Mula kolehiyo ay paulit-ulit ng binabanggit sa aming aralin na ang pagiging guro ay ang pinakadakilang propesyon sa lahat, respetado, kagalang-galang, at malinis ang pagkatao. Ito ay waring isang sirang plaka na walang tigil nagbibigay paalala sa aming mga sarili kung gaano kami kapalad sa kursong aming napili. Ngunit dakila nga ba ang tingin sa amin ng lahat?
Sa aking pagtuturo ay bitbit ko ang mga sentimyentong ito, na ako bilang guro ay magpapabago ng buhay ng mga batang aking tuturuan at magiging instrumento sa pagkamit ng tagumpay. Ang pananaw kong ito ay unti-unting natutunaw na parang isang kandilang nauupos habang ang apoy ng sigasig ay nilalamon ang aking mga adhikain. Kagalang-galang bang ituring ang isang guro na kulang nalang ay paliguan ng mura at sigaw ng isang magulang na ang anak ay nagupitan ng buhok, na kung tutuusin ay dalawang buwan nang pinagsasabihan? Respetado ba ang trato sa isang guro na duruin at maliitin sa isang katiting na pagkakamali na nagawa sa grado ng kanyang anak? At malinis na pagkatao ba ang tingin sa isang guro na pinagtsitsismisan dahil sa post nito sa facebook kasama ang kanyang kasintahan? Marami pang mga bagay at karanasan ang lubos na nakaapekto sa gurong aking napag-aralan. Nakakalungkot isipin na ganito ngayon ang kalagayan ng mga gurong handang ibigay ang lahat para sa magandang kinabukasan ng ating bansa. Nasaan na ang dakilang guro na pinagmamalaki sa ating mga libro? Marahil ang gurong naituro sa amin ay hindi kinikilala ng lipunang mapanghusga, o ito ay nabubuhay lamang sa imahinasyon ng ating mga isipan.
Ganito man ang estado natin ngayon, sana’y huwag magliyab ng tuluyan ang apoy at tunawin ang mga hangarin na ating nais makamtan para sa mga bata na ating tuturuan. Masasakit man na salita ang kapalit ng ating mga sakripisyo, sana’y kagalakan at kasiyahan pa rin sa mga bata ang syang mangibabaw. Gamitin sana natin ang ating mga sarili na parang isang kandila, na magbibigay liwanag sa daan na kanilang tatahakin patungo sa tagumpay. At balang araw, ang respeto at tingala na ninanais ay magliliwanag na parang pagsikat ng araw sa madilim na kahapon ng gurong naglaan ng malaking parte ng kanyang buhay.