Return to site

KASI NGA TEACHER MO LANG AKO

Dr. Albert Cadiz Bulawat

· Volume I Issue IV

Kasi nga teacher mo lang ako...

Teacher mo lang ako,

Kaya itinuturo ko sayo lahat ng hindi mo pa alam.

Teacher mo lang ako,

Kaya kapag may nangyari sa iyo sa oras ng klase ko nananagot ako.

Teacher mo lang ako

Kaya nung unang nagkacrush ka naexcite ako

Pero pinaalalahanan kita na bata ka pa at unahin mo ang pag aaral mo.

Hindi ako ang nanay mo na nagluluto ng masasarap na pagkain para sayo,

Kasi teacher mo lang ako na nagluluto ng magandang bukas para sayo.

Hindi ako yung tatay mo na nagpapakakuba sa trabaho para maibigay sayo yung ginhawa na deserve mo,

Kasi nga teacher mo lang ako na nagpapakakuba sa kagagawa ng lesson plan at instructional materials para bukas pagpasok mo sa eskwela ganahan ka at masabi mong may natutunan ka.

Hindi ako sumusweldo ng malaki gaya ng iniisip mo.

Kasi nga teacher lang ako na ang sweldo ay kulang pa sa pag aabono ko para sa klasrum na madalas sinisira mo lang.

Yung meryenda ko inutang ko sa canteen kasi nung araw na yun nakita ko yung klasmeyt mo walang meryenda kaya ibinigay ko yung baon ko sa kanya.

Kapag may sakit ka excuse ka sa klase ko. Pero ako kahit na may sakit walang excuse excuse kasi ayaw ko masayang yung oras na inilaan mo sa pagpasok mo sa eskwela. Ang sakit ng ulo at lalamunan ko non. Nakiusap ako na wag kang maingay pero dimoko pinakinggan. Hinayaan kita dahil inisip ko baka gusto mo lang ilabas yung hindi mo mailabas sa bahay nyo.

Teacher lang kasi ako kaya siguro tuwing birthday ko o october mo lang maalala na nag eexist pala ako.

Kapag may problema ka. Nakikinig ako.

Kapag nahihirapan ka. Tumutulong ako.

Kapag nasasaktan ka. Nasasaktan din ako.

Kapag nagaguidance ka. Humaharap ako bago ang magulang mo.

Kapag sinasabi ng iba na hindi mo kaya. Sinasabi ko kaya mo.

Kapag isang linggo ng hindi ka nagpapakita. Dinadalaw kita kahit nagtatago ka.

Kapag sa tingin ko bumabagsak ka na. Pumipikit ako at ipapasa kita. Kasi naniniwala ako na di mo kasalanan na bumagsak ka. Kasalanan ko din siguro dahil hinayaan ko na umabot ka sa ganyang punto.

Ganyan kita kamahal. Ganyan kita tignan. Kasi teacher mo lang ako. Kahit pagtalikod ko pinag uusapan nyo ako.