Sa pagpatak ng ulan, pangarap ko nawa’y matupad,
Na sana’y bigat ng dibdib ay tuluyan ng malunod.
Ako lang ba ang nagugulumihanan?
O, tayong dalawa ang nasasaktan?
Nawala na ang lahat, ngunit hindi ang sakit ng kalooban.
Ang mga ito ay nagwakas ngunit hindi pa rin titigilan.
Paano nga ba mananalo sa isang labanang hindi kayang simulan?
Ano at sino ba talaga ang dapat na unahin?
Ang sarili ko ba ang pakikinggan?
Paano ko ito uumpisahan?
Sa anong direksyon ba ako tutungo?
Kung di batid kung bakit ka lumayo?
Sa paglipas ng mga araw at gabi,
Sa pag-inog ng mundo na wala na akong katabi
Napagtanto kong tayo ay hindi itinadhana,
At kailanman ay hindi na mababahala.
Lahat ng kabiguan ay mapait,
Kagaya ng tamis kapag tagumpay ay nasungkit.
Sa bawat pintuang nagsara,
Alam kong may pagkakataong natanggalan ng maskara.
Patuloy sa pangarap at pananalig,
Aasa sa pagmamahal at pag-ibig.
Kung hindi man ngayon ang tamang pagkakataon,
Marahil, maling tao ang aking natagpuan.
Sa mundong puno ng sakit at pighati,
Mga gabing may paghikbi,
Darating din ang pagbabago
Sapagkat ang bukas ay sigurado!
Sasaya at ngingiti pang muli,
Basta’t sa nakaraa’y ‘wag magpapatali.
Matutong pagpatawad at magparaya
At huwag matakot na muling tumaya!