Return to site

HUHUPA KA! YAN ANG SABI NIYA! 

JAMEELAH RAYANA E. BELTRAN

· Volume IV Issue I

“Habang may buhay, may pag-asa” ‘yan ang sabi niya.

Kay sigasig at parang walang problemang iniinda

Kasabay ng paghampas ng hangin ay ang ngiti niya,

Sinusubukang itago sa ulan ang patak ng kanyang luha.

 

Sa paghupa ng baha’y imbis na bagong panimula,

Naghihintay ang panibagong hinagpis at pagdurusa.

"Hindi dapat matakot at mabahala" muling sabi niya.

Kaya't ako'y naniwala, kami'y 'di tatablan ng pandemya.

 

Ngunit 'di inaasahan, ang sitwasyon ay lumala

Hindi sapat ang kita para sa aming mga sikmura.

Hanggang unti-unting natanggal ang kanyang maskara

Patuloy pinahihina ng takot ang haligi ng aking pag-asa.

 

"Hindi tayo nag-iisa, hija" kaniyang turan.

Kasabay ng bagyo, lindol, o pagputok ng bulkan.

Hindi lamang kanyang ngiti ang aking nasaksihan

Kundi pati ang mga bituing kailanman ay 'di kami iniwan.

 

Sa hirap at ginhawa, tulad ng pangako ng mag-asawa,

Buong bayan na kaagapay ang isa't isa.

Bayanihan na nananaig sa puso ng bawat pamilya

Masasabi kong 'habang nandito ka, may pag-asa.'