“Umaga na gising na may pasok ka pa sa eskwela, tirik na ang sikat ng araw baka mahuli ka pa nyan. Nakahain na ang almusal.” wika ng ina ni Reina na si Aling Maria. Si Reina ay isang tourism student sa isang kilalang State University sa Bulacan. Pangarap niyang libutin ang Pilipinas. Maganda sya, bilugan ang kanyang mga mata, makinis ang balat at maputi, mataas at balingkinitan ang katawan. Madalas din siyang mag-uwi ng titulo sa mga pageant. Tatlo silang magkakapatid ang panganay ay si Roxanne, graduate na sya ng college sa kursong nars na ngayon ay nasa ibang bansa. Ang pangalawa naman ay si John, isang seaman bihira lamang umuwi ng bahay. At ang bunso si Reina 4th year na sya sa college. Ang kanilang ina ay si Aling Maria at ang ama nila ay si Tatay Max nagtatrabaho sa isang factory sa Korea.
Mabilis na kumain, naligo, at nag-ayos si Reina upang pumasok sa eskwela. Tatlumpung minuto lamang ang byahe mula sa kanilang bahay patungong paaralan. “Nay, aalis na po ako” paalam ni Reina sa kanyang ina.
Habang nasa byahe si Reina bigla niyang naalala na may maikling pagsusulit nga pala sya sa Philippine History. Kung kaya’t nagbasa-basa muna sya habang nakasakay sa dyip.
Ilang minuto lang ay nakarating na sya ng paaralan. “Reina may maikling pagsusulit tayo sa History, nag-review ka ba?” tanong ni Jenny, ang kanyang kamag-aral at matalik na kaibigan. “Naku kanina ko nga lang naalala habang nasa byahe ko kanina papasok ng paaralan. Pero natatandaan ko naman ang mga itinuro ni Sir kaya baka maipasa ko naman”. Sagot ni Reina kay Jenny.
“Good morning, class!”. Bati ni Sir Roj sa kanyang mga mag-aaral. “Ngayong umaga ay magkakaroon tayo ng quiz bahaginan. Isa lamang ang tanong at sasabihin nyo ang inyong kasagutan sa harapan magbabahagi kayo” paliwanag ng guro. “Ang katanungan ay pumapatungkol sa mga kultura, tradisyon at makasaysayang lugar sa Pilipinas na ating natalakay sa nagdaang mga Linggo alin yung pinaka tumatak sa inyo? At sino ang nais nyong makasama sa mga lugar na ito? Bakit?”.
Nagtawag ang guro ng pangalan at ang unang natawag ay si Reina upang magbahagi ng kanyang kasagutan. Kinabahan si Reina ngunit matapang s’yang tumayo at pumunta sa harapan upang magbahagi.
“Sir sa lahat ng mga lugar na natalakay natin sa katunayan lahat ng lugar sa Pilipinas ay tumatak sa akin, sapagkat mula Batanes hanggang Jolo napakayaman sa kultura at tradisyon ang mayroon sa ating bansa mula sa pananamit, o kasuotan, mga pagkain na ipinagmamalaki ng bawat lugar, mga tanawing nakabibihag ng ating damdamin, mga makasaysayang lugar, hitik din sa tradisyon tulad ng mga fiesta o festival. Sa katunayan pangarap ko pong libutin ang Pilipinas kasama ang aking pamilya sapagkat gusto ko ipagmalaki sa ate ko na isang nars sa ibang bansa, sa kuya ko na seaman, at sa tatay ko na OFW sa Korea na hindi na nila kailngang pumunta sa ibang bansa. Sapgakat dito lamang sa Pilipinas ay mayaman na tayo sa kalikasan, sa mga tanawin, lugar na maaaring pasyalan. Pangarap ko pong libutin ito sapagkat hindi pa namin nararanasan na mamasyal ng kumpleto. Kaya nga po tourism ang kinuha kong kurso sa kolehiyo. Kasi isa sa pangarap ko ay i-tour ang aking pamilya sa Pilipinas at ipagmalaki ang ating kultura. Nais kong iparanas sa kanila ang pinong buhangin sa Boracay, makisaya sa Pahiyas, Maskara, Moriones, atiatihan at Higantes Festival, malanghap ang malamig na hangin sa Baguio, ipalasap ang Sizig ng Pampanga, umakyat sa bundok Taal, libutin ang mga lumang bahay sa Vigan, tikman ang masarap na Durian sa Davao, magsimba sa makasaysayang simbahan sa Barasoain sa Malolos, makipaglaro sa mga dolphin sa Cebu, tunghayan ang pagkapit ng mga Tarsier sa puno sa Bohol, mag-surfing sa Siargao, Magsuot ng T’nalak at T’boli, tumalon sa Maria Cristina Falls, masilayan ang perpektong korno ng Bulkang Mayon, pagmasdan ang Vinta sa Zamboanga, mag-diving sa Anilao, mamyesta sa Penafrancia sa Naga, umakyat sa Hinulugang Taktak sa Antipolo, makisayaw sa Obando, at marami pang iba.”pagbabahagi ni Reina sa harap ng klase.
