Peep! Peep! Peep! Busina ng mga dyip…
Broom! Broom! Broom! Arangkada ng mga motorsiklong nagdaraan….
Paraaaa! paraaa! paraaa! Di magkamayaw ang mga batang nagbabantay ng sasakyan patungo sa eskwela.
Pasukan na naman. Abala ang lahat para sa unang araw ng eskwela. Maririnig mula sa tarangkahan ng bahay nina Roda ang busina ng mga dyip at mga motorsiklo na nagdaraan sa kalsada.
Alas-singko pa lang ng umaga, gising na si Roda para asikasuhin ang dalawa niyang anak na nag-aaral sa sekondarya. Kaya naman, bago tumuntong ang alas-sais ng umaga nagwawalis na ito. At doon sa di kalayuan matatanaw mula sa kanila ang tahanan ng kanyang dating guro sa elementarya na si Ma’am Ola.
Makikitang abala si Ma’am Ola sa pagdidilig ng mga halaman sa hardin.
“Maestra, huwag kang magagalit. Sabay-sabay tayong pupunta sa bukid. Sa bukid ay maraming bulaklak na magandang pitasin at ibigay sa maestra,” himig ni Ma’am Ola habang nagdidilig ng kanyang mga halaman.
Kahit may edad na maririnig mo pa rin ang malamyos na boses ni ma’am.
“Maam Ola, magandang umaga po!” bati ni Roda sa kanyang dating guro.
Tuloy lang sa pagdidilig ng halaman si ma’am, tila di nito narinig ang pagbati ni Roda.
Napailing na lamang si Roda at nagkibit-balikat. Ipinagpalagay na lamang niya na marahil ay di nga siya nito narinig. Sabagay, medyo nasanay na rin naman siya na ganun si ma’am simula ng tumuntong ito sa edad na sitenta.
May kalawakan ang harapan nina Roda kaya halos inabutan na siya ng sikat ng araw sa pagwawalis nito. Bumalik na si Roda sa loob ng tahanan upang gawin naman ang iba pa niyang gawain subalit di mawala sa kanyang isipan si Ma’am Ola. Maraming tanong ang naglalaro sa kanyang isipan.
Bumalik sa isipan ni Roda ang kanyang kabataan noong guro pa niya si Ma’am Ola.
Talon doon, talon dito, lundag doon, lundag dito…
“Hahaha….red, white and blue, stars are over you…mama said, papa said, I love you…” malulutong ang tawanan ng magkaibigang Roda at Chechay habang naglalaro ng luksong lubid, nang makita nilang paparating na si Ma’am Ola sa kanilang paaralan.
“Roda, andyan na si Ma’am Ola. Tara dali kunin na natin ang bag ni ma’am” ang mabilis na sabi ni Chechay.
“Sige Chechay takbo bilis! Baka maunahan tayo ng iba nating kaklase sa pagkuha ng bag niya.” Sabay na tumakbo ang dalawang magkaibigan upang salubungin ang kanilang guro.
Makikita na walang mapagsidlan ang ngiti na nanggagaling sa mga labi ni Ma’am Ola sa tuwing sasalubungin siya ng kanyang mga estudyante at nag-uunahan upang kuhanin ang kanyang bag. Alam niyang sa araw-araw na pagpasok niya sa paaralan, naroon ang kagustuhan ng mga bata na matuto at madagdagan ang kanilang mga kaalaman upang makamit nila ang kanilang mga ninanais sa buhay.
“Magandang umaga, mga bata!” ang masayang bati ni Gng. Ola sa kanyang mga estudyante.
“Kumusta kayo ngayong araw na ito?” ang muli nitong tanong.
“Magandang umaga rin po Ma’am Ola.” “Mabuti naman po.” tugon ng mga bata. Sabay kukunin ang mga kamay ni Ma’am Ola upang magmano
Lalapit si Ma’am Ola kay Roda, guguluhin ang buhok at tatanungin na naman nya ito kung may baon ba ito. Kahit nahihiya, matipid na ngiting sasabihin ni Roda na “wala po ma’am”, sabay iaabot naman ni ma’am ang isang gayat ng biko, isang uri ng matamis na kakanin na espesyal na ginawa ni ma’am upang sadyang ibigay kay Roda.
“Chechay, ikaw, kumusta ka?”
“Pando, utoy, kumusta ka, magaling na ba ang mga paa mo?” (Napatama kasi sa bato ang mga paa ni Pando noong naglalaro siya ng luksong baka kasama ang iba pa nitong kabarkada na sina Arnold at Tope). Laking pag-aalala ni ma’am sa tuwing may mga estudyante siyang masasaktan. Hindi lang siya ina ng kanyang mga anak, kundi ina ng lahat ng bata sa paaralan.
