Return to site

Kabisaan ng Prezi Presentation Bilang Makabagong Kagamitang sa Pampagtuturo

Harmon Dela Cruz Balido

Sierra Marie Santos Aycardo, PhD

· Volume I Issue IV

KABANATA 1
ANG SULIRANIN AT KALIGIRAN NG PAG-AARAL

Panimula

Sa ating henerasyon ngayong ika – 21 siglo, masasabi natin na ang kompyuter o makabagong teknolohiya ang pangunahing ginagamit sa kasalukuyan. Napakahalaga itong kagamitan sa mga nasa industriya, paaralan, kumpanya, at mga establisimyento. Ginagamit ang kompyuter sa pagpapabilis at pagpapadali ng mga proseso ng mga gawain o trabaho. Sa dalawang dekada ng paggamit ng kompyuter naging bahagi na ito ng pamumuhay ng tao.

Ang gamit ng kompyuter sa edukasyon ay napakalaking kontribusyon para sa mga mag-aaral maging sa mga guro sa larangan ng kaalaman at proseso. Ang Computer Software ay napakalaking impluwensya sa lahat ng gumagamit nito, partikular na ang mga mag-aaral. Ito ay nakasulat sa 20th Century Chronology of Events in the Philippines ni Jaime A. Garcia Jr. (2004). Ang Information Technology and Electronic Commerce Council (ITECC) ay naniniwala sa malaking kontribusyon at bahagi ng kompyuter para sa impormasyong panteknolohiya at pag- aaral ng mga kabataan. Ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pamamaraang pagtuturo ay nagbibigay ng karagdagang interes din sa mga mag- aaral. Lalo na ang pagpapakita ng mga biswal na nirerepresenta ng kompyuter na naiprograma sa Prezi Presentation at Microsoft Power Point (PPT).

Sa Microsoft Power Point, kaya nitong magpakita ng isang teksto na may larawan, video clips, at mga pelikula na hindi nagagawa ng isang gurong limitado lamang ang kagamitan sa kaniyang pagtuturo.

Idinagdag din ni Nicolas (1998), ang tradisyunal na pag- aaral sa isahang pagkatuto ay tinatalakay at inihahatid sa pamamagitan ng mga softwares katulad ng Prezi Presentation, Microsoft Power Point at Cyberlink Power Director. Maging ang mga eksperto ay nagpatunay na ang presentasyong tulad nito ay higit na nakagaganyak sa mga kabataang mag–aaral. Sapagkat hindi lang sila nakikinig, nakakakita pa sila ng magagandang larawang gumagalaw na nagbibigay buhay sa bawat detalye ng paksa.

Mula sa paggawa ng isang modyul, nakita ng mananaliksik na mas epektibo ang paggamit ng interaktibong presentasyong modyul. Ang modyul ay nagtataglay ng tiyak na mga gawain na buo at ganap sa kaniyang sarili at inayos nang masistematiko at komprehensibo. Kung magkagayo’y dahil sa sapat at buo ang modyul, ang mag-aaral ay umuunlad at gumagawa ayon sa pansariling bilis, paraan, antas ng pagkatuto at panahon, Mayos (2005).

Sa pamamagitan din ng ganitong instruksyunal na kagamitan nagiging malaya ang mag-aaral sa paggawa kahit wala ang patnubay ng isang guro na minsang nagiging solusyon din sa suliranin ng guro sa loob ng silid-aralan. Sapagkat hindi sa lahat ng pagkakataon ay kayang abutin at asikasuhin ang kilos at galaw ng lahat ng kaniyang mga mag-aaral. Lalo na kung ang guro ay nagtuturo sa mga mag-aaral na may malaya nang makapagsarili at makapag-isip sa kanilang sariling opinyon at ideya.