Nagpalakpakan ang mga kaklase ni Reina at napahanga naman ang kaniyang guro sa ginawang pagbabahagi ni Reina sa harapan.
Makalipas ang isang taon, nakatapos na ng pag-aaral si Reina sa kolehiyo at magna cum laude pa. Naghanap agad siya ng trabaho at natanggap agad siya sa isang kilalang airlines sa Pilipinas. Maganda ang offer sa kanya ng kumpanya may free ticket sa eroplano kahit saan lugar sa Pilipinas kasama ang kanyang buong pamilya ng isang buwan. Dumating na nga ang inaasam-asam ni Reina na makasama ang kanyang pamilya sa paglibot sa Pilipinas. Umuwi na rin ang kanyang ama na halos dalawang dekada na nagtrabaho sa Korea, at ang kanyang ate Roxanne ay umuwi na rin dahil sa panghihikayat ni Reina sa kanya. Nagkaroon naman ng isang buwan na bakasyon ang kanyang Kuya John.
Walang sinayang na oras ang pamilya ni Reina, naglibot sila sa Pilipinas. Nadama ang ganda ng kalikasan, at ang kulturang Pilipino na namamayani sa bawat lugar maging ang mga tradisyon ay sadyang hindi nila malimutan.
“Napakaganda talaga sa Pilipinas, ang karanasan natin na ito ay hindi matutumbasan” wika ni Ate Roxanne.
“Tama ka ate grabe yung kultura at tradisyon sa Pilipinas na magpahanggang ngayon ay buhay na buhay pa”. sagot ni Reina.
“Saka yung kuwento ng bawat lugar animoy kahapon lang naganap sapagkat pinanatili nila yung estruktura ng mga simbaha, gusali, at ginamit noong unang panahon pa” pagmamalaki ni Kuya John.
“Hindi ko rin malimutan yung mga pagkain na ipinagmamalaki sa bawat lugar, iba talaga ang lutong-pinoy kumpara sa ibang bansa. Grabe napakasarap”. Dagdag pa ni Tatay Max.
“Kaya sa totoo lang huwag na kayo umalis tay, mga anak. Dito na lang kayo sa Pilipinas, Hindi naman natin kailangan pumunta sa ibang bansa iba pa rin ang lupang-tinubuan, iba pa rin dito sa Pilipinas. Ayokong magkahiwa-hiwalay tayo. Gusto ko yung ganito buo tayo. Masaya kapag kumpleto ang pamilya kahit mahirap ang buhay sa PIlipinas pero mayaman naman tayo sa kultura at tradisyon, higit sa lahat mayaman ako dahil mayroon akong pamilya na katulad ninyo”. Malungkot na sinabi ni Aleng Maria.
“Naku nay, dapat talaga kumpleto na tayo, hindi ko na hahayaan na mag-OFW pa si tatay sa Korea, si Ate nabanngit nya sa akin kanina na nag-aapply na sya sa PIlipinas, si Kuya naman gagawa sya palagi ng paraan para umuwi at makasama tayo. Hindi ko na hahayaan na magkahiwa-hiwalay tayo. Ako ng bahala sa inyo nanay at tatay. Hindi pa ito ang huli maraming lugar pa tayo pupuntahan at maranasan ang kultura at tradisyon sa ating bansa. Kaya nga ipinagmamalaki ko na ako ay Pilipino”. Dadag pa ni Reina.
Lumipas ang mga taon, nagkaraoon na ng sariling pamilya si Ate Roxanne nagkaroon ng tatlong supling. Maging si kuya John ay may apat naman na supling. Habang lumalaki ang mga bata ipinakikilala nila sa mga ito ang tradisyon at kultura sa Pilipinas upang sa murang edad pa lamang ay malaman na nila ito.
At ikinuwento sa mga batang ito ang pagiging bayani ni Reina kung paano niya ipinagmamalaki ang tradisyon at kultura ng Pilipinas. Maging ang alaala na iniwan ni Reina habang kasama niya ang pamilya.
Namatay si Reina sanhi ng pag-crash ng eroplanong sinasakyan nya patungo sana sa Mindanao upang doon ay magbahagi sa seminar patungkol sa tradisyon at kultura ng Pilipinas. Dahil hinirang si Reina bilang tagapangulo ng National Arts and Culture of the Phillipines.
Kaya lahat ng aral at karunungan ay patuloy na nabubuhay sa mga taong nakasalamuha nito lalo na ng kanyang pamilya.
“Hindi na kailangan pang pumunta sa ibang bansa, dito lamang sa ating lupang-tinubuan ang Pilipinas mararanasan mo na ang kakaibang tradisyon at masayang kultura at mas nagiging matingkad ito kapag kumpleto ang pamilya. Huwag maging dayuhan sa sariling bayan!”
Mga salitang namayani sa puso ninuman mula kay Reina.