Pangkalahatang Layunin ng Pag-aaral:
Ang pag-aaral na ito ay may layuning masuri at mailarawan ang imahe ng kabataang Pilipino mula sa piling kuwentong pambata sa tulong ng teoryang moralistiko.
Pamaraan:
Ang pananaliksik na ito ay ginamitan ng pamamaraang palarawan na pinatibay ng pagsusuring pag-aaral mula sa sampung piling kuwentong pambata. Lubos ding nakatulong ang pakikipanayam sa mga dalubguro, manunulat at mga guro upang maging makatotohanan ang pagsusuri at mga nakalap na impormasyon. Dagdag dito, nakapagbigay nang sapat na kaalaman sa mananaliksik ang pagmamasid sa mga guro partikular na sa Baytang 7 at 8 ng Mataas na Paaralang Rajah Soliman Agham at Teknolohiya sa kanilang pagtuturo ng kuwentong pambata.
Resulta ng Pag-aaral:
1. Ipinakikita sa mga piling kuwentong pambata ang moralistikong pananaw batay sa mahahalagang elemento tulad ng tauhan, dayalogo, mensahe at tema.
2. Lumutang ang imahe ng kabataang Pilipino na mula sa piling kuwentong pambata na naglalarawan sa kabutihan sa sarili at kabutihan sa kapwa.
3. Ang mga simbolismong ginamit ng may-akda sa paglalarawan ng kabataang Pilipino na batay sa teoryang moralistiko ay salamin, batong agimat, lumang aparador, kariton, sapatos, sandosena, papel, kahon, lapis at retrato o larawan. Bawat isa sa mga nabanggit ay may kani-kaniyang pagpapakaluhulugan na nais ipahiwatig sa mga mambabasa.
4. Magsisilbing gabay sa pagtuturo at pagkatuto sa paglinang ng kakayahang magbigay nang malalim na kahulugan at pagpapahalaga sa kuwentong pambata ang mga estratehiyang “Art Angel” (Malikhaing Pagguhit), “Sine Mo ‘TO!” (Sining ng Pagtatanghal), “Kalookalike (Paggaya sa tauhan), “ SM- Sining ng Musika” (Pag-awit sa piling bahagi), “Guess What?” (Pagbibigay ng wakas sa akda), “Brochure Making” (Pagpapakilala sa mga tauhan sa Kuwentong pambata), “Tagis-Talino” (Pagtataya sa Kumprehensiyon), “S & R- Sayaw at Ritmo (Pag-uugnay sa ibang disiplina), “Mannequin Challenge” (Pagbuo ng Imahe sa Akda) at “Reporter’s Notebook” (Pakikipanayam).
Konklusyon:
1. Lubos na nailarawan ang imahe ng kabataang Pilipino mula sa mga piling kuwentong pambata na mula sa kabutihan sa sarili tulad ng ang paghahanap ng kasagutan nang buong sigasig, pagiging masayahing bata, pagiging mananampalataya, paghahanapbuhay nang may kasipagan at pagtitiyaga, pagiging maibigin at magiliwin sa paglalaro, pagbibigay ng pagpupuri sa sarili, pagpapamalas ng pagsusumikap na mabago ang buhay, may matibay na pananalig, pakikinig nang mabuti sa nakatatanda at pagkakaroon ng tiwala sa sarili. Samantalang nakilalang ganap naman ang mga imaheng nangibabaw naman sa kabutihan sa kapwa tulad ng pakikipag-usap sa nakatatanda nang may paggalang, pagtatanong nang mahinahon, palagiang paggunita sa kabutihan ng mahal sa buhay, pakikitungo nang maayos sa kapatid, pagtataglay ng malawak na pag-iisip, pakikisama at pakikipagkaisa sa kapwa, pagpapamalas ng pagmamahal sa ama, pagpapakita ng respeto sa miyembro ng pamilya at pagpapakita ng pagpapasalamat sa magulang.
2. Malaki ang naitulong sa paggamit ng mga simbolismong ginamit ng may-akda tulad ng salamin, batong agimat, lumang aparador, kariton, sapatos, sandosena, papel, kahon, lapis at retrato o larawan sa paglalarawan ng kabataang Pilipino.
3. Higit na makatutulong sa mabisang pagtuturo at pagkatuto sa paglinang ng kakayahang magbigay nang malalim na kahulugan at pagpapahalaga sa kuwentong pambata mula sa mga mungkahing gabay na estratehiya.