Natatanaw ko sa dako pa roon ang aking inay suot ang isang puting bestida. Naaalala ko pa noon hindi mapagsidlan ang aking saya tuwing nalalaman kung uuwi na ang inay sa aming probinsiya. Bata pa lang ako mulat na ako sa kahirapan ng aming buhay. Ang tatay ko ay isang magsasaka at ang aking ina naman ay namamasukan na kasambahay sa siyudad. Pito kaming magkakapatid, salat man sa buhay ay busog naman sa pag-aaruga at pagmamahal ng aming mga magulang.
Sa pananabik ko, patakbo kung sinalubong at mahigpit na niyakap ang aking inay. Hindi siya gumalaw, bagkus ngumiti lamang at nagwika, “ineng, aalis na ako”. “Inay san ka pupunta?” tanong ko. Ang tanging naging sagot niya lamang ay “ok na ako, ayos na ako”. Bumuhos ang aking luha habang kinakalas niya ang aking mga kamay sa pagkakayakap sa kanya.Unti-unti siyang lumakad palayo hanggang tuluyan nang mawala sa aking paningin. Walang tigil ang aking pag-iyak. Isang malakas na tawag at yugyog ang nagpagising sa akin. Puno at hilam ng luha ang aking mga mata, kung sana’y panaginip na lang lahat, pero hindi, wala na akong ina, wala na ang aking pinakamamahal na ina.
“Ate masama na naman ang pakiramdam ng inay, masakit na naman ang tiyan at ulo” tuloy tuloy na wika ng aking kapatid habang kausap ko siya sa cellphone. Sa tuwing tumatawag ang aking kapatid, lagi na lang may halong kaba at at takot akong nadarama. Sa nakalipas na buwan kasi pabali-balik ang inay sa hospital. Hindi namin alam ang gagawin bukod sa malayo kami, andiyan ang matinding banta ng pandemya. Ang hirap ng sitwasyon, gustong-gusto naming umuwi pero hindi kami makauwi sa Romblon dahil sa mahigpit na travel restriction.
Kahit malayo kami sa aming inay, pinaparamdam naming magkakapatid ang pagmamahal sa kanya,hindi namin pinapabayaan ang inay, pinapadala namin lahat ng kailangan niya. Pero sadyang mapagbiro ang tadhana, Marso 7, 2020 ang isa sa pinakamasayang araw ng aking buhay dahil ito ang araw ng aking kasal ngunit pagkalipas ng isang taon ito din pala ang isa sa pinakamalungkot kong sandali. Marso 7, 2021, agaw-buhay na ang inay sa hospital. Lubos ang lungkot at pighati naming magkakapatid sa nangyari. Ang saya pa namin noong nakaraang taon, malakas ang inay, kumpleto kaming magkakapatid at buo ang aming pamilya.
Sa mga teleserye ko lang napapanuod ang mga eksenang kailangan nang umuwi nang madali dahil sa nag-aagaw buhay na miyembro ng pamilya, hindi ko akalain na mararanasan namin itong magkakapatid. Kahit mahirap ang bumiyahe, kahit nangutang ako dahil malaki ang magagastos sa pag-aayos ng mga dokumento, hindi ko ito inalintana. Hindi kami nag-aksaya ng panahon, dahil ang gusto namin ay mayakap ang inay at maabutan namin siyang buhay.
Tunay na napakasakit makita ang iyong ina na nahihirapan, gusto kong akuin lahat ng sakit at hirap na nararamdaman niya. Hindi ko siya matingnan dahil parang pinipiga ang aking puso. Sa nakikita kong kalagayan ng aking ina, hiniling ko sa Diyos na Siya na ang bahala, kung kukunin na sa amin ang inay ay maluwag na naming tinatanggap kasi doble ang sakit na nararamdaman namin sa tuwing nakikita naming siyang nahihirapan.
Makalipas ang tatlong araw, habang inaawitan ng aking itay ang inay, binawian siya ng buhay. Masakit man tanggapin pero lubos kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil kung tutuusin mas mapalad pa kami sapagkat nabigyan kami ng pagkakataon na makapiling ang inay at masabi kung gaano namin siya kamahal hindi kagaya sa iba na abo na lang ang kalong. Sa pagkawala ng inay, mas tumibay ang relasyon naming magkakapatid. Sa bawat isa kami humuhugot ng lakas at nangakong magtutulungan at hindi pababayaan ang bawat isa lalo na ang itay.
Gaya sa paglubog ng araw at tuluyang pagkawala ng liwanag, may mga pagkakataon sa ating buhay na tayoy nahaharap sa madilim na tagpo, ngunit huwag nating kalilimutan na may Diyos na mabuti at nagmamahal sa lahat ng pagkakataon. May bagong umaga na sisilay, kaya isang mahigpit na yakap sa mga nawalan ng mahal sa buhay pero patuloy na lumalaban at positibo pa rin ang pananaw sa buhay. Isang mahigpit na yakap inay.