Return to site

KALMA LANG

ni: CHRISTINA S. PAGLINAWAN

“Oh kalma, baby kalma. Wag mo naman akong bigyan ng dahilan para tabihan ka”. Yan ang masayang awit ni Gng. Palma habang nagwawalis sa silid-aralan pagkatapos mananghalian.

Masayang naglalaro naman si Atan ng “valiente” kasama ang mga kaklase. “Maaabot din kita Atan, mabilis yata akong tumakbo”, ang sigaw ni Michael. Binilisan pa ni Atan ang pagtakbo nang biglang,” ahhhhhhh, blaam’, bumagsak si Atan sa lupa.

Narinig ni Gng. Palma ang sigaw ng kanyang mag-aaral at agad itong lumabas ng silid. “Diyos ko, dugo”, ang garalgal na usal ni Gng. Palma na parang hihimatayin sa nakita. Hindi malaman kung ano ang gagawin.

Nakita ni Bb. Alona ang pangyayari sa labas at agad na lumapit. “Gng. Palma, kalma ka lang, maghunos dili ka, kunin ang medicine kit”, ang utos niya sa isa pang mag-aaral. “Dalhin natin ang bata sa clinic”, ang yaya niya kay Gng. Palma. Huminga siya ng malalim sabay buntong hininga. “Tama ka, tara na”. Takot kasi siyang makakita ng dugo dahil ito ang kahinaan niya at alam ito ni Bb. Alona.

“Araay! ang sakit”, ang impit na hinaing ni Atan habang nilalapatan ng paunang lunas ang kaniyang sugat sa noo. “Kalma ka lang, kaunting tiis lang, saglit lang ito”. “Mabuti nga at iyan lang ang napala mo, malayo iyan sa bituka”, ang pabirong wika ni Bb. Alona.

“Iyan na nga ang sinasabi ko sa inyo, kabilin-bilinan ko na huwag kayong maglalaro ng habul-habulan pagkatapos ng tanghalian. Bagkus ay magbasa na lang sa loob ng silid-aralan. Lalo kana Athan at medyo mabagal ka pang magbasa, at ikaw din naman Michael ay magsanay magsulat ng kabit-kabit”, dagdag pa na sabi kanilang guro.

“Oo nga po eh, ayaw po kasing maniwala nina Athan maam”, ang singit na wika ni Polyana, ang batang kanina pa pala nakasilip sa bintana ng clinic. Sabay na lumingon ang dalawang guro.

“At ano naman po ang ginagawa mo dito iha”, ang sabi ni Bb. Alona. “Hindi magandang asal ang nakikisali sa usapan”. “Pasensya na po, hindi na po mauulit”, ang nahihiyang sagot ni Polyana at yumukong bumalik na ito sa kaniyang silid-aralan.

Biglang pumasok ang humahangos na nanay ni Athan sa loob ng clinic. “Ano po ang nangyari sa aking anak”, ang napapaiyak na tanong ng nanay. “Kalma lang po kayo ginang, nagasgasan lang po ang noo ng inyong anak” ang sabi ni Gng. Palma. “Mabuti naman po kung ganon maam, ang nag-aalalang sagot ng ina”.

“Pasensiya na po kayo Gng. Palma, hindi na po kami maglalaro kapag tanghali pangako po” ang sabay na sagot ng magkaibigang Athan at Michael. Ngumiti naman ang kanilang mga guro. “Tara na, pumunta na tayo sa ating silid-aralan”, ang yaya ni Gng. Palma.