Walang bata ang di yuyuko at magbibigay galang sa gurong punong-puno ng pagmamahal para sa kanila.
Tuwing umaga di malilimutang kantahin ng mga bata ang kanyang paboritong kanta:
“Maestra, huwag kang magagalit. Sabay-sabay tayong pupunta sa bukid. Sa bukid ay maraming bulaklak na magandang pitasin at ibigay sa maestra”
Laging ganun si Ma’am Ola. Babati sa mga bata at mangungumusta. Busog sa mga paala-ala ang mga bata. Kilalang-kilala si Ma’am Ola na napakalambing sa mga estudyante niya. Parang halos lahat na nga yata ng mga bata sa paaralan ay isa-isa niyang kinukumusta. Ang mga batang walang baon, hangga’t meron siya kahit sa huling piraso ng tinapay, di siya magdadalawang isip na ibigay ito. Masayahing guro si Ma’am Ola. Hindi siya nauubusan ng mga masasayang kwento ng buhay sa mga bata. Ang ilan ay sarili niyang karanasan na talagang kapupulutan mo ng aral. Lagi niyang sinasabi, walang pera sa pagtuturo pero iba raw ang yaman na hatid ng pagiging guro. “Kayo ang kayamanan ko. Kayo ang buhay ko.” Ito ang mga katagang lagi niyang sinasambit sa mga bata.
Higit sa isang propesyon, itinuturing ni Paula Dela Cruz o mas kilala bilang Ma’am Ola ang pagtuturo. Inilaan niya ang kanyang buong buhay at dedikasyon para rito.
Mabilis na lumipas ang mga araw, buwan at taon. Hindi na niya mabilang kung ilang estudyante na ang naturuan niya sa loob ng halos tatlumpu’t-limang taon. Ah! bayani, bayani ngang maituturing ang mga gurong tulad ni Ma’am Ola. Pero ang tulad niyang bayani, ngayo’y nilipasan ng panahon at nakalimutan na ang mga turo niya noon.
Ano na nga ba ang nangyari kay Ma’am Ola? Bakit tila nakalimutan na niya ang lahat?
Sa bahay…
Tok tok tok ... “Mareng Roda?” tawag ni Chechay
Malalakas na katok ni Chechay sa pintuan ang pumutol sa paglalakbay ng diwa ni Roda tungkol kay Ma’am Ola.
“Oh! Mare. Napasyal ka. Halika pasok ka” ani Roda kay Chechay.
“Narinig mo na ba ang balita?” Tanong ni Chechay.
“Anong balita naman yan? Baka tsismis na naman yan ha? Ikaw talaga mare, may pagkamarites ka rin eh no? Ke aga-aga balita agad ang dala mo sakin. Oh.. eh ano ba yon ha?” nanlalaki ang matang tanong ni Roda kay Chechay.
“Alam mo ba mare ito raw si Ma’am Ola ay dadalhin na sa Bahay Kalinga sa San Pedro, Laguna? Iyan ang usap-usapan ng mga kapitbahay natin diyan sa labasan. Wala na raw kasing mag-alaga sa matanda. Tila kinalimutan na ng kanyang mga anak na nasa ibang bansa.” kwento ni Chechay.
“Ano? Bakit naman? Kawawa naman si ma’am. Kanina nga lang ay kumakanta siya habang nagdidilig ng kanyang mga halaman. Anong sinasabi mong dadalhin na siya sa Bahay Kalinga?” tanong niya.
Habang nakikinig ng kwento ni Chechay, sa isang sulok ng puso ni Roda, sobra siyang nasasaktan kung totoong malalayo sa kanya ang gurong itinuring niyang pangalawang magulang. Malaki kasi ang naging papel ni ma’am sa pagkatao nito simula pa noong siya ay bata pa lamang. Lumaki siyang walang mga magulang na gumagabay sa kanya. Ayaw na nga sana niyang mag-aral pa pero dahil sa tulong at mga payo ni Ma’am Ola, nakapagtapos siya ng kanyang pag-aaral sa sekondarya. Kumuha din siya ng kursong bokasyonal sa pagluluto sa TESDA, kaya nagtatrabaho siya ngayon sa isang restawran.
Samantala sa tahanan ni Ma’am Ola…
“Inay, pumayag ka na. Doon ka na muna sa Laguna. Marami kang makakasama doon na mga katulad mo. Hindi ako mag-aalala na walang mag-aalaga sa’yo. Sige na, Nay, pumayag ka na.” pangungumbinsi ni Ashee kay Ma’am Ola habang kausap sa telepono.
