Return to site

INANG KALIKASAN…

JEANIFER C. LAGULA

Bulihan Integrated National High School

Pagmasdan mo ang iyong kapaligiran

Makulay at sadyang puno ng kamahalan,

Ngunit ang iba sa atin ay walang pakundangan

Sa nangyayari sa kanilang mundong ginagalawan.

 

Hindi natin alintana ang bigay nitong halaga

Na wari natin tama lang ang maling gawa,

Tapon dito, tapon doon

Na pati kakahuyay ating sinusuong

Sa mga illegal na madaming suhestiyon.

 

Noong ako’y bata pa

Nakaranas ako ng masaganang barya,

Na wari ko’y walang mandadaya

Ngunit sa huli ako’y inalipusta.

 

Madami man ang natuwa sa kanilang maling ginawa

Ngunit sa mata ng Ina sila ay may sala,

Hindi man ngayon ang tamang singilan

Subalit darating ang araw na sila’y hindi na pagbigyan.

 

Anuman ang iyong itinamin Ay iyong aanihin-

Katagang lagi sana nating paka-isipin.

Sapagkat masarap ang mamuhay ng sapat

Lalo na’t galing sa pawis ng isang matapat.

 

Ang Inang Kalikasan ay nagsusumamo

Sa bawat nilalang na mapagbalatkayo,

Hindi alintana ang gawaing masama

Na wari ay hindi makikita ng iba

Ngunit may isang Inang umaasa

Na mapagbago ang kanyang nilikha.

 

Kapatid maging mapanuri sana

Malaman natin nawa ang mali sa tama,

Hindi magandang adhikain ang galit sa kapwa

Mamuhay nang naaayon sa utos ng Ina.

Magtiwala lamang sa ating Inang Kalikasan

Marahil hindi pansin ang dulot niyang kaginhawaan,

Subalit ating alamin ang dapat para sa kanya

Nang sa gayon siya naman ay matuwa.

 

Maberteng puno, mala-paraisong tanawin

Yan ang bukod tanging aking naisin

Tulungan nating ibalik ang kinuha nilang lupain

Mula sa kamay ng mga dayuhang mapang-alipin.

 

Ating pagyamanin ang Inang Kalikasan

Tayo’y magtulungan para sa kanyang magandang kinabukasan,

Noon marahil hindi natin pa sadya na siya’y masaktan

Subalit sa kabila ng lahat tayo ay kanyang pinagbigyan.

 

Pasalamatan ang mga bagay na nasa ating kapaligiran

Lalong pagyamanin at lalong pangalagaan,

Upang ito’y mapakinabangan ng ating kamag-anakan

Mapa-rito o mapa-roon man.

 

Nawa’y magsilbing gabay ang aking kasulatan

Isapuso ang lahat ng napakinggan,

Pag-aralan ang salitang pagmamahalan,

Nang sa gayoy matuwa ang Inang Kalikasan.