Return to site

IBA’T IBANG MUKHA NG INANG BAYAN 

MYLENE O. RICO

· Volume IV Issue I

May iba’t ibang mukha ang ating Inang Bayan,

Walang sinumang makahuhusga sa kanyang pagkakakilanlan.

Maaaring ‘di man perpekto sa paningin ng iba,

Pero siya’y ikinararangal ng mga anak niya.

 

Ang ating Inang Bayan ay sagana sa kalikasan,

Pati sa kultura at mga tradisyon.

Kaya kanyang mga anak ay labis na natutuwa

Kaligayahan nila’y sa mata nakikita.

 

Ang ating Inang Bayan, nanatiling matatag,

Sa kalamidad man o sakuna ay hindi natitinag.

Pandemya man ang sa kanya’y tumama,

Hinarap niya ang mga ‘to ng walang alintana.

 

Ang ating Inang Bayan ay pinatibay ng panahon,

Kaya niyang umahon sa banig ng kahirapan.

Gaano man kabigat, lakad niya’y palaging pasulong,

Sa ano mang laban ay hindi umuurong!

 

Ang ating Inang Bayan ay pinino ng mabibigat na sitwasyon,

Kahit kung minsan, luha na lang ang kaniyang tugon,

Subalit hindi ‘yon naging hadlang sa kanyang pagbangon,

Lumaban siya nang mahinahon sa bawat hamon.

 

Ang ating Inang Bayan ay may mga matang nakatuon

Para sa lahat ng mga pagkakataon.

Ilang beses man siyang sumablay,

Pero sa buhay hindi siya bumigay.

 

Marami pang mukha ang ating Inang bayan,

Hindi man lahat ay aking maisa-isa,

Sana naman siya ay iyong pahalagahan,

Pagpupugay ay ibigay mo din sa kanya.