“ Pabayaan mo na lang ako. Kaya ko ang sarili ko. Hindi ko kailangan ng mag-aalaga sa’kin. Bakit mo ba ako pinipilit na doon tumira sa tirahan ng mga matatanda? Talaga bang wala na akong halaga sa inyo?” umiiyak na sagot ni Ma’am Ola kay Ashee.
“Hindi ganun yon, Nay. Alam mo namang nandito ako sa malayo at di’ kita pwedeng maalagaan. Hindi ako pwedeng umuwi diyan. Hindi ako papayagan ng asawa ko. Alam mo naman ang sitwasyon ko. hindi ba?” pagpapaliwanag ni Ashee sa kanyang ina.
Ito ang tagpong naabutan ni Roda ng puntahan niya si Ma’am Ola para kumustahin at tanungin kung totoo nga ba na sa Bahay Kalinga na ito maninirahan.
Si Ashee ang panganay sa dalawang anak ni Ma’am Ola. Mag-isang itinaguyod ni ma’am ang kanyang mga anak dahil tatlong-taon pa lamang ang kanyang bunso nang pumanaw ang kanyang asawa. Tulad ng maraming mga magulang, gagawin niya ang lahat mapagtapos lang ng pag-aaral at maibigay ang pangangailangan ng kanyang mga anak.
Lumaking mabait, masipag at matalinong bata si Ashee kung kaya’t nakapagtapos ito ng pag-aaral na may pinakamataas na karangalan sa elementarya at sekondarya at pambato ng paaralan sa tagisan ng talino sa iba’t-ibang larangan. Dahilan na rin kung bakit nabigyan ng libreng pag-aaral sa Amerika upang doon magkolehiyo. Bagama’t ayaw ni ma’am na mawalay sa kanya ang kanyang anak, tinanggap na rin nito ang magandang oportunidad.
Natapos ni Ashee sa abroad ang kanyang kursong Komersiyo at doon na rin ito pinalad na makahanap ng trabaho. Kalauna’y doon na rin nakapag-asawa ng isang Amerikanong sundalo. Iba ang lahi at ibang-iba ang kultura at pamamaraaan ng pamumuhay ng piniling pamilya ni Ashee doon. Hindi siya pinapayagang makauwi man lamang upang bumisita sa Pilipinas. Takot naman si Ashee na suwayin ang kagustuhan ng asawa dahil ayaw niyang magalit ito at mauwi sa hiwalayan ang kanilang pagsasama. Pinagbabantaan kasi siya nito na kapag umuwi sa Pilipinas ay wala na itong babalikan. Ang bunso naman ni ma’am na si Jonathan ay nakahanap ng trabaho sa Cebu, kung kaya’t kailangan din nitong lumayo sa kanya. Doon na rin namalagi si Jonathan simula ng mamanhikan sina ma’am Ola sa mapapangasawa nito. Simula noon, malaki na ang naging pagbabago kay Ma’am Ola. Ang dating malambing, maasikaso at masayahing guro ay napalitan ng malulungkutin at walang sigla.
Bigla namang sumagi sa isipan ni Roda ang isang pangyayari sa paaralan noon.
Medyo tanghali nang dumating si Ma’am Ola sa paaralan noon. Tumawag si Ashee sa kanya mula sa Amerika at sinabing di’ siya makakauwi dahil maraming inaasikaso doon. Matagal-tagal na rin simula nang umalis si Ashee.
At dahil doon…
“Oh, ano? Madumi na naman ang room natin. Hindi kayo naglinis.” Ang pisara, hindi ninyo pinunasan. Ang mga bintana ay napakaalikabok.” malakas na sabi ni Ma’am Ola sa mga bata.
Lahat ay nakayuko. takot na salubungin ang mga mata ni ma’am.
“Psst… Roda, bakit kaya ang sungit ni Ma’am ngayon? Di naman siya dating ganyan, di ba? Ah! Alam ko na, siguro may buwanang dalaw hahaha o magmemenopause na,” bulong na sagot ni Chechay kay Roda na tumatawa pa.
“Hayaan mo na. May pinagdadaanan lang siguro si ma’am. Maglinis na lang tayo para di’ tayo makagalitan.” sagot ni Roda kay Chechay
Nakakalungkot ang araw na iyon. Pagkatapos na magalit ni Ma’am Ola, hindi naman siya kumikibo. Tulala si ma’am at hindi nagsasalita. Maging ang mga kasama niyang guro ay di niya pinapansin. Laging mainit ang kanyang ulo. Pati ang kanyang pagtuturo ay napektuhan na rin.
“Arnold, tumayo ka. Sagutin mo ang tanong ko. Bakit ka bumagsak sa ating pagsusulit?” tanong ni ma’am kay Arnold.
