema ng mga guro hindi lamang sa kakulangan sa kagamitang pampagtuturo kundi para mas maging magaan ang pagtatalakay ng kanilang aralin sa tulong ng kontekstwalisasyon at lokalisasyon.

 

Disenyo at Pamamaraan ng Pag-Aaral

Ang Kabanata 3 ay may limang bahagi: 1) Disenyo ng Pag-aaral, 2) Mga Tagatugon ng Pag-aaral, 3) Mga Kagamitan sa Pagtitipon ng mga Datos, 4) Pamamaraan, at 5) Pangistadistikang Pagtatalakay sa mga Datos.

Ang pag-aaral na ito ay may layuning bumuo ng kontekstuwalisado at lokalisadong modelo ng pagtuturo sa Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino na magiging kapaki-pakinabang at makabuluhang kagamitang pampagtuturo. Tinaya rin ang kahusayan ng nabuong modelo ng pagtuturo.

 

Metodolohiya ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay palarawang pananaliksik. Inilalarawan nito ang tumpak na anyo ng kasalukuyang kalagayan ng mga baga-bagay na maaaring berbal, grapiko, kwantitatibo o istatistikal. Ayon sa kanya, ang kahusayan ng palarawang pananaliksik ay nakasalalay sa pagkabalido at pagkamaasahan ng mga datos. Kung kaya ang pag-aaral sa uring ito ay nagkaroon ng halaga at namumukod tangi ayon sa resulta o kinalabasan (Espina, 2013).

 

Disenyo ng Pag-aaral

Deskriptiv-ebalwativ ang disenyong ginamit sa pagaaral na ito na may layuning tayahin ang antas ng kahusayan ng ginawang lokalisado at kontekstwalisadong modelo ng pagtuturo batay sa mga tiyak na elemento nito sa pamamagitan ng isang talatanungan.

Ayon kay Arifin (2016) ang disenyong deskritiv– ebalwativ ay naglalayong magbigay ng impormasyon para sa isang tagagawa ng desisyon na may kaugnayan sa kalakasan o kahinaan ng isang programa, gawain o bagay kung ito ba ay epektibo o hindi. Halimbawa nito ay implementasyon ng isang kurikulum o implementasyon ng contextual learning.

 

Ang Mga Tagataya

Ang mga tagataya ng modelo ay mga guro sa Filipino sa Ikatlong Distrito ng Iloilo na nakapagturo sa loob ng mahigit limang taon at isang Division Specialist na pinili ayon sa kanilang kadalubhasaan.

Naging mabisa at makabuluhan ang pag-aaral dahil kumuha ang mananaliksik ng mga tagatugon na may kinalabasan sa pinag-aaralan at kadalubhasaan sa pagtataya.

see PDF attachment for more information