Layunin rin ng pag- aaral na ito na matugunan ang kahingian ng K to 12 na sanayin ang mga mag- aaral na matuto sa paraang makabuluhan, kawili- wili, realistiko at nakabatay sa katotohanan. Sa inilahad ni Jacobe (2009), pagtuunan ng pansin ang programa ng K to 12 upang malinang ang kakayahang replektibo at mapanuring pag- iisip. Nakakalungkot, sapagkat pawang literal lamang o mababaw lamang ang nabuong paglalarawan o katha ng mga mag- aaral sa kasalukuyan sa bawat talakayan. Umaasa ang mananaliksik na ang pag- aaral na ito ay magiging makabuluhan lalo na sa bahagi ng mga mag- aaral. Sapagkat ang gawain ng pagbuo ng reproduktibong imahinasyon ay isang epektibong gawaing mapupukaw ang pagkamalikhain ng mga mag- aaral sa pagbuo ng isang kaisipan tulad ng maikling kwento gamit ang kanilang imahinasyong may kaugnayan sa nakaraan.

Ang reproduktibong imahinasyon ay kasangkot sa pagbabalik-gunita sa mga dating kaalamang pinagtagpi- tagpi sa mga kasalukuyang nabuong ideya hanggang sa makabuo ng orihinalidad na komposisyon o katha. Ito ay nagtataglay ng mga ideyang gumagamit ng mga simbolo o imahe sa isang ideya na maaring maiugnay sa mga nakaraan at babaguhin gamit ang mga simbolo o imahe.

Nangangahulugang sa pagtuturo hindi lamang responsibilidad ng guro kung paano matututo ang mga mag-aaral sa pagbabasa, pagsusulat, pagsasalita kundi responsibilidad din nila kung paanong magkakaroon ng reproduktibong imahinasyon ang mga mag- aaral. Kaya naman sa pag- aaral na ito ay ginamit ang isang makabagong computer software.

“Prezi is a presentation tool that can be used as alternative to traditional slide making programs such Powerpoint. Instead of slides, Prezi makes use of one large canvas that allows you to pan and zoom to various parts of the canvas and emphasize the ideas presented there”. (wikipedia.org.com)

Kakaiba ang pamamaraan at pagkilala ng presentasyon sa mga nakahelera nang panteknolohiyang kagamitan. Mas mainam itong gamitin dahil napakikilos nito ang bawat larawang nagsisilbing pamukaw interes sa paksa at higit sa lahat nakalilibang at nakagaganyak upang matuto ang mga mag-aaral.

Hindi matatawaran ang papel ng guro sa paaralan. Sa kanilang mga kamay nakasalalay ang katuparan ng responsibilidad na inaasahan ng mga kabataan sa susunod na henerasyon, kaya marapat lamang na bigyang tugon ang mga gawaing pampagtuturo.

Hindi maikakaila na marami pang mga guro sa kasalukuyan ang patuloy na gumagamit ng makalumang tradisyon sa pagtuturo ng wika. Ngunit napakalaking hamon sa mga guro na nasa pampublikong pampaaralan na malinang ang kaalaman at kasanayan ng mga mag- aaral kahit pa malaki ang bilang ng mga mag- aaral sa klase. Ang kakulangan ng kagamitang pampagtuturo ay isa sa mga nagiging suliranin para sa mabisang pagtuturo. Ang pagkakaroon ng isang mabisang kagamitang pampagtuturo ay magiging instrumento upang mas lalo pang malinang ang kasanayang pagsulat, pagsasalita, pakikinig at pagbasa. Kung ang isang institusyon ay may sapat na mga kagamitan, hindi pa rin sapat ang ikapagtatamong pag- unlad sa pagkatuto kung ang isang guro ay hindi maalam sa paggamit at kung kailan nararapat gamitin ang mga ito.

Sa pagkatuto, nagbubunga ito ng wastong gawi sa pag- aaral; nakakaganyak ito sa kawilihan ng mga mag- aaral; mapapasigla ang pansariling gawain ng mga mag- aaral; nag- aambag ito ng iba’t ibang karanasan tungo sa pagkakamit ng kasanayan at pagkakaroon ng patuloy na interes sa pag- aaral; nagdudulot ito ng mabisa, kawili- wili, madali at maagang pagtuturo at pagkatuto.

Kaya’t ang pag- aaral na ito ay nagbigay tuon sa pagsasagawa ng isang mungkahing makabagong presentasyon na kagamitang panturo sa mga araling may kaugnayan sa panitikan sa mga mag- aaral ng Grade- 8 Filipino.

Paglalahad ng Layunin
Ang layunin ng pag- aaral na ito ay nakatuon sa pagbuo at pagpapakita ng kabisaan ng isang makabagong presentasyon sa pagtuturo ng Filipino sa Ikawalong Grado.

