ABSTRAK
Sa pag-aaral na ito, naniniwala ang mananaliksik na may magagawa ang pamamaraang kontekstuwalisasyon at lokalisasyon sa pagtuturo ng asignaturang Filipino.
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa layuning masukat ang kabisaan ng paggamit ng kontekstuwalisadong aralin sa pagtuturo ng Filipino 7 na ibinatay sa K to 12 Kurikulum.
Ang pamamaraang ginamit sa pananaliksik na ito ay disenyong eksperimental sapagkat sinuri kung mabisa ba ang paggamit ng kontekstuwalisadong aralin sa pagtuturo ng Filipino sa baitang 7 sa napiling mag-aaral sa grupong kontrolado at grupong eksperimental sa Paaralang Sekondaryang Licerio Topacio-Imus Taong Panuruan 2018-2019. Sa pag-aaral na ito ang grupong kontrolado ay tinawag na “grupo kontekstuwalisadong aralin” at ang grupong eksperimental ay tinawag na “grupong “di kontekstuwalisadong aralin”.
Ang pamamaraang ginamit sa pananaliksik na ito ay kuwantitabo. Ayon kina Aliaga at Guderson (2000), ang pamamaraang ito ay ang pagpabibigay-paliwanag sa phenomena sa pamamagitan ng paglilikom ng mga impormasyon at numero na nilalapatan ng mga estadistika. Ito ay nangangahulugan na magkakaroon ng mas malinaw na paglalarawan ang isang pag-aaral kung ang pamamaraang ito ang gagamitin.
Layunin ng pananaliksik na ito na alamin ang epekto ng isang pagsubok, eksperimento o programa ng pangkat na sumailalim dito at ihambing ang resulta nito sa isa pang pangkat.
Upang makita ang bisa ng kontekstuwalisasyon at lokalisasyon ng mga aralin, ang mananaliksik ay nagbigay ng pauna at panghuling pagsusulit. Gumamit ng t-test ang mananaliksik sa pagsusuri upang tiyakin kung may makabuluhang pagkakaiba sa resulta ng mga pagsusulit sa dalawang grupo. Gayundin, ginamit din sa pag-aaral na ito ang computed value ng mean, variance, standard deviation at learning gains.
Natuklasan ng mananaliksik na walang makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng marka sa paunang pagsusulit ng dalawang grupo, masasabing pantay ang kaalaman ng mag-aaral bago pa man magsimula ang pag-aaral. Subalit kinakitaan ng makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng post-test ng grupong kontekstuwalisadong aralin at grupong ‘di kontekstuwalisadong aralin. Nangangahulugan lamang ito na mas ganap ang pagkatuto ng mga mag-aaral na sumailalim sa paggamit ng kontekstuwalisadong aralin sa pagtuturo kumpara sa grupong ‘di kontekstuwalisadong aralin na nilapatan ng tuwirang pagtuturo.
Kinakitaan ng malaking pagitan ang bahagdan sa learning gains ng grupong eksperimental kumpara sa kontroladong grupo sa kadahilanang ang mga ginamit sa yugto ng pagkatuto higit lalo sa pangkatang gawain ay umakma at iniugnay sa reyalidad o pangyayari sa kanilang lugar.
Sa pagtatapos ng pag-aaral ay lumabas na may kabisaan ang paggamit ng kontekstuwalisadong aralin sa pagtuturo ng Filipino sa pagkatututo ng mga mag-aaral sa baitang 7 sa General Licerio Topacio National High School sa Lungsod ng Imus.
KABANATA 1
ANG SULIRANIN- ANG SANLIGAN NITO
Panimula
Taong 2011, ipinatupad ang matagal nang pinaplanong pagbabago sa programang pang-edukasyon ng Kagawaran ng Edukasyon sa Pilipinas na tinatawag na Programang K to 12. Masasabing maraming miyembro ng akademiya, mga estudyante at mga magulang ang unang tumatanggi sa pagbabagong ito. Para sa mga magulang at mga estudyante, dagdag- gastos ito dahil tatagal ang ilalagi ng isang bata sa paaralan. Para sa mga administrador ng mga paaralan, napakalaki at napakalalim ng kakailanganing reporma at pagsasaliksik para matugunan ang kailanganin ng programang K to 12.
