Return to site

K.I.P.A.P.: ESTRATEHIYA SA PAGPAPATAAS NG PERPORMANS SA PAGTUKOY NG MGA SALITANG MAGKAPAREHO O MAGKAKA-UGNAY ANG KAHULUGAN

JEFREY P. GAJUTOS

· Volume II Issue I

ABSTRAK

Ang pag-aaral na ito ay nauukol sa epekto ng K.I.P.A.P. (Kagamitang Interbensyon sa Paglinang ng Araling Pampagkatuto) sa paglinang ng kasanayan sa salitang magkapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan ng mga mag-aaral sa baitang 10. Gumamit ng one shot design sa pag-aaral ang mananaliksik. Ang mga kalahok sa pag-aaral ay mula sa baitang 10 ng Mataas na Paaralang Pambansa ng Justice Eliezer Delos Santos sa Taong Panuruan 2019-2020 na napili gamit ang purposive sampling. Ang stadistikang pamamarang ginamit ay ang pretest, posttest at t-test. Nilayon din ng pag-aaral na ito kung papaano inilarawan ng mga mag-aaral ang kanilang naging karanasan matapos ang paggamit ng K.I.P.A.P.

Batay sa isinagawang pag-aaral, natuklasan na nakapagtala ng mas mataas na mean score ang posttest na 27.16 kumpara sa mean score ng pretest na 16.13. Ipinahihiwatig nito na may kabuluhang pagkakaiba ang resulta ng pretest at posttest. Ang paggamit ng K.I.P.A.P. ay may malaking epekto sa pag-unlad ng kanilang kasanayan at kaalaman. Higit na naunawaan at lumawak ang kanilang kaalaman hinggil sa mga salitang magkapareho o magka-ugnay ang kahulugan. Gayundin, mula sa panayam sa mga mag-aaral, lumabas na may mabuti at positibong epekto ang paggamit ng K.I.P.A.P. Dahil dito iminumungkahi ng mananaliksik na dapat na gamitin ito sa klase sa pagtuturo ng wika. Na ang bawat guro sa asignaturang Filipino ay kinakailangang lumikha ng SIM na makapagpapa-unlad sa mabababang kasanayan sa pagkatuto ng mga mag-aaral. At hinihikayat din ang iba pang mananaliksik na magsasagawa pa ng ibang pag-aaral kaugnay nito.

Key words: K.I.P.A.P, salitang magkapareho at magkaka-unay ang kahulugan

Kabanata I

Introduksyon

Konteksto at Rasyonale

Ang pagbasa ay isang proseso ng paghihimay-himay ng mga salitang nakalimbag. Ito rin ay isang pamamaraan ng pag-unawa sa mga nakalimbag na titik na bumubuo sa mga salita. Sa makatuwid sa pagbasa kinakailangang maunawaan ng isang nagbabasa ang tumpak na kahulugan o mensahe na nais nitong iparating sa mga mambabasa. Mahalagang mapa-unlad ng mga mambabasa ang kasanayang ito upang mas maging makabuluhan ang kanyang buhay. Ayon kay Mangahis (2011), ang epektibong pagpapahayag ng kaisipan, saloobin, naisin at damdamin ay isang mahalagang proseso sa pakikipagtalastasan. Ang pangunahing kasangkapan upang maisakatuparan ang matagumpay na pakikipagtalastasan ay ang paggamit ng wika.

Sa kasalukuyang sitwasyon ng Sistemang Pangedukasyon sa Pilipinas, na kung saan mayroong kakulangan ng klasrum sa buong bansa, gayundin ang kakulangan ng pondo upang makapaglaan ng mga kagamitang pampagtuturo na magagamit ng mga mag-aaral, kinakailangan na ang mga guro ay maging inobatibo at malikhain sa mga kagamitang pampagtuturo na magagamit sa loob ng klasrum.