Ito ay naglalayong matugunan ang mga sumusunod:
1. Makabuo ng Prezi Presentation bilang kagamitang- pampagtuturo sa Balagtasan bilang isa sa mga aralin ng Filipino sa Ikawalong Grado.

2. Masukat ang kabisaan ng makabagong presentasyon na nakabatay sa mga sumusunod na pamantayan:
2.1 layunin,
2.2 nilalaman,
2.3 organisasyon at presentasyon, at
2.4 pagsasanay at pagsubok.

3. Magamit ang presentasyon sa aktwal na pagsasanay upang maipakita ang kabisaan sa pagtanggap ng mga guro at pagkatuto ng mga mag- aaral sa ikawalong grado.
3.1 eksperto
3.2 mag- aaral
3.2.1 Control Group
3.2.2 Experimental Group

4. Makapagbigay ng implikasyon sa kahalagahan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya bilang kagamitang panturo sa Filipino.

Kahalagahan ng pag- aaral
Responsibilidad ng guro na bigyan ng mahusay na edukasyon ang mga mag- aaral. Naniwala ang mananaliksik na ang pag- aaral na ito ay isang makabuluhan para sa paghubog ng pang- akademikong kakayahan ng mga mag- aaral bilang pagtugon sa mga layunin ng K to 12. Higit ang pagkakamit sa katuparan ng mga layunin sa pagtuturo at pagkatuto kung isasaalang-alang ang paggamit ng mga kagamitang pampagtuturo sa pagtalakay sa mga aralin sa loob ng silid-aralan. Kung kaya’t ang pag-aaral na ito ay inaasahang makatutulong sa mga sumusunod:

Sa mga mag-aaral, ito ay magsisilbing daan sa pagtuklas ng kanilang kakayahan at sa ganoon matutulungan rin nila ang kanilang sarili sa paggamit ng makabagong teknolohiya. At sa pamamagitan nito mapupukaw ang kanilang mga guniguni.
Sa mga guro, magagamit itong patnubay at kawilihan, makilala ang kakayahan ng mga mag- aaral, partikular ang kanilang reproduktibong imahinasyon. Paraan rin ito upang mapukaw at gisingin ang kanilang kakayahan sa imahinasyong makatutulong sa kanila bilang paghahanda para sa mas mataas na antas. Ito’y maaaring maging daan upang higit pang malaman ang kahinaan at kahusayan ng isang mag-aaral sa pag-aangkin ng wastong pagpapahalaga. Maaari rin itong maging batayan ng mabuting pagpaplano ng balangkas ng aralin at paghahanda ng mga angkop at sapat na mga kagamitang pampagtuturo, sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang panimula sa pag-uugnay-ugnay sa pagtuturo ng mga pagpapahalaga na magsisilbing puwang o daan sa pag-aaral ng asignaturang Filipino.
Sa mga magulang, bilang katuwang ng mga guro, sa paghubog ng mga positibong pag-uugali ng kanilang mga anak ay magkakaroon ng feedback sa pamamagitan ng pag-aaral na ito.
Sa mga administrador ng paaralan, ito’y isang mahalagang kabatiran na magsisilbing gabay upang makagawa sila ng mga paraan kaugnay ng kasalukuyang programang ipinatutupad upang makamit ang higit na ikabubuti ng pagtuturo at pagkatuto, gayundin maipagkaloob sa mga guro ang mga sapat na materyales o kagamitang pampagtuturo na magagamit upang ang mataas na kalidad ng edukasyon ay makamtan.
Sa mga mananaliksik, ito ay maaaring magsilbing karagdagang impormasyon para sa katulad na pag-aaral.

Saklaw at Delimitasyon ng Pag- aaral
Ang pag- aaral na ito ay sumaklaw sa pagsasagawa ng makabagong presentasyon mula sa paggamit ng Prezi Presentation, Microsoft Power Point at Cyberlink Power Director sa pagtuturo ng Balagtasan. Ang bawat aralin ng presentasyon ay katatampukan ng mga bahaging: (1) layunin, (2) nilalaman, (3) organisasyon at presentasyon, (4) pagsasanay at pagsubok.

