ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay may layuning magtipon ng mga katutubong kuwento ng Hingyon, Ifugao, mauri ang mga ito at maisalin sa wikang Filipino. Ang mga naisalin ay susuriin ayon sa kultura, aral at kahalagahan ng mga ito. Pagkatapos ang pagtitipon, pag-uuri, pagsasalin at pagsusuri sa mga katutubong kuwento ay bubuo ng isang kagamitang pampagtuturo sa panitikan. Ang layuning makagawa ng kagamitang pampagtuturo ay nakabatay sa kontekstwalisasyon at lokalisasyon na nakasaad sa k-12 kurikulum.
Gumamit ang pag-aaral na ito ng kuwalitatibong uri ng pananaliksik partikular ng etnograpiyang pamamaraan kung saan nakapanayam ng mananaliksik ang labinlimang mga impormante ng Hingyon, Ifugao upang matipon at masuri ang mga katutubong kuwento.
Pagkatapos ng pag-aaral, napag-alamang maaaring uriin ang mga natipong katutubong kuwento sa kuwentong-bayan, alamat at mito. Napag-alaman din na ang mga ito ay kinapapalooban ng mga kultura at paniniwala ng mga tao sa Hingyon, Ifugao katulad ng paniniwala sa mga diyos, diwata at mga anito. Kinapapalooban din ang mga ito ng mga aral at kahalagahan katulad ng katapangan, kasipagan at pagkakaisa.
Dahil sa mga natuklasan ng mananaliksik ay inirerekomendang gamitin ang pag-aaral na ito bilang basehan upang makapag-aral ng ibang katutubong kuwento o katutubong panitikan ng ibang bayan ng Ifugao. Maaari ring gamitin sa pagtuturo ng panitikan ang nabuong kagamitang pampagtuturo.
Mga Susing Salita: katutubong kuwento, pagsasalin, kagamitang pampagtuturo
PANIMULA
Bawat bansa ay may sariling panitikan na nagsisilbing pagkakakilanlan ng mga mamamayan nito. Ang panitikan ay kinapapalooban ng paraan ng pamumuhay at tradisyon ng isang lahi. Maaaring itong tumukoy sa nobela, pabula, parabula o maikling kuwento. Samakatuwid, kadalasan itong hinggil sa mga kuwento na nauuri sa iba’t ibang anyo. Nabanggit ni Griffin (2013) na ang mga bansa katulad ng America at Africa ay may sariling panitikan katulad ng mito at kuwento na nakapag-ambag sa panitikan sa mundo.
Sinabi ni Denning (2015), ang kultura ay prinepreserba ng ilang mga pamayanan at lipunan sa kanilang mga mito, alamat at kuwento. Para matawag kang kasapi ng isang lipunan, nararapat na mayroon kang kaalaman hinggil sa mga kulturang nakapaloob sa mga akdang ito.
Sa pagtuklas ng mga pag-aaral na ito na isinagawa upang mapag-aralan ang panitikan partikular ng mga kuwento, masasabing ang bansang Pilipinas katulad din ng ibang bansa ay mayroong matatawag na panitikan na kinapapalooban ng mga kuwento at iba pa. Ayon kay Manlapaz at Miranda (2015), bago pa man makarating sa Pilipinas ang mga dayuhang mananakop ay mayroon ng katutubong panitikan ang Pilipinas na tinatawag ding matandang panitikan. Ito ay tumatalakay sa paraan ng pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino na punong-puno ng mga matatandang aral na nagsisilbing gabay sa naturang panahon.
Katulad din ng ibang bansa ay mahalaga rin ang pag-aaral ng panitikan sa Pilipinas. Binanggit ni Sauco (2009), ang panitikan ay may kahalagahan sa lahat ng mamamayan. Sinabi niya na “ang panitikan ay mahalaga katulad ng isang walang hanggang daloy ng tubig sa batisan na hinding hindi matatapos.” Idinagdag pa niya na maglalaho ang kaunlarang materyal pati na ang diwa ng nasyonalismo, ngunit hindi kailanman maglalaho ang panitikan ng isang bansa. Kaugnay nito, binanggit naman ni Santiago (2011) na kailangan nating pahalagahan at bigyang-pansin ang ating panitikan. Ayon pa sa kanya dapat mabatid ng bawat mag-aaral na lahing Pilipino ang kanyang pinagmulan nang lalo na ang kanyang kaakuhan at ang kanyang pagka-mamamayan ay mapagbuti.
Dahil dito kailangan din nating pag-aralan ang ating panitikan at gumamit ng mga kagamitang pampagtuturo para sa ikahuhusay ng proseso.
Ang Hingyon, Ifugao ay isa sa mga munisipalidad sa Pilipinas na may mga katutubong kuwento na dapat maipreserba sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga ito. Makatutulong ang pag-aaral na ito upang magkakaroon ng dagdag sa pambansang panitikan na maaaring magamit sa pagtuturo ng panitikan. Higit sa lahat mapapakinabangan ng mga taga-Hingyon ang kanilang sariling panitikan.
Kaugnay ng pahayag, naniniwala ang mananaliksik na ang pag-aaral na ito ay isang ambag sa pagpapalawak at pagpapaunlad sa ating pambansang panitikan, magsisilbi rin itong simula upang mabigyang ideya ang ilang mga pangkat etniko na aralin ang kanilang sariling panitikan.
Nabanggit ni Lorenzana (2005) sa kanyang pag-aaral na ipinahayag ni Dulawan (2010) na isang prediksyon ang inilahad ng isang antropologo noong 1973, na sa loob ng limampung taon, tuluyan ng maglalaho ang sariling kultura ng mga Ifugao at wala ng maiiwan na pagkakakilanlan ng kanilang lahi. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, maaaring tuluyang mawakasan ang prediksyong ito.
see PDF attachment for more information