Gaano nga ba kahirap ang maging maybahay ng isang militar? Hanggang saan ang kayang mong tiisin para matupad ang isang tungkulin?
Siyam na taon na kaming kasal ng aking asawa na si Sarhento Errol Kennedy S. De Chavez. Isa siyang napakabuting ama sa aming dalawang anak at siyempre tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin. Bagamat madalas ay wala sa bahay, sinisigurado niya na nasa mabuti kaming kalagayan. Hanggang sa dumating isang nakalulungkot na pangyayari sa aming buhay. Mayo 2017 nang magsimula ang Marawi Siege at isa siya sa naipadala doon upang makipaglaban sa mga terorista. Dahil sa takot ko, hiniling ko sa kanya na huwag ng tumuloy ngunit ang tanging naging sagot niya ay “Mahal, gagawin ko ito para sa bayan. Tungkulin kong unahin ang kapakanan ng mamamayang Pilipino. Sana ay maunawaan mo ako.” Masakit man sa akin ay pinabaunan ko na lamang siya ng pagmamahal, rosaryo, at isang mahigpit na yakap. “Mag-iingat ka, Mahal. Hihintayin namin ang pagbabalik mo” ang aking nasambit habang tumutulo ang aking mga luha.
“Bang…bang…” walang tigil na putukan ang aking naririnig sa tuwing kami ay magkakausap sa gabi. Walang maayos na tulog sapagkat hindi mo alam kung anong pwedeng mangyari sa loob ng ilang oras. Buwan ng Oktubre nabigyan siya ng ilang araw na bakasyon. Walang pagsidlan ang kasiyahan na aking naramdaman noon sapagkat muli naming siyang nakasama. Sa kanyang pagbabalik sa Marawi, muling nanumbalik ang takot at kirot sa aking puso. Oktubre 10,2017 bandang 2:30 ng hapon sunod-sunod na tawag ang aking natanggap mula sa mga numerong hindi pamilyar sa akin. Pero dahil sa dami ng aking mga gawain bilang isang guro, hindi ko agad nasagot ang mga ito. Hanggang sa….“Gng.De Chavez, kasamahan po ako ng inyong asawa. Huwag po kayong mabibigla. Kasalukuyan pong nasa operating room ang inyong asawa. Natamaan po siya ng sniper” mensahe ng isang kasamahan. Tila babagsak ang aking mundo ng mga sandaling iyon. Ngunit talagang napakabuti ng Panginoon sapagkat makalipas ang ilang oras ay tumawag na ang aking asawa. “Mahal, ayos na ako. Huwag ka ng umiyak” ang kaniyang pang-aaliw sa akin.
Tunay ngang isang milagro ang nangyari. Isa itong patunay na ang malalim naming pananalig sa Panginoon ang nagligtas sa aking asawa sa bingit ng kamatayan. Ipinagmamalaki ko siya sapagkat ang kaniyang pagmamahal sa bayan ay tunay na hindi mapapantayan. Iyan ang tatak ng isang tunay na Pilipino!