Sa kabila ng mga pagtutol at pag-aagam-agam, natuloy rin ang mahalagang pagbabagong ito.
Ayon sa pamunuan ng Kagawaran ng Edukasyon, dumaan sa masusing pag-aaral ang pagbabagong ito sa programa ng edukasyon sa Pilipinas. Sinasabing isa sa mga kabutihang dulot nito ay ang pagbibigay ng pagkakataon para sa mga estudyante na mahasa sa mga iba’t ibang larangan ng espesiyalisasyon.
Ang pag-aaral sa kindergarten at 12 taon sa batayang edukasyon ay may layong magbigay ng sapat na panahon para mas matutuhan at mapaghusay ng mga mag-aaral ang mga konsepto at kasanayang kinakailangan para sa tertiary education o kolehiyo, gayundin sa pagtatrabaho at pagnenegosyo.
Halos walong taon nang nakalipas mula nang sinimulang ipatupad ang bagong sistemang ito sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa buong Pilipinas. Maraming sumalungat noon, subalit unti-unti nang nakikita ang magandang epekto ng programang ito. Ayon sa mga guro at mga mag-aaral na rin na nagsimula na ng K to 12 program sa kanilang mga paaralan, isa sa mga kabutihan nito ay ang pagkakaroon ng mga asignatura at araling praktikal at nagagamit ng mga mag-aaral sa araw-araw na pamumuhay.
Ang asignaturang Filipino ay nakatuon sa pagtuturo ng Wika at Panitikan. Nililinang nito ang kasanayan sa pakikinig, pagsasalita, pagbabasa, pagsusulat at panonood. Binibigyang-pansin nito ang lahat ng bagay na maaaring mapag-usapan, maisulat, maisip, makita at madama.
Ang pag-aaral ng panitikang Filipino ay malaking tulong upang mapaunlad ang kaisipan ng tao, maramdaman ang tunay na damdamin tungo sa mga pangyayari sa paligid, makapagpahayag ng saloobin, makabuo ng pagpapasya sa iba’t ibang sitwasyon at makabuo ng bagong kaalaman batay sa kanyang paniniwala, kakayahan gamit ang mga natutuhan na pakikinabangan niya, ng kanyang kapwa, o marahil ng buong mundo.
Sa pag-aaral na ito, naniniwala ang mananaliksik na may magagawa ang pamamaraang kontekstuwalisasyon at lokalisasyon sa pagtuturo ng mga aralin sa Filipino 7. Sapagkat kung mapapansin, ang mga mag-aaral sa baitang 7 sa panahon ngayon ay hindi gaanong nagpapakita masteri sa mga kompetensi hinggil sa mga aralin. Patunay dito ang sinabi ni Adelma R. Samson, isang guro sa Filipino 7 na nakararanas ng hirap sa pagtuturo ng wika sa kanyang mag-aaral sapagkat walang sumasagot sa kanya nang tanungin niya an gang kahulugan ng pang-uri. Tinitigan lamang siya ng kanyang mga mag-aaral. Dapat ay alam na ng mga mag-aaral ang kahulugan nito sapagkat pinag-aralan na ito noong sila ay nasa elementarya. Sa madaling pananalita, bumabalik sa blankong kahon ang kaalaman ng mga mag-aaral pagsampa nila ng Junior High School.
Sinang-ayunan ito ng isa pang guro sa Filipino 7 na si Arturo Laraya na hindi makapagpahayag ang mga mag-aaral sa baitang ng isang makabuluhang pangungusap, higit lalo kapag tinatanong ang mga ito ng kung anong bahagi ng pangungusap ang sumusunod.
Ang mga payak na dahilan na ito ay nagtulak sa mananaliksik na isagawa ang pag-aaral na ito. May magagawa at maitutulong kaya ang paggamit ng kontekstuwalisadong aralin sa pagtuturo sa mga mag-aaral sa baitang 7 kung lalapatan ito ng konstekstuwalisasyon at lokalisasyon? Magiging mabisa kaya ang pamamaraang ito sa pagtuturo ng asignaturang Filipino? Marahil ito ay nangangailangan ng mas masusi pang pag-aaral at pagmamasid upang malaman na ang kontekstuwalisasyon at lokalisasyon ay mabisa o hindi sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Dahil sa makabagong pamararaang ito, ang mananaliksik ay nagkaroon ng interes na talakayin ang paksang ito upang magamit sa pang-araw-araw na pagtuturo, makabuo ng iba’t ibang kagamitang makatutulong sa mga mag-aaral, sa mga guro at sa paaralan ng General Licerio Topacio National High School.