Ang pagtukoy sa mga salitang magkakapareho o magkakaugnay ang kahulugan ay ang isa sa mga kasanayang idinidebelop sa mga mag-aaral sa Baitang Sampu (Gabay Pangkurikulum sa Filipino, 2016). Batay sa mga naging karanasan ng mananaliksik sa pagtuturo ng asignaturang Filipino, gayundin ang mga obserbasyon bilang gurong tagapag-ugnay ng nasabing asignatura at ang panayam sa mga guro ng baitang sampu sa kasalukuyan ay napansin na sadyang nahihirapan ang mga mag-aaral na matamo ang kasanayang ito. Sa resulta ng Mastery Level sa Filipino sa Baitang Sampu sa per Question sa Unang Markahan sa taong panuruan 2018-2019 ay nakakalap ng 24.00. Samantalang ang resulta ng Mastery Level sa Filipino sa Ikalawang markahan ay 53.00, ang ikatlo at ika-apat na markahan ay kapwa nakakuha ng 36.00 na mastery level. Ang mga nabanggit na matery level ay hindi umabot sa pamantayan na 75.00 sa Regional Mastery Level. Ito ay nagsasaad na mababa o katamtaman ang kanilang iskor sa nabanggit na kasanayan. Ang kasanayang ito ay napakahalagang matutunan nang may pang-unawa ng mga mag-aaral sapagkat magagamit nila ito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Kung kaya’t ito ang naging dahilan upang mapagtuunan ito ng pag-aaral ng mananaliksik na kung saan ang kasanayan ito ay binigyan ng oras na malinang sa pamamagitan ng inihandang inobasyon ng mananaliksik.

Sa pag-aaral ng mga akdang pampanitikan ay nililinang sa mga mag-aaral ang pagtukoy sa mga salitang magkakapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan. Sa pamamagitan nito napapaunlad ang “critical thinking” ng mga mag-aaral. Nabanggit ni Ramirez (2015), na ayon sa pag-aaral ni Adan, sinasabi na ang guro ay may napakahalagang papel sa paghubog ng ating kabataan at paglinang sa kanilang kakayahan. Hinihikayat nila ang mga mag-aaral na abutin ang kanilang mga pangarap, magkaroon ng sariling disiplina sa kanilang sarili at sa anumang gawain, magkaroon ng malikhain at malalim o mataas na lebel na pag-iisip at nagbibigay halaga sa edukasyon.

INOBASYON, INTERBENSYON AT ESTRATEHIYA

Ang mananaliksik ay nagsagawa ng ganitong pag-aaral na sa pamamagitan ng paggamit K.I.P.A.P (Kagamitang Interbensyon sa Paglinang ng Araling Pampagkatuto) na isang SIM (Strategic Intervention Material), naniniwala ang mananaliksik na malaki ang maitutulong nito upang mapataas ang perpormans ng mga mag-aaral sa kasanayang nabanggit na suliranin. Makatutulong din ito sa pagkatuto ng mga mag-aaral at sa mga guro upang lubusang maihatid ang proseso ng pagkatuto sa mga mag-aaral.

Sa panahon ngayon, kailangang makasabay ang mga mag-aaral sa mga pagbabagong nagaganap sa lipunan. At ang paggamit ng makabagong pamamaraan o istratehiya sa pagtuturo ay lubhang napakahalaga sa matagumpay na pagkatuto ng bawat indibiwal.

Ayon kay Escoreal (2012), na sa paggamit ng Strategic Intervention Material ng mga mag-aaral ay nagkaroon ng malaking epekto sa pagbaba ng bilang ng mga mabababang kasanayan matapos ang implimentasyon ng SIM. Ang SIM ay nakapagpapataas at nakapagpapalalim ng kaalaman, pag-iisip, pang-unawa at kakayahanan ng mga mag-aaral. Ang mga mag-aaral na gumamit ng SIM ay nagpakita ng mataas na perpormans na kung saan ito ay nagresulta ng mas mataas na kinalabasan ng pagkatuto ng mga mag-aaral (Togonon, 2011).

Sa pag-aaral ni Alcantara (2018), ang paggamit ng SIM (Strategic Intervention Material) bilang pantulong na kagamitan sa pagtuturo ay maituturing na pangangailangan sa pagtuturo upang higit na maging kawili-wili, magaan at makabuluhan ang pagkatuto ng mga mag-aaral. Ito rin ang magiging kaparaanan upang ang mga salitang ginamit sa akda ay lubos nilang matutunan at maunawaan.

Ang mga nabanggit na pag-aaral, ang naging saligan ng mananaliksik na ang paggamit ng SIM (Strategic Intervention Material) ay nakapagpapataas sa proseso ng pagkatuto ng mga mag-aaral.