“Aaah… aaahh mmma’am hindi ko po alam. Patawad po maam” takot na sagot ni Arnold.
Ang totoo, alam naman ni Arnold ang sagot. Takot lang talaga siya kay ma’am kaya di’ niya masabi ang totoong dahilan kung bakit di nasagot ng tama ang mga tanong sa kanilang pagsusulit.
Mula noon, nagbago na talaga ang lahat. Wala nang batang nag-uunahan para salubungin at kunin ang bag ni ma’am sa tuwing makikitang parating na siya sa paaralan. Sa halip, umiiwas na ang mga bata na makasalubong siya o lumilipos ng daan, huwag lang siyang makita. Wala na ring bumabati at yumuyuko sa kanya para ipakitang masaya sila na nandoon siya.
Tahimik lang si Roda na nakamasid sa kanyang gurong dating punong-puno ng puso at pagmamahal para sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang sakit na nararamdaman nito. Gusto niya itong yakapin at sabihin. “Huwag ka ng malungkot ma’am, nandito lang ako para sa’yo. Alam ko kung bakit ka nagkakaganyan. Dahil iyon sa mga anak mo na tila kinalimutan ka na.” bulong ng isip ni Roda. Nagsawalang kibo na lang si Roda sa nangyayari.
Dating tagpo: Nag-uusap si Ashee at si Ma’am Ola sa telepono
Hindi na napigilan ni Roda ang pag-iyak dahil sa narinig nito sa usapan nina Ma’am Ola at Ashee. Wala na siyang nagawa kundi hayaan ang kagustuhan ni Ashee na dalhin sa Bahay Kalinga ang ina niya. Wala siyang karapatan na panghimasukan ang desisyon ng anak niya para sa kay ma’am.
At dumating na nga ang araw na pinangangambahan ni Roda. Tuluyan nang dinala sa Bahay Kalinga si Ma’am Ola. Habang isinasakay sa sasakyan si ma’am, nakita ni Roda na nakatingin ito sa kanya na tila may ibig sabihin. Sinundan ni Roda kung saan dadalhin ang mahal na guro upang matiyak niya na magiging maayos nga ito sa kanyang bagong tirahan. Mataman lamang siyang nakamasid mula sa kanyang kinaroroonan, makikita at maririnig niya ang usapan sa loob.
Habang pumapasok sa loob ng tahanan si Ma’am Ola kasama ang mga tagapag-alaga ay nagsipagtayuan ang mga tao. Masayang pumapalakpak ang lahat upang ipakita ang mainit nilang pagtanggap kay ma’am bilang isang bagong kapamilya. Kumakaway habang nakangiti ang lahat kay ma’am, ngunit bakas sa mukha ni Ma’am Ola ang kalungkutan.
“Inay, huwag po kayong mag-alala. Kami ang bahalang mag-alaga sa inyo. Marami po kayong magiging kaibigan dito. Marami po kayong makakausap dito.” sabi ng isang tagapag-alaga doon.
Hindi naman sumasagot si Ma’am Ola sa kahit anong sabihin ng itinalagang tagapag-alaga sa kanya.
Inilibot ni Roda ang kanyang paningin sa paligid at doon nakita niyang na marami palang matatanda ang naroroon. Akala niya sa pelikula lang iyon nangyayari. Totoo pala na may tahanan para sa mga taong kinalimutan na ng kanilang mga mahal sa buhay. Napatuon ang kanyang pansin sa isang matandang lalaki na nakasakay sa salumpo. Nakatingin ito sa malayo, waring nag-iisip ng kung ano. Dumako naman siya sa bandang ilaya malapit sa hardin. Naroon ang isang matandang babae na sinusubuan ng pagkain. Isang malakas na tawa naman ang narinig ni Roda sa may balkonahe. Naroon ang isang matandang babae na masayang nakikipagkwentuhan sa isa ring tagapag-alaga roon. Marahil doon ay nakatagpo ng bagong pamilya na magmamahal sa kanya.
“Hmmmn… si Ma’am Ola kaya? Ano ang magiging buhay niya dito? Babalikan kita Ma’am Ola. Hindi ako papayag na manatili ka dito sa mahabang panahon. Ibabalik ko ang dating ikaw. Hindi ito ang magiging huling biyahe mo. Pangako” bugtong hiningang bulong ni Roda sa sarili.
Hindi na rin masyadong nag-alala si Roda sa kanyang nakita. Kaya nagpasya na siyang umuwi na sa kanilang tahanan at babalik na lamang siya sa susunod na dalawang linggo upang dalawin si Ma’am Ola. Kailangan na niyang umuwi para sa kanyang mga anak at asawa na siguradong naghihintay na sa kanya. Ilang oras din ang gugugulin niya pag-uwi mula doon kaya siguradong aabutin siya ng gabi sa pagbiyahe.
