ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito na may pamagat na “Integratibong Dulog sa Pagtuturo at Antas ng Pag-unawa sa Pagbasa at Kasanayan sa Pagsulat” na may layuning matukoy ang antas ng pananaw ng mga mag-aaral sa paggamit ng integratibong dulog at kaugnayan sa antas ng pag-unawang literal at ganap gayundin kasanayan sa pagsulat. Matapos isagawa ang pananaliksik na ito ay nabuo ang mga sumusunod na paglalagom:
Lubhang napakaepektibo ng integratibong dulog sa pagtuturo ayon sa pananaw ng mga mag-aaral. Sa katunayan, napakaepektibo ng paggamit ng content-based instruction samantalang lubhang napakaepektibo naman ang paggamit ng thematic teaching.
Higit na mas marami ang mga mag-aaral na may katamtamang antas ng pag-unawa sa binasa sa pre-test samantalang mas lumamang ang mga nasa pinakamahusay na antas ng pag-unawa sa post-test o pagkatapos gamitin ang content-based instruction. Gayundin, natuklasang higit na mas maraming mag-aaral ang nasa mahusay na antas sa pre-test samantalang pagkatapos gamitin ang thematic teaching ay mas marami ang mga nasa pinakamahusay na antas.
Sa mga kasanayan sa pagsulat partikular sa Content-Based Instruction natuklasan sa pag-aaral na ito na nasa pinakamahusay na kasanayan na ang mag-aaral sa pre-test at nasa pinakamahusay pa ring kasanayan sa post-test sa Pagkilatis sa Kahalagahan ng mga Kaisipan at Kabisaan, sa Pagsasanib ng Kaisipang Nabasa at Naranasan at Paglikha ng Sariling Kaisipan.
Sa kabilang banda, sa Thematic Teaching natuklasan ding nasa pinakamahusay na kasanayan na ang mag-aaral sa pre-test at nasa pinakamahusay pa ring kasanayan sa post-test sa Pagkilatis sa Kahalagahan ng mga Kaisipan at Kabisaan, sa Pagsasanib ng Kaisipang Nabasa at Naranasan at Paglikha ng Sariling Kaisipan.
Mayroong makabuluhang pagkakaiba ang mga iskor sa pre-test sa antas ng pag-unawa sa pagbasa at sa kasanayan sa pagsulat sa mga iskor sa post-test gamit ang Content-Based Instruction at Thematic Teaching.
Walang makabuluhang kaugnayan ang integratibong dulog sa pagtuturo sa antas ng pag-unawa sa pagbasang literal at ganap at sa kasanayan sa pagsulat na Pagkilatis ng Kahalagahan ng mga Kaisipan Kabisaan, Pagsasanib ng Kaisipang Nabasa at Naranasan at Paglikha ng Sariling Kaisipan gamit ang content-based instruction at thematic teaching. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral na ito, lumabas na:
Di-tanggap (rejected) ang panimulang haka o haypotesis ng pag-aaral na ito sapagkat napatunayang mayroong makabuluhang pagkakaiba ang antas ng pag-unawa sa pagbasa sa mga iskor ng pre-test at post-test ng mga mag-aaral gamit ang Content-Based Instruction at Thematic Teaching.
Di-tanggap (rejected) ang ikalawang haka o haypotesis sapagkat mayroong makabuluhang pagkakaiba ang kasanayan sa pagsulat na mga iskor ng pre-test at post-test ng mga mag-aaral gamit ang Content-Based Instruction at Thematic Teaching.
Sa kabilang banda, tanggap (accepted) ang ikatlong haka o haypotesis sapagkat napatunayan na walang makabuluhang kaugnayan ang integratibong dulog sa pagtuturo sa antas ng pag-unawa sa pagbasang literal at ganap at sa kasanayan sa pagsulat na Pagkilatis ng Kahalagahan ng mga Kaisipan Kabisaan, Pagsasanib ng Kaisipang Nabasa at Naranasan at Paglikha ng Sariling Kaisipan gamit ang content-based instruction at thematic teaching. Malinaw na ipinakikita sa pag-aaral na ito na bago pa man gamitin ang integratibong dulog ay nasa mataas na antas ng pagbasa at mataas na kasanayan ng pagsulat na ang mga mag-aaral kaya lumabas na walang makabuluhang kaugnayan ang dulog na ito. Samakatuwid, bagaman tumaas ang mga iskor ng pre-test kumpara sa post-test, wala itong kaugnayan sa pagtuturo.
Keywords: antas ng pag-unawa sa pagbasa, integratibong ulog, kasanayan sa pagsulat , pagtuturo, Filipino
PANIMULA
Ang paraan ng pagtuturo ay parang isang libro, ang tradisyunal na pagtuturo ang unang rebisyon at ang makabagong paraan naman ay ang pinakabagong rebisyon sa proseso ng pagkatuto ng mag-aaral.
Anomang paraan ang ginagamit ng mga guro, ang mahalaga ay pamamaraan ng pagtuturo ng guro at ang istilo ng pagkatuto ng mag-aaral na siyang tumutukoy sa kaparaanan nila ay mas higit na gusto ng mga mag-aaral para sa kanilang pag-aaral. Dahil sila ang nagkaroon ng pagkatuto sa anumang mabisang dulog na ginagamit ng guro.
Napansin ng guro na nagiging makabuluhan ang talakayan ng klase gamit ang dulog integratibo.
Ang dulog integratibo ay isa sa mga dulog pampagtuturong ginagamit sa ika-21 siglong edukasyon.
[1} Nasa ilalim ng integratibong dulog ang teorya ng integratibong pagkatuto na naglalarawan ng pagsasanib ng mga araling tumutulong sa mga mag-aaral na makabuo ng koneksyon tungo sa iba’t ibang disiplina.
[2] Malaki ang tungkuling ginagampanan ng mga guro sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang bawat guro ay naghahangad na mauunawaan ng mga mag-aaral ang kanyang itinuturo, kaya nararapat lamang gumamit siya ng angkop na dulog para matutunan ang pangangailangan bunga ng pagkakaiba-iba ng kanyang mga mag-aaral. Ang paggamit ng dulog ay isang mabisang instrumento upang magkaroon ng epektibong interaksyon sa pagitan ng guro at mag-aaral habang sila’y nagbabahaginan ng kanilang kaalaman, karanasan, pananaw at paniniwala.
[3] Ang makabagong dulog ay naaayon sa takbo ng panahon. Ibig sabihin nababago ang mga pamamaraan ng pagtuturo sa paglipas ng mga henerasyon upang manatiling buhay at makabuluhan ang pagtuturo ng isang guro. Kinakailangang angkop ang mga gagamiting dulog sa pagtuturo, maging masusi sa pagpili ng mga pagdulog na naaayon sa antas ng mga mag-aaral.
[4] Kapansin-pansing na ang pagtuturo sa Filipino ay unti-unti nang nakakamit ang mga mithiing katangian gaya ng integratib dahil nakaintegreyt ang lahat ng mga mabisang kasanayan.
see PDF attachment for more information