Layunin ng pag-aaral na ito na mapatunayan ang kabisaan ng SIM sa paglinang ng kasanayan ng mga mag-aaral sa salitang magkapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan upang makatulong sa mga guro na magamit nila ito bilang kagamitang pampagtuturo at gayundin upang mapukaw ang isipan ng mga mag-aaral nang sa ganoon ay maging mabisa ang paggamit nila ng mga salitang magkakapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan.

MGA TANONG SA AKSYON RISERT

1. Ano ang mean score sa pretest ng mga mag-aaral sa mga salitang magkapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan?
2. Ano ang mean score sa posttest ng mga mag-aaral sa mga salitang magkapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan?
3. Mayroon bang makabuluhang pagkakaiba ang Pretest at Posttest ng mga mag-aaral bago at matapos ang implementasyon SIM (Strategic Intervention Material) sa mga salitang magkakapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan ng mga mag-aaral?
4. Paano inilarawan ang naging karanasan ng mga mag-aaral matapos ang paggamit ng Strategic Intervention Material sa pagtukoy ng mga salitang magkapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan?

Kabanata II

Metodolohiya

Mga Kalahok at Pagkukuhanan ng mga Datos

Ang mga kalahok sa pag-aaral ay 45 mga mag-aaral mula sa Baitang Sampu ng pangkat-Sapphire sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Justice Eliezer Delos Santos sa Taong Panuruan 2019-2020. Sa pagpili ng mga mga-aaral, ang mananaliksik ay gumamit ng purposive sampling. Ang mga kalahok na ito ay may mababang marka sa isinagawang pagsusulit ng guro. At batay rin sa panayam sa kasalukuyang guro ng baitang sampu, ang mga kalahok na ito ang nahihirapang umunawa sa mga salitang magkapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan. Na kung saan ito ay kanilang ginagamit sa pagbuo ng mga magkakaugnay na pangungusap tungo sa isang makabuluhang teksto.

Pangangalap ng mga Datos at Instrumento

Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng one shot design na uri ng pananaliksik. Ang mga kagamitan at instrumentong ginamit sa pananaliksik sa pag-aaral ay ang sariling gawang pretest at post test, K.I.P.A.P at semi-structured na panayam.

Ang sariling gawang pagsusulit ay binubuo ng 40 na pung aytem na may pagpipilian upang matukoy ang kabisaan ng K.I.P.A.P. sa kanilang konseptong pang-unawa. Ang mga katanungan na nakapaloob sa pagsusulit ay ibinatay sa kasanayang hinahasa sa Filipino Curriculum Guide at gayundin sa pinagkunang datos mula sa aklat. Ang nabuong pagsusulit ay binalideyt ng mga dalubhasa sa nasabing asignatura.

Gumamit ng K.I.P.A.P (Kagamitang Interbensyon sa Paglinang ng Araling Pampagkatuto) o SIM (Strategic Intervention Material) ang mananaliksik bilang kagamitang inobasyon sa pagtuturo. Ang K.I.P.A.P ay binubuo ng Kard ng Patnubay, Kard ng Gawain, Kard ng Pagtataya, Kard ng Pagpapayaman, Kard ng Sanggunian at Kard ng Kasagutan. Ang mga bahaging ito ay susubok sa kasanayang idinidelop sa pag-aaral ng mananaliksik. Ang ginawang K.I.P.A.P ay ipinabalideyt sa dalubguro, puno ng kagawaran ng Filipino gayundin sa punungguro ng paaralan. Ang pidbak mula sa mga nagbalideyt ay isinaalang-alang ng mananaliksik.

Bilang karagdagan, nagsagawa rin ng semi-structured na panayam sa mga mag-aaral ang mananaliksik upang malaman ang kanilang pang-unawa sa epekto ng K.I.P.A.P sa pagtukoy ng mga salitang magkakapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan bilang isang interbensyon sa pagkatuto.