Sa loob ng Bahay Kalinga…
Hindi alam ni Ma’am Ola kung ano ang mararamdaman sa oras na iyon. Basta ang alam niya, wala na siya sa sarili niyang tahanan. Para siyang nakalutang. Hindi alam kung ano ang mangyayari sa kanya sa bahay na iyon. kasama ang matatandang hindi niya kilala at hindi niya kaano-ano. Tulad niya na kinalimutan na rin ng kani-kanilang mga pamilya.
“Hmmmmn…Hindi na nila ako naaalala. Huhuhu wala ng nagmamahal sakin. Tuluyan na nila akong kinalimutan. Nasan na sila. Mga anak ko.” yumuyogyog ang balikat habang humihikbi si Ma’am Ola.
Nakasubsob ang kanyang mukha sa kanyang mga palad habang umiiyak, nang may isang tagapangalaga na lumapit sa kanya.
“Inay Ola. Kumusta po kayo?” tanong ni Erlene habang nakapatong ang kamay sa balikat ni ma’am.
“Ang ganda-ganda nyo naman po. Nalaman ko po mula sa kapitbahay nyo na si Roda na isa po pala kayong guro. Isa rin pong guro ang nanay ko. Kaya alam ko po ang buhay ng mga gurong kagaya ninyo. Sigurado po ako ang galing-galing ninyong guro noong kabataan nyo at sigurado din po ako na mahal na mahal kayo ng mga naging estudyante ninyo. Alam niyo po ba na ipinagbilin po kayo sa akin ni Roda. Mahal na mahal niya po kayo. Naging anak-anakan niyo raw po siya noong nag-aaral pa lamang siya. Kaya huwag na po kayong malungkot ma’am. Ipinangako niya sa akin na pupuntahan niya kayo rito para dalawin. Sige po Ma’am Ola. Iwanan ko po
muna kayo dito. Kapag may kailangan po kayo tawagan niyo lang po ako ha.” nakangiting sabi uli ng tagapag-alaga na si Erlene.
At iniwan na nga niya si Ma’am Ola para makapagpahinga…..
Makalipas ang dalawang linggo…..
“Mga anak nakahanda na ang inyong almusal. Nagluto na rin ako ng inyong kakainin para sa tanghalian. Gagabihin ako ng uwi at dadalawin ko si Ma’am Ola sa kanyang bagong tirahan.” Paalala ni Roda sa kanyang mga anak
“Opo mama.. Kami na po ang bahala. Huwag po kayong mag-alala. Ingat po kayo sa biyahe.” ang tugon ng anak ni Roda
Habang nasa daan, sabik na sabik na siyang makitang muli ang kanyang mahal na guro. Marami siyang gustong marinig na kwento mula dito. Kung ayos ba siya. Nakakain ba at nakakatulog ba ng maayos. May mga bagong kaibigan na ba itong nakilala. Bukas naman ang tarangkahan kaya pumasok na si Roda sa loob upang hanapin si ma’am. Nalibot na niya ang lahat ng kwarto pero hindi niya ito natagpuan, kung kaya’t ipinagtanong niya ito sa isang matandang babae na nakaupo malapit sa kwarto ni Ma’am Ola
Napag-alaman ni Roda mula sa matandang babae na hindi naging maganda ang papamalagi ni Ma’am Ola doon. Hindi raw kumakain si ma’am. Nagkukulong lang siya sa kwarto at ayaw makipag-usap kahit kanino. Lubhang naging malungkot ang matandang guro dahil sa pangungulila. Lagi raw siyang umiiyak habang pinagmamasdan ang larawan ng kanyang mga anak. Hindi alam ng tagapag-alaga doon kung paano manunumbalik ang dating sigla ni ma’am. Hanggang sa tuluyan ng nagkasakit ang matanda at kinailangang dalahin sa Ospital.
Umiiyak si Roda habang pinakikinggan ang kwento ng matandang babae. Sinisisi niya ang sarili niya na sana’y di’ siya natakot na pigilan si Ashee na ipadala doon ang kanyang ina. Kung sana’y siya na lamang ang nag-alaga rito, hindi siguro mangyayari iyon.
“ A..ano ang gagawin ko? Kumusta po kaya ang lagay niya? Alam nyo po ba Nay ku..kung saang Ospital dinala si Ma’am Ola?” sunod-sunod na tanong ni Roda.
“ Hindi ko alam anak. Ang mabuti pa’y magtungo ka sa opisina at sila ang tanungin mo nang sa ganoon ay mapuntahan mo na si Ma’am Ola.” sagot ng matandang babae.
Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Nagtungo si Roda sa opisina ng Bahay Kalinga at itinanong kung saang Ospital dinala si Ma’am Ola. Dali-daling sumakay ng traysikel si Roda patungo sa Ospital na pinagdalhan kay ma’am. At nang siya’y makarating. Halos takbuhin ni Roda ang pasilyo ng Ospital. Hindi na siya gumamit ng elebeytor. Takot kasi siyang pumasok doon at minsan na siyang nakulong dito noong nawalan ng kuryente. Pinili na lamang niyang gumamit ng hagdanan patungo sa room ni ma’am. Sa wakas, nakita na niya ang room 130, Pasenyente: Paula Dela Cruz. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan at doon bumungad ang katawan ni ma’am na nakahiga sa kama. May nakakabit na swero sa kamay nito at oxygen sa ilong nito. Lumapit si Roda kay Ma’am Ola, sabay hawak sa mga kamay nito. Napaluhang muli si Roda sa kalagayan ng mahal niyang guro. Buo na ang pasya niya. Kailangan niya itong ipaalaam sa mga anak ni ma’am bago pa mahuli ang lahat.
Kringg…Kring…Kringg…
Tooot! Tooot! ToooT!
Pilit tinatawagan ni Roda si Ashee sa telepono. Nagriring naman ito pero bakit tila pinapatay nito ang kanyang tawag.
“Kriing…Kringgg…Kringgg
“Sagutin mo Ate Ashee. Sige na pakiusap, kailangan kitang makausap.
Panginoon, sagutin na po sana ni Ate Ashee ang tawag ko.” nag-aalalang sambit ni Roda habang patuloy na tinatawagan si Ashee.
Kringgg… Krinnng…Kringgg
Tooot! Tooot! ToooT!
Nag-iwan na lamang ng mensahe si Roda. Sinabi niyang may kailangan siyang malaman tungkol kay Ma’am Ola. Tawagan siya kaagad upang sila ay magkausap.
Samantala sa Amerika…
Nakita ni Ashee ang maraming tawag ni Roda sa kanya. Abala siya sa opisina kung kaya’t hindi niya ito nasasagot. Tiningnan niya kung may mensahe si Ashee sa kanya.
Roda: Ate, may kailangan kang malaman tungkol sa inay mo. Hihintayin ko po ang inyong tawag.
Kinabahan si Ashee. Ano kaya ang nangyari sa kanyang ina? Dali-dali niyang tinawagan si Roda upang malaman ang gustong sabihin niya sa kanya.
Krinngg…Kriinnngg… Krinnngg…
Mabilis na dinampot ni Roda ang kanyang telepono upang sagutin ang inaasahan niyang tawag mula sa Amerika.
“Hello! Roda.” tawag ni Ashee sa kabilang linya
“Hello! Ate Ashee.” Di pa man nag-uumpisa ay naiiyak na agad si Roda noong marinig ang boses ng kanyang Ate Ashee.
“Ano ang nangyari kay inay? Bakit gusto mo akong makausap? Hindi ko nasagot ang tawag mo. Madami akong trabaho dito. Ano ba iyon?” Sunod-sunod na mga tanong ni Ashee kay Roda.
Inumpisahang ikuwento ni Roda kay Ashee ang lahat, simula ng dalhin si Ma’am Ola sa Bahay Kalinga. Ikinuwento din niya ang mga nangyari sa kanyang ina simula nang mag-aral si Ashee sa Amerika at ‘di na nga nagawang makabalik pa dito sa Pilipinas. Malaki ang naging pagbabago kay Ma’am Ola. Dagdag pa ang hindi rin pagdalaw ng bunso nitong kapatid na si Jonathan dahil may sarili na rin siyang pamilya at naging abala rin sa negosyo niya sa Cebu. Masyadong dinamdam ni Ma’am Ola ang labis na pangungulila sa kanila nina Ashee at Jonathan. Noon ay nagagawa pang tumawa at maging masigla nang dating guro dahil umaasa siya sa pangako ni Ashee na siya ay magbabalik upang sila ay muling magkasama-sama. Ganoon din ang pangako ni Jonathan na sa kanyang pagtanda ay siya naman ang mag-aalaga sa kanya, lalo pa nga at maagang nawala ang kanilang ama dahil sa sakit na diabetes. Tuwang-tuwa si Ma’am Ola noong makatapos ng kolehiyo si Ashee at nang sumunod na taon ay ang kanyang bunso na naging lisensyadong inhenyero. Laking pasasalamat ni Ma’am Ola sa Panginoon sa biyayang kanyang natatanggap mula sa Kanya. Naitaguyod niya ang kanyang mga anak kahit na nag-iisa siya sa buhay.
