Return to site

KOKAK NI KIKO

ni: JERANNA G. AREVALO

· Volume V Issue I

“Kokak…kokak...kokak! kinagigiliwan ang pagkokak ni Kiko Palaka dahil sa taglay nitong napakagandang boses. Alam na alam naman iyon ni Kiko kaya sa tuwing may mapapadaan sa kanilang bahay ay lalo niyang ginagalingan ang pagkokak.

Isang araw napadaan sa kanilang bahay ang kanilang hari at napakinggan ang kaniyang pagkokak. Kumatok ito sa kanilang bahay.

“Magandang umaga sainyo, napakaganda ng pagkokak ang aking narinig na nagmumula ditto sainyong tahanan”, ang sabi ng hari.

“Magandang umaga rin sainyo aming hari. Ang boses na inyo pong narinig ay nanggaling sa akin”, ang sagot ni Kiko.

“Kung gayon ay inaanyayahan kitang umawit sa aking kaarawan at iyon ay aasahan ko”, ang anyaya ng hari kay Kiko.

Simula noon ay nagsanay nang nagsanay si Kiko. Umaga at gabi ay hindi siya tumigil sa pagkokak. Habang tumatagal ang kaniyang pagkokak ay nakakadistorbo na sa kanilang mga kapitbahay. Kahit hatinggabi na at oras na ng pagtulog ay patuloy pa rin siya sa pagkokak. Hindi pa siya nakontento at pumunta siya sa sapa at doon naghaponpa rin siya sa kaniyang pagkokak. Napadaan ang kapwa niya palaka na si Kikay. Si Kikay ay anak ng hari.

“Naku Kiko pagpahingahin mo naman ang iyong boses. Baka mapaos ka sa kakakokak mo. Nakakadistorbo ka na rin sa ating mga kapitbahay at hindi sila makatulog,” ang payo ng kaibigan niyang palakang si Kikay.

“Hayaan mo na ako Kikay, kailangan kong magsanay dahil sa ako lang naman ang personal na inanyayahan ng iyong amang hari na kumanta sa kaniyang kaarawan. Malaking pagtitipon iyon at ayokong mapahiya”, tugon naman niya sa kaniyang kaibigan.

Hinayaan na lamang ito ni Kikay sapagkat hindi naman ito nakikinig sa kaniya.

Dumating ang kaarawan ng hari at masayang-masaya si Kiko na dumalo rito. Nakita niya ang napakaraming pagkain, magarbong desinyo at parang kumikislap na bituin ang sapa na pagdarausan ng salo-salo.

“Dito gaganapin ang aking pagkanta at ang lahat ay makikinig sa aking boses. Gagalingan ko lalo para lalong maiinggit ang mga galit kong kapitbahay”, ang sabi ni Kiko sa kaniyang sarili.

Ginanap nga ang palatuntunan para sa kaarawan ng hari. Matikas na tumayo si Kiko sa harap ng kapwa niya mga palaka at akmang kakantahin na ang kaniyang inihandang awit para sa hari.

“Kok…a…a..kok! tanging tunog na lumalabas sa kaniyang bibig.

Kahit anong pilit niya ay walang boses ang lumalabas sa kaniyang bunganga. Nagtitinginan na ang mga palaka dahil alam nilang magaling sa pagkokak si Kiko.

Tumakbo si Kiko paalis sa kaniyang kinatatayuan. Umiyak siya sa gilid ng sapa at biglang tinapik siya ng kaniyang kaibigan.

“Huwag ka ng umiyak Kiko, naiintindihan namin ang iyong pagkapaos. Kailangan lamang ng pahinga ng iyong boses. Hindi rin galit ang amang hari. Pakakantahin ka na lamang daw niya kapag maayos na ang iyong boses”, ang sabi Kikay.

Simula noon ay natuto ng alagaan ni Kiko ang kaniyang boses at sa tamang oras na rin ang kaniyang pagkokak. Hindi na rin siya nakakadistorbo ng kapitbahay.

Muli siyang inanyayahan sa kaharian at buong husay na ipinakita ang kaniyang talento sa hari.