Iikot nang iikot nang iikot, hanggang sa manghina at tumigil-- tulad nang namatay.
Ang isang bansa ay binubuklod ng wikang sumasagisag; sa kultura, tradisyon, perspektibo at kamalayan. Ito ang nagsisilbing katauhan ng bayan na lunduyan ng pagkakakilanlan at kasangkapang mukha ng sambayanan. Subalit, paano kung ito ay unti-unting mawala, maglaho...mamatay?
Unti-unti nang naglalaho ang dalawang lenggwaheng kinamulatan ng mga batang Aeta sa Botohan, Zambales-- ang wikang nananalaytay na sa kanilang tribo na Dicamay Agta at Villa Viciosa Agta. Sa kabilang banda ayon sa balita ng News Info Inquirer, ang mga Itawis na naninirahan sa Lambak ng Cagayan ay naimpluwesyahan ng wikang Ilokano. Datapwat sa tuwing sila ay nagdarasal, Ibanag na wika naman ang kanilang ginagamit na mula sa kanilang katabing tribo.
Ngunit ang lenggwaheng Itawit na gamit sa mga relihiyosong gawain ay unti-unti nang nawawala.
“Itawit as used for religious matters has disappeared,” inilahad ni Nestor Castro, propesor mula sa University of the Philippines (UP) Department of Anthropology.
Ayon naman sa Summer Institute of Linguistics (SIL), ang Pilipinas ay may 183 na lenggwaheng buhay—humigit kumulang 96 na porsyento ay mula sa mga katutubo. Namamatay na ang 11 sa mga ito at 28 naman ang unti-unti nang nanganganib. Kabilang na nga rito ang Dicamay Agta at Villa Viciosa Agta.
Sa mga ganitong suliranin, ano nga ba ang dapat gawin?
Ang unti-unting pagkawala ng mga katutubong wika na masasabing yaman na rin ng ating bansa ay hindi dapat ipagsawalang-bahala lamang. Nararapat na pagtuunan ito nang agarang pansin upang hindi ito tuluyang mahimlay at talikdan. Tulad nga nang sinabi ni Rynj Gonzales, isang espesyalista at dalubhasa sa wika ng SIL Philippines, kailangang itulak ang ahensyang may kinalaman dito na gawin ang kanilang tungkuling payabungin muli ang mga nanganganib na mga wika sa ating bayang sinilangan. Hindi dapat tumingin sa malayong direksyon sapagkat natatanaw agad ang problemang may kaugnayan sa ating pagkatao.
Sa mga ganitong sitwasyon, ating lingunin ang pinagmulan ng ating wika. Buhat sa pakikipaglaban ng mga Pilipino upang mag-alab ang mga ito. Nararapat lamang na pagmalasakitan pa rin at bigyang pagpapahalaga ang anumang wika ng katutubo. Bagaman nabibigyang-tuon ito ng Kagawaran ng Edukasyon dahil sa paglalagay nito ng Mother Tongue sa kurikulum kung saan wikang sinuso nang anumang pook o lugar ang ginagamit na salita, hindi pa rin lahat ay nasasakop nito. Marami pa ring mga liblib na lugar ang hindi abot ng programang ito.
Ang mga kabataan ang mas apektado. Paano ang kanilang kinabukasan kung iwawaglit sa kanilang isipan ang dapat na tangang wika nila sa hinaharap? Tulad ng isang beyblade, hindi dapat magkaroon ng hangganan ang pag-ikot ng ating wika sa ating kamalayan. Ang magandang puwersang nagdudulot nang magandang pag-ikot nito ay hindi nawa maging panandalian lamang. Nakatatakot na tuluyang huminto at mawalan nang saysay ang wikang yamang maituturing dapat ng perlas ng silangan.
Huwag magbulag-bulagan. Kung paano mo natanggap ang panghihimasok ng ibang wika sa iyong tahanan ay bakit hindi mo rin magawa sa sarili mong wika? Walang sinuman ang dapat lumimot kung paano ka binago ng iyong kinamulatang wika. Isalba muli ang mga lenggwaheng kaakibat ay ating katauhan. Buhayin ang mga katutubong wikang hindi napapansin at napahahalagahan. Higit dapat tayong maging mulat dahil kung ano ang ating wika ay iyon din tayo bilang mga Pilipino. Tulad ng palasak na kasabihan ni Gat. Jose P. Rizal, "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan."
Iikot nang iikot nang iikot, hanggang sa manghina at tumigil-- tulad nang namatay.
Huminto man ang beyblade sa pag-ikot nito muling paikutin at damhin ang kaligayahang dulot nito sa ating buhay. Gaya ng wikang unti-unting naglalaho, muling bigyang pansin at pagmamahal. Ayon nga kay Castro, "Language is the soul of a culture."