Ayon sa Batas Republika Blg. 10533, Seksyon 2, “Ang Estado ay magtatatag, magpapanatili, at magtataguyod ng isang ganap, sapat, at nakapaloob na sistema ng edukasyong tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan, ng bansa, at ng malawakang lipunan.” Malaki ang papel ng mga gampaning ito upang ang mithiin ay makamtan sapagkat nakasalalay sa kanila ang paglinang ng mga kaalaman upang ang bawat isa na nagkapagtapos ng pag-aaral ay maging indibiduwal na may kapangyarihan sa mga bagay sa kanyang paligid, na may mainam na prinsipyo, may kakayahang maghanap-buhay at maging produktibo at mga kakayahang panlokal at pang-internasyunal. Sa ganitong adhikain ay malaking tulong ang pagtuturo ng Panitikan sapagkat ito ang salamin ng buhay. Ang mga pangyayari sa araw-araw ay nasusulat simula pa noong panahon ng katutubo bago pa man dumating ang mga kastila sa bansa hanggang sa ngayon at sa maaari pang mangyari sa darating pang mga araw. Sa mga maikling kuwento, sanaysay, nobela at dula ay maaaring matanaw mo ang iyong sarili.
Ang kontekstuwalisasyon ay tumutukoy sa proseso ng kurikulum para sa partikular na tagpo, sitwasyon, karanasan, kamalayan, lokasyon o lugar na paglalapatan upang ang kompetensi ay maging makabuluhan at kapaki-pakinabang para sa mga mag-aaral. Ang lokalisasyon ay bilang o digri/ antas ng kontekstuwalisasyon. Ang lokalisasyon ay binibigyang kahulugan bilang proseso ng pag-uugnay ng pagkatuto sa nilalaman. Tinutukoy ng kurikulum para sa lokal na impormasyon at bagay na mula sa komunidad ng mga mag-aaral. Samantalang ang indigenisasyon ay bilang pagsasaalang-alang sa isang maliit/payak na komunidad.
Upang maging kontekstuwalisado ang pag-aaral, ang guro ay gagamit ng materyal o bagay na buhay tulad kinagigiliwang isyu o karanasan, mga gawain at pangangailangan mula sa paraan ng pamumuhay ng mga mag-aaral.
Sa pag-aaral na ito, ang mananaliksik ay nakatuon lamang sa kontekstuwalisasyon at lokalisasyon sapagkat ang indigenisasyon ay hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaaring gamitin o gawin dahil ito ay nakalaan lamang sa partikular na kultura at paniniwala. Kumakatawan ito sa pagiging sagrado ng likas na kakanyahan ng isang komunidad o tradisyon. Samakatuwid, maaaring gawing indigenisasyon ang kurikulum batay sa mga mag-aaral na may katangian indigenisado.
Ayon kay Taylor (2014), “Ang kontekstuwalisasyon ay bubuo sa makabagong kakayahan, kaalaman, kasanayan, at kaugalian ng mag-aaral na inilahad sa bagong paksang aralin na makahulugan at may kaugnayan sa nilalaman nito: ang kanilang karanasan, ang tunay na buhay, at pook na kung saan sila nasanay. Ang lokalisasyon ay may kalayaan ang paaralan at lokal na awtoridad na matanggap ang kurikulum at ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto sa lokal na kapaligiran.”
Kung gayon ang kontekstuwalisasyon at lokalisasyon ay ipinatutupad upang ang mga mag-aaral ay makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang pook. Habang bata pa ay tinuturuan na kung papaano pahalagahan ang likas na yaman na makukuha sa kanilang pook. Matutuhan nilang unahin ang sariling bayan kaysa mag-isip na maghanap-buhay sa ibang bansa. Kaya ang paggamit ng pamamarang kontekstuwalisasyon at lokalisasyon sa asignaturang Filipino ay ang kukumpleto sa pagkatao ng isang mag-aaral o ng indibiduwal.