Ang pag- aaral na ito ay ginamitan ng metodolohiyang Research and Development (R & D). Kabilang sa pag- aaral ang walumpung (80) piling mag- aaral sa Tarlac National High School- Main., Taong Panuruan 2015- 2016 na kumukuha ng Grade 8- Filipino. Sila ang sumubok sa kabisaan ng makabagong presentasyon upang maipakita ang kabisaan sa paggamit ng ganitong kagamitan sa pagtuturo. Sila’ y pinangkat ayon sa antas ng kanilang kaisipan at pagkatuto, 40 ang grupo ng control group at 40 ang experimental na grupo.

Kasama rin ang dalawang guro ng Filipino sa Tarlac National High School isang propesor ng Filipino ng Tarlac State University, at isang District Supervisor sa Filipino sa Division Office ng Tarlac Province bilang mga eksperto ng ginawang presentasyon.

Depinisyon ng mga Katawagang Ginamit
Sa bahaging ito’y binibigyan ng lalong kalinawanagan at pagkaunawa ang mga salitang ginamit sa talakayan upang lubos na maunawaan ang pag- aaral na ito.
Control Group. Ito ang mga mag- aaral na tinuruan gamit ang tradisyunal na pagtuturo ng Filipino. Binigyan din sila ng panimula at panapos na pagsusulit upang masukat ang kanilang kakayahan.
Cyberlink Power Director. Isang uri ng aplikasyon sa kompyuter na kung saan maaaring makagawa ng isang pelikula. Kayang tumanggap ng larawan, video clips, power point slides, at maaring lapatan ng musika.

Eksperto. Mga taong dalubhasa sa wika at panitikan at tumulong na sumuri at nag- analisa sa mga teksto o kaisipan upang mabigyang linaw ang kasalakuyang pag- aaral.
Experimental Group. Ito ang mga mag- aaral na gumamit ng binuong modyul sa pagtuturo ng Filipino. Binigyan rin sila ng panimula at panapos na pagsusulit upang masukat ang kanilang kakayahan.

Kabisaan. Ito ang pagsusuri kung gaano kaepektibo ang presentasyon na nabuo batay sa pagtanggap at opinyon ng mga eksperto at iskor ng mga mga- aaral sa mga pagsusulit na isinasagawa matapos ang bawat presentasyon.

Kagamitang Pampagtuturo. Anumang bagay na ginagamit ng isang guro bilang pantulong sa paghahatid ng mga katotohanan, kasanayan, saloobin, kaalaman, palagay, pang- unawa, at pagpapahalaga sa mga pag- aaral upang maging konkreto, tunay, dinamiko at ganap ang pagkatuto.

Computer Program. Ang kompyuter program ay isang balangkas ng mg utos na prinoproseso ng kompyuter.

Layunin. Ang mga hangaring nais matamo sa isang pag- aaral na lumilinang sa kasanayang pangwika at pagbasa ng mga mag- aaral.

Microsoft Power Point Software. Isa ito sa mga programa ng kompyuter na ginagamit upang maipakita ang dinamikong format sa bawat slide show. Kinatatampukan dito ang presentation package na may tamang proseso, balangkas, drawing at grapiko ng mga larawang napapagalaw ayon sa kaisipang nailalahad sa bawat aralin.

Modyul. Isang kagamitan na pansariling pag- aaral na buo at ganap sa kanyang sarili at nakatuon sa tiyak na gawain sa pagkatuto na nakahanay sa maayos na pagkakabuo sa ikapagtatamo ng mga mag- aaral ng tunguhin sa aralin.

Nilalaman. Ang nilalaman ng binuong makabagong modyul ay may mga larawan, tunog at musika, effects, pagsasanay at pagsubok sa paksang Balagtasan.

Pagsasanay at Pagsubok. Ito ang bahagi na naglalaman ng mga pagsusulit upang mabatid ang pagkatuto ng mga mag- aaral sa bawat aralin na inilahad.

Prezi Presentation. Ito ay mas angat kaysa Power Point Presentation na kung saan maaring maglapat ng larawan, tunog at musika at ito ay maaring galawin at kontrolin.

Teknolohiya. Ang pagsulong at paglapat ng mga kasangkapan, makina, kagamitan at proseso upang tumulong sa paglunas ng mga suliranin ng tao.