Naikwento rin Roda na noong panahon na wala silang magkapatid sa tabi ng kanilang ina ay siya ang naging anak-anakan niya. Kung kaya’t ganoon na lamang ang sakit na kanyang naramdaman nang malaman niyang nagpasya ang magkapatid na dalhin sa Bahay Kalinga ang kanilang ina upang doon ay paalagaan sa ibang tao.
Nagbalik sa alaala ni Ashee ang araw ng pagtatapos niya sa sekondarya. Ibinahagi niya ito kay Roda.
Araw ng Pagtatapos….
Taantatataann… taantataaan.. taantatatantan.. taantaatan..taantanan..
“At ngayon, pakinggan natin ang mensahe ng ating Balediktoryan, Ashee Atienza Dela Cruz. Bigyan natin siya ng masigabong palakpakan.” buong pagmamalaking sambit ng guro ng palatuntunan
Kinakabahan ngunit masaya at nanginginig ang tuhod habang naglalakad paakyat ng entablado si Ashee.
“Magandang araw po, ang aking pagbati sa inyong lahat na mga kapwa ko mag-aaral, mga guro at mga magulang na nasa harapan ko ngayon.
Lubos po akong nagpapasalamat, una sa ating Panginoon, na nagbigay sa akin ng talento at buhay upang maabot ko ang pinakamataas na karangalan. Hindi po naging madali para sakin, ang lahat bago ko naabot ang pangarap kong ito na makapagtapos ng pag-aaral. Ang lahat ng pagod at puyat sa mga gawain sa eskwela at sa tahanan ay hindi ko magpapagtagumpayan kung hindi dahil sa aking ina na si Paula Atienza Dela Cruz na kilala ninyo sa tawag na Ma’am Ola. Inay, maraming maraming salamat po. Alay ko sa iyo ang lahat ng ito. Sa harap ng mga taong naririto ngayon, ipinapangako ko po sa inyo na susuklian ko ang lahat ng paghihirap ninyo para sakin at para sa amin ng kapatid ko. Palagi kaming naririto sa tabi ninyo, hindi ka namin iiwan. Hindi ka namin pababayaan. Kasama mo kami sa iyong pagtanda. Kasama mo kami hanggang sa huling byahe ng iyong buhay, Inay. Wala na si Tatay, tayong tatlo na lamang. Mahal na mahal kita.” talumpati ni Roda habang si Ma’am Ola naman ay nakatitig, naiiyak,at nakangiting sa kanya. Pinaghahawakan niya ang pangako ni Ashee.
Habang patuloy ang pakukwentuhan nina Ashee at Roda, patuloy ding bumubuhos ang luha sa mga mata ni Ashee. Nasaan na ang kanyang pangako sa kanyang ina? Tila naglahong parang bula ang lahat ng kanyang sinumpaan sa harap ng mga taong naniwala at nagtiwala sa kanya. Bakit nga ba hindi niya natupad ang kanyang pangako sa ina? Sa huli, sinabi niya kay Roda na tatawagan niya si Jonathan. Nangako siyang magbabalik sa Pilipinas upang puntahan ang mahal na ina. Hindi na siya matatakot na magpaalam sa kanyang asawa. Kung talagang mahal siya ng kanyang asawa, maiitindihan siya at tatanggapin ang kanyang desisyon. Susubukan niya rin na kumbinsihin na sumama sa Pilipinas ang kanyang asawa upang makilala niya ang ina nang personal. Isasama niya rin ang kanyang dalawang anak na matagal nang sabik na makita ang kanilang lola. Buo na ang pasya niya. Uuwi siya ng Pilipinas.
Sa ospital…
Nasa ospital si Roda upang magbantay kay Ma’am Ola. Nangako siyang ‘di iiwan ang guro hanggang sa gumaling siya at makauwi na sa bahay.
Habang pinagmamasdan ni Roda ang natutulog na guro, hinawakan niya ang kamay ni Ma’am Ola, hinalikan niya ang mga kamay at kinantahan niya ng paboritong kanta.
“Maestra, huwag kang magagalit. Sabay sabay tayong pupunta sa bukid.
Sa bukid ay maraming bulaklak na magandang pitasin at ibigay sa maestra.”
Nagulat siya nang unti-unting nagmulat ng mga mata si Ma’am Ola. Narinig ni Ma’am Ola ang awit ni Roda.
“Ma’am Ola, kumusta na po ang pakiramdam ninyo? Magpalakas po kayo ha at uuwi na po tayo satin.” wika ni Roda.
