Maraming tao ang naniniwala sa katagang "kung napapagod ka, matutong magpahinga, pero huwag sumuko.
Hindi tayo dapat sumuko. Bakit? Sapagkat ang ating dinaranas na paghihirap sa kasalukuyan ay pansamantala lang, tandaan natin ang ating Ama sa langit ay hindi gumagawa ng mga bagay na ikasasadlak natin, kundi Siya ay gagawa ng daan para matiis ang mga kinakaharap natin.
Ngayon, ano ba ang ibig sabihin ng hindi pagsuko, para sa maraming tao ito ay nangangahulugan ng hindi pagkatalo, sa katunayan ang hindi pagsuko ay katambal ng pagtitiyaga o pagtitiis, ni pagkabigong kumilos dahil sa takot, kaya kapag meron tayong pinagtitiisan sa ating buhay ipinakikita nito na ayaw nating sumuko.
Ang mga pagsubok ay naririto kasabay ay pagkalito ng ating damdamin sa katanungang kung bakit sa atin sumapit ito, sa kabila nito, anuman ang ating pinagdaraanan sinasabi ng ilan sa atin na pagsubok lang sa atin ito Diyos, kapalaran na pawang iginuhit na sa ating mga kamay, subalit napagtanto din ng ilan na may mga dahilan kung bakit nangyayari ang masasamang bagay, una hindi tayo sakdal kaya may mga pagkakamali tayong nagagawa na minsan ay may kamalian nating naisisisi sa Diyos, ikalawa may mga oras na nasa maling lugar at pagkakataon tayo kaya nagkakaroon ng di inaasahang pangyayari, na nagdudulot sa atin ng pighati, kalungkutan at kabiguan na para bang hindi na tayo makakabangon. Anuman ang ating pinagdaraanan, laging ilagay sa ating isipan na hindi ito ang panahon para sumuko, oo, hanggat ang tao ay hindi sakdal katambal ng buhay natin ang problema at mga kabiguan pero hindi ito ang dahilan para labis tayong mabahala sa ating kinabukasan at sumuko.
Minsan ang buhay ay sadyang ganyan, na para bang tayo'y pinaglalaruan, hinihila paroo't parito ng hanging dumadampi sa ating balat, minsan parang mga alon na walang tigil sa paghampas sa ating buhay o kaya naman ay buhos ng ulan na ayaw tumigil at tumila, pero dumarating ang oras na humihinahon ang hangin, tumitigil ang alon at humuhupa ang ulan, ito'y nagbabadya sa atin na posible ang pag-asa at na kaya mong harapin ang mga hamon sa buhay. Totoo, hindi tayo nag-iisa, binigyan tayo ng Diyos ng tapang kahit nanghihina, tapang na wag mangamba, tapang na harapin, tapang na kayanin, tapang na laging umasa sa Kanya na hindi niya tayo iiwan, at tapang na huwag sumuko.
Oo makakadama tayo ng pagod na sumuntok sa hamon ng buhay, pero sa bawat pagod, nawa'y matutuhan din nating magpahinga at sa huli ay hindi sumusuko.