BATAYANG KONSEPTUWAL
Bawat Pilipino ay nangangarap na mapasakamay ang dekalidad na edukasyon sa tulong at suporta ng iba’t ibang institusyon. Makakamtan lamang ang dekalidad na edukasyon kung malalaman ang mga salik na siyang makatutulong upang mapaunlad ang kakayahan ng mga mag-aaral. Ang pagpapaunlad ng kakayahan ng mga mag-aaral ay isa sa mga responsibilidad ng guro. Ang isang guro ay nararapat na makapagplano ng mga estratehiya at pamamaraan na makapagbibigay- daan tungo sa produktibong resulta sa kakayahan at kasanayan ng mga mag-aaral.
Sinasabing ang pagtuturo ay isang sining at ang guro na siyang nagtuturo ang siyang gumaganap bilang direktor sa buhay kanyang mga mag-aaral. Bilang isang guro, may masalimuot na landas ang pagdaraanan niya bago mahubog ang buong pagkatao ng kanyang mag-aaral. Ang guro ang siyang nagbibigay ng direksyon sa kabataan na itinuturing na pag-asa ng bayan. Siya ang magsisilbing liwanag sa buhay ng kanyang mga mag-aaral na nagsisilbing malaking hamon sa mga guro. Upang mapagtagumpayan ang hamong ito, patuloy na tumutuklas ang mga guro ng iba’t ibang makabagong pamamaraan, dulog, estratehiya at pagsasanay na papasa sa panlasa ng mga mag-aaral na buong-pusong yayakapin at tatanggapin.
Batay sa K to 12 Kurikulum, kabilang ang asignaturang Filipino sa lilinangin ng mga mag-aaral. Ang Filipino ay tumatakalay sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa Wikang Pambansa.
Ayon kina Abad at Ruedas (2006), ang mga may-akda ng aklat na “Filipino Bilang Tanging Gamit sa Pagtuturo”, ang wika ang pinakamahusay at malinaw na himaton sa kung ano ang partikular na pananaw ng tao sa daigdig na kanyang ginagalawan.
Kaya naman ang kurikulum sa pagtuturo ng Filipino ay may layuning malinang ng isang buo at ganap na Pilipinong may kapaki-pakinabang na literasi sa pamamagitan ng una, kakayahang komunikatibo. Ikalawa ay reflektibo / mapanuring pag-iisip. At ikatlo, pagpapahalagang pampanitikan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga babasahin at teknolohiya tungo sa pagkakaroon ng pambansang pagkakakilanlan, kultural na literasi at patuloy na pagkatuto upang makaagapay sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa daigdig.
Bilang tugon sa mga pangyayari, ang mananaliksik ay nagkaroon ng layunin na makatulong sa guro na maging mas mabisa at mas epektibo ang pagtuturo ng Filipino 7 sa mga mag-aaral gamit ang kontektuwalisadong aralin sa pagtuturo.
Minabuti ng mananaliksik na bumuo ng aralin alinsunod sa lokalisasyon mula sa lungsod ng Imus, na naglalayong makatulong sa mabilis at mabisang pang-unawa ng mga mag-aaral sa mga paksa sa asinaturang Filipino.
Sa Filipino 7 ay tinalakay ang iba’t ibang uri ng pantikan mula Luzon hanggang Mindanao. Lahat ng panitikan sa pulong Mindanao ay sa Unang Markahan pinag-aaralan samantalang sa Ikalawang Markahan ay mga panitikan sa Bisayas at mga panitikan sa Luzon sa Ikatlong Markahan. Pag-aaral ng koridong Ibong Adarna ang sa Ikaapat na Markahan.
Naniniwala ang mananaliksik na may malaking kinalaman ang teorya ni Albert Bandura na Social Learing Theory sa pag-aaral na ito. Malaki ang magiging gampanin ng mga taong nakapaligid sa kanya sa kanyang pagkatuto. Sa pamamaraang ito, magiging aktibo ang mag-aaral. Hihimukin ng mga gawaing ito ang mga mag-aaral na magkaroon ng responsibilidad na subaybayan ang kanilang pag- unlad at masuri ang mga panyayari sa kanyang buhay. Ang mga mag-aaral ay inaasahang magiging aktibo hinggil sa mga pangyayari sa kanyang komunidad. Tinatasa rin nito ang maraming paraan ng pagkatuto.
see PDF attachment for more information