Tumingin si Ma’am Ola kay Roda at ginulo niya ang buhok ni Roda sabay sabing “ Maraming salamat sa iyo anak ko. Inaalaala mo pa rin ako. Hindi kita kaano-ano ngunit nandiyan ka palagi para sa akin. Kahit kailan hindi mo ako iniwanan. Hindi mo ako sinukuan sa kabila ng mga nangyari. Hindi na ako ang dating guro mo na lagi mong natatakbuhan sa tuwing may kailangan ka. Pasensya ka na. Matanda na ako at marami na akong hindi kayang gawin. Sana’y mapatawad mo ako.” lumuluhang pagpapaliwanag ni Ma’am Ola kay Roda.
“Sssshhhh… huwag na po kayong magsalita. Huwag na po ninyo akong alalahanin. Ang intindihin ninyo po sa ngayon ay ang magpalakas at magpagaling. Uuwi na po tayo sa atin.” Nakangiting sagot ni Roda
Subalit, muling nalungkot ang matanda guro. Naalaala niyang muli ang kanyang mga anak.
“Hindi na talaga nila ako inaalaala, Roda. Nakalimutan na nila ako. Ina ako ng dalawa kong anak at naging ina ako ng marami kong estudyante.
Noon, ang akala ko kapag guro ka di ka tatandang mag-iisa. Maraming magmamahal sa iyo na mga estudyante mo, mga magulang ng mga batang tinuruan mo at mga kasamahan mong guro sa paaralan. Darating pala ang panahon na mamumuhay ka nang mag-isa at malungkot. Panahong wala nang makakaalaala ng lahat ng mga turo mo. Hindi ko akalain na ganito pala ang magiging huling byahe ko. Haharap ako sa buhay nang mag-isa.” buong pagdaramdam na sabi ni ma’am kay Roda.
Nasa ganoong tagpo ng pag-uusap sina Ma’am Ola at Roda nang biglang bumukas ang pinto at doon ay pumasok ang anak niya na si Ashee kasama ang kanyang mga anak at asawa. Niyakap nang mahigpit ni Ashee ang kanyang ina. Hinalikan sa pisngi at hinawakan ang mga kamay. Sobrang sabik na sabik siya sa kanyang ina. Nagmano si Steve at ang kanyang mga anak sa kanyang ina.
“Inay ko, patawarin mo ako sa lahat ng aking pagkukulang sa iyo. Natakot akong masira ang aking pamilya. Ngunit mas natatakot akong mawala ka sa akin. Narito na ako. Kami ng buong pamilya ko para makasama ka. Ikaw ang kayamanan ko, ikaw ang buhay ko. Tutuparin ko na ang pangako ko sa iyo. Sasamahan kita hanggang sa huling biyahe ng buhay mo, Inay.” umiiyak na pangako ni Ashee kay Ma’am Ola.
Muling bumukas ang pinto at doon ay pumasok naman ang pamilya ni Jonathan kasama ang kanyang asawa at dalawang anak. Umiiyak na yumakap si Jonathan sa kanyang ina. Tulad ni Ashee, nangako siyang hindi na kailanman iiwan at pababayaan ang ina.
Walang mapagsidlan ang galak sa puso ni Ma’am Ola dahil sa wakas buo ng muli ang kanyang pamilya. Napatingin siya sa itaas. Ipinikit ang mga mata at nanalangin sa Panginoon.
“Panginoon! Maraming salamat po. Kasama ko nang muli ang mga anak ko. Hindi na ako mag-iisa at malulungkot hanggang sa huling biyahe ng buhay ko.”
Huling araw sa Bahay Kalinga……
Nakahanda na ang mga gamit ni Ma’am Ola. Aalis na siya sa Bahay Kalinga na minsan niyang naging tahanan kahit sa maikling panahon lamang. Hindi man naging maganda ang pagtigil niya dito, ito naman ang tahanang naging daan upang magkasama-sama silang muli ng kanyang mga anak.
“Halika ka na Inay. Uuwi na tayo sa atin.” yaya ni Ashee sa kanyang ina.
“Sandali lang anak. Magpapaalam lang ako sa kanila.” sagot ni Ma’am Ola sa anak.
“Maraming salamat sa inyo. Pasensya na kayo sa akin. Dalangin ko’y balikan din kayo ng inyo-inyong mga pamilya.” pagpapaalam ni Ma’am Ola sa mga kasamahan niyang matatanda sa Bahay Kalinga.
Sumakay na ng kotse si Ma’am Ola kasama si Ashee upang umuwi na sa kanilang tahanan. Baon niya ang pangako ng mga anak sa kanya na sila ay makakasama na niya hanggang sa huling biyahe ng kanyang buhay.