Nanunuot ang lamig ng hangin,
hindi paawat ang patak ng ulan,
malungkot ang panahon
sa pagtatapos ng taon.
Kumulapol ang ulap sa langit,
tinakpan ang sanang susungaw na buwan
na pilit makikipagtaguan,
makikipaglaro sa maraming putukan.
Ang banayad at panatag sanang gabi
tulad ng dating kabilugan ng buwan
pinalitan ng makulimlim na panahon,
siguro para ipaalaala ang nagdaang hamon.
Samo't sari man sa atin ang hatid ng taong ito,
halos natapos ng may pandemya’t bagyo
marami man ang dumating at namaalam
pasalamat tayong mga nanatili’t nagpapakatatag sa buhay.
Naging biyaya man ito sa iba o kaya’y sumpa,
naging hamon o balakid dahil sa kalusugang sigwa,
marami mang binago sa kinasanaya’t sistema,
maaaring biyaya ang buhos ng ulan na ‘di tumitila.
Gaano mang hagupitin ng ulan ang huling araw
o kaya’y manoot ang lamig hanggang sa kabutu-butuhan,
‘di mapipigilan ang katapusan ng taon ay ipagdiwang
ng bawat Pamilyang Pilipinong patuloy na lumalaban.
‘Pagkat may pag-asang laging nagnunukal at naghahari,
Pinoy ay sala sa anumang init at sa anumang lamig,
‘di patitinag sa limpak mang unos at bagyong hatid,
malugmok ma’y babangon at tatayong muli.
Kuyom ang mga palad na magsusumamo,
tapang ng kalooba’y mananahan sa isip at puso,
lalakad at makawawala sa pagkakagupo’t
aaninagin ang bahaghari kahit pa anong layo.