Return to site

KAWANGIS

ni: ALBERT H. NOGA

· Volume V Issue I

Sa kontemporaryong panahon at pag-usad ng oras,

Saglit nating sulyapan, paggamit sa wika ng Pilipinas.

Hanapan natin ng kapurihan maging ang kapintas-pintas

Suriin, ayusin upang maituwid ang landas.

 

Halimbawa lamang sa mga akdang babasahin,

Na nakalimbag sa internet agad-agad susuriin.

Samo’t-saring opinyon talagang puputaktihin

May umaayon, may sumasalungat, hangad lahat mapansin.

Hindi ba’t sa wikang tinuran, kultura ay masasalamin?

 

Mga isyung panlipunan kung bibigyan ng pansin,

Talakayang makabuluhan, nakagagalak na usapin.

Wika ng iba ay solusyon, ang iba ay suliranin,

Hindi ba’t sa talastasan, kultura ay mapapansin?

 

Balikan natin mga nagdaang panahon,

Harana, balagtasan, nobela, bugtong,

Mga wikang tinuran, sa limot ma’y mabaon,

Tagumpay, pagkabigo, pagkalugmok at pagbangon.

Kulturang maituturing, salamin ng kahapon.

 

Saang salamin pa ba maaaring masilayan?

Sa dunong ng matatanda, sa himig ng kundiman.

Awiting klasikal, minsa’y ‘di napaglumaan,

Pagmasdan ang kultura, wika ang kasangkapan.

 

Sa ilang saglit lamang ng pagbabalik-tanaw,

Muling nasulyapan ng ating balintataw,

Nagbigay anyo sa wika na sa puso’y pumupukaw,

Tayutay, tula o liham na mapanglaw,

Diba’t salamin ng kultura, wikang ibinubulyaw?

 

Madalas ang wika’y nababasa at naririnig,

Ngunit may mga wikang nakakubli sa bibig.

Paano napakikinggan? May pusong pumipintig!

Maaaring kalungkutan, galit o pag-ibig,

Wikang tahimik lamang, tulad ng salaming-tubig.

 

Yaring wikang Filipino, paano natin ipapamana?

Salamin bang malinis, kasisilayan ng ganda?

Marahil panahon na para ituro sa madla

Kapintasan ma’y masipat sa ating kultura

Tandaan natin na ang mahalaga,

panatilihing buo pa rin at nagkakaisa.