Ang mga datos ay nakalap sa mga sumusunod na bahagi ng pag-aaral:

Unang Bahagi: Pagpaplano at Pagtukoy sa Kalahok sa Pag-aaral ng Aksyong Pananaliksik

Ang unang hakbang na ginawa ng mananaliksik ay tinukoy ang mababang kasanayan mula sa naging resulta ng Mastery Level ng baitang 10. Matapos matukoy, ang pag-aaral ng mananalisik ay sininimulan sa pamamagitan ng pagsangguni at paghingi ng pahintulot sa punungguro ng paaralan para maisagawa ang pag-aaral gayundin ang paghingi ng mungkahi sa pamagat ng aksyon riserts. Matapos ito, lumikha ng sariling gawang pagsusulit (Pretest at Post test) ang mananaliksik. Ang ginawang pagsusulit ay ipinabalideyt sa dalubguro, puno ng kagawaran ng Filipino gayundin sa punungguro ng paaralan. Ang pidbak mula sa mga nagbalideyt ay isinaalang-alang ng mananaliksik.

Ang mga datos ay nakalap mula sa iskor ng pretest at posttest na may apatnapung (40) aytem. Ito ang ginamit na basehan upang matukoy ang lebel ng pagkatuto ng mga mag-aaral bago at matapos ang isinagawang pag-aaral. Ginamit ang mean upang malaman ang kabuuang iskor sa mga pagsusulit. Ginamit din ang t-test para malaman ang kabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng pretest at post test.

Ikalawang Bahagi: Implementasyon, Eksperimentasyon gamit ang K.I.P.A.P

Matapos ang pagsasagawa ng pretest, gumamit ng K.I.P.A.P (Kagamitang Interbensyon sa Paglinang ng Araling Pampagkatuto) o SIM (Strategic Intervention Material) ang mananaliksik bilang kagamitang inobasyon sa pagtuturo. Sa proseso ng pagtuturo, tinalakay ng mananaliksik ang kasanayan ng mga salitang magkapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan. Ang mga inihandang gawain na nakapaloob sa K.I.P.A.P ay hinimay-himay at pinasagutan sa mga kalahok sa pag-aaral. Ipinangkat ng mananaliksik sa tatlong mag-aaral ang bawat grupo upang may katuwang ang bawat isa sa pagsagot sa mga gawain.

Ikatlong Bahagi: Ebalwasyon ng Pag-aaral

Sa prosesong ito, pinangasiwaan ang pagpapasagot ng binalideyt na posttest sa mga kalahok sa pag-aaral. Gumamit ng berbal na interpretasyon ang mananaliksik sa pagtukoy ng perpormans ng mga mag-aaral sa Pretest at Posttest.

Mastery Level Deskripsyon

96.00-100.00 Mastered

86.00-95.55 Closely Approximating Mastery

66.00-85.55 Moving Towards Mastery

35.00-65.99 Average Mastery

15.00-34.99 Low Mastery

5.00-14.99 Very Low Mastery

0.00-4.99 Absolutely No Mastery

Para matiyak ang katumpakan ng kinalabasan, nagsagawa rin ng panayam sa mga mag-aaral ang mananaliksik upang malaman ang kanilang pang-unawa sa epekto ng K.I.P.A.P sa pagtukoy ng mga salitang magkakapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan.

Pag-aanalisa ng mga Datos

Matapos pangasiwaan ng mananaliksik ang pagpapasagot sa posttest, ang iskor o resulta sa isinagawang pagsusulit ay nilapatan ng kaakibat na estadistika. Gumamit ng estadistikang Mean at T-Test ang mananaliksik para matukoy ang kahalagang estadistika sa resulta ng pretest at posttest ng mga mag-aaral.

Sa kabilang banda, sa pamamagitang ng pakikipanayam, inalam din sa pag-aaral ang naging epekto sa damdamin ng mga mag-aaral sa kanilang naging karanasan nang isinagawa ang pag-aaral gamit ang K.I.P.A.P. Ang mga datos na nakalap ay inorganisa upang matukoy ang mga temang nangingibabaw dito.

Kabanata III

Resulta at Diskusyon sa Pag-aaral

Sa pahinang ito, inilahad ang naging resulta ng pag-aaral gamit ang K.I.P.A.P (Kagamitang Interbensyon sa Paglinang ng Araling Pampagtuturo) sa pagtukoy ng mga salitang magkakapareho o magkaka-ugnay ang kahulugan na nagmula sa lahat ng datos na nakalap mula sa ginamit na mga instrumento. Ang mga mga nakalap na datos ay masusing hinimay-himay gamit ang estadistikang pamamaraan. Ang mga katanungan sa kabanata I ay binigyang kasagutan sa pamamagitan ng mga sumusunod na kinalabasan:

see PDF attachment for more information