Isang bata mula sa bayan ng bulacan, sa dakong baliwag kung gumising ay parang hirap sa kanyang pagbagon na animo'y pagod na pagod sa kakatrabaho maghapon. Isang araw sa kanyang paggising nagulat ang batang si totoy sa kanyang nakita. "Bakit nakasuot sila ng mask" nagtatakang tanong ni totoy sa kanyang sarili. Pumunta siya sa kusina upang maghilamos baka nga siya ay nananaginip lamang. Ngunit ng siya ay pumunta sa kanilang sala agad na nagwika ang kaniyang ina. "Anak, bawal lumabas manatili ka lamang dito sa ating bahay." Lalong naguluhan ang isip ni totoy. "Bakit...Bakit...Ano ba ang nangyayari." Ang wika ni totoy sa kanyang ina.
"Hay...nako anak! Palibhasa kung ikaw ay bumangon tanghali na, at kung ikaw naman ay gising puro laro sa cellphone ang iyong alam." Ang tugon ng kanyang ina. Gulong-gulo pa rin ang isip ni totoy 'di nya nauunawaan kung ano ba talaga ang nangyayari. Bumalik si totoy sa kaniyang kuwarto upang kuhanin ang kanyang cellphone. Nakaugalian ng batang ito na pagkagising ay walang ibang haharapin o aatupagin kundi ang kaniyang cellphone. Habang hawak niya ang kanyang cellphone agad niyang naisipan na buksan ang kanyang Facebook. Agad na bumungad sa kanyang mata ang mga larawan na halos lahat ng mga tao ay nakafacemask. "Hala! Bakit?Ano ang nangyayari sa labas." Wika muli ni totoy sa kaniyang sarili.
"Nay...nay...Ano ba talaga ang nangyayari sa labas." Tumatakbong nagwiwika sa kaniyang ina. "Anak...ganito yan ipapaliwanag ko sayo. Ang bansa natin kasama ang marami pang bansa ay nakakaranasan ngayon ng isang sakuna. Pandemya anak...ang tawag ay ang COVID-19, Isang sakit na hindi makita. Kaya anak 'di uubra na ikaw ay lalabas ng bahay manatili kalamang dito sa loob dahil bawal lumabas ang mga batang katulad mo." Ang salaysay ng kanyang ina. "Ganon po ba ina. Paano po kami mag-aaral, 'di na po ba ko papasok." Tugon ni totoy. Alintana ang pag-aalala sa kaniyang pag-aaral.
"Sa aking pagkakaalam anak ang DepEd ay naglabas ng anunsyo. Magkakaroon kayo ng ibang klase ng pag-aaral. Pwedeng online, modular o kaya naman sa telebisyon at radyo." Ang pahayag muli ng kanyang ina. Napaisip si totoy "Mukhang masaya to! Hindi na ko gigising ng maaga tapos 'di na din ako kailangan mag-aral mabuti." Nakangiting wika sa sarili. "Nay...ibig sabihin hindi ko na kailangan pa na pumasok sa paaralan? Tapos nay...sa cellphone o Kompyuter nalang ako magkakalase?." Masayang sambit sa kanyang ina. "Oo anak...kaya makining ka sa iyong guro." "Opo ina." Makikita sa mata ni totoy ang kagalakan.
Isang umaga, "anak...anak...bumangon ka na riyan mahuhuli ka sa iyong klase." ang sambit na paggising ng kanyang ina. "Ano ba nay...hindi naman ako mahuhuli sa klase, diba ang sabi mo dito nalang sa bahay ang klase ibig sabihin madali na. Kayang-kaya ko un ina." Papungay-pungay na may kasiyahan na sambit ni totoy. Hinayaan na siya ng kaniyang ina dahil sa pag-aakalang susundin ni totoy ang kanyang payo. Ngunit Hindi bumangon si totoy tinuloy nya ang kanyang pagtulog. Hindi nakapasok si totoy sa kanyang unang klase. Paulit-ulit na ginawa ni totoy na lumiban sa kanyang klase.
Isang umaga naisipan ni totoy na pumasok sa kaniyang klase dahil nasasawa na siya sa paglalaro at panood sa kanyang cellphone. Kinuha niya ang kanyang kompyuter at nagsimula na siya sa mag-aral. Sa gitna ng kamusta sa kanilang klase nabanggit ang kanyang pangalan ng kaniyang guro. "Totoy...kamusta ka? Bakit ngayon ka lamang pumasok?." "Eh...ma'am...wala po kasi kaming internet at nasira po ang kompyuter namin." Pagsisinungaling na sambit ni totoy.
Habang sila ay nag-aaral hindi maiipinta ang mukha ni totoy animo'y parang nangangasim ang mukha na parang kumakain na napakaasim na kamias dahil hindi nya maunawaan ang sinasambit ng kanyang mga kamag-aral at ng kaniyang guro.
Nagsimulang magbigay ng pagsusulit ang kanyang guro. Walang maisagot si totoy halos lahat ng kanyang isinasagot ay puro walang kasiguraduhan. Napaisip si totoy "ganito pala ang hindi nag-aaral mabuti, tama pala ang aking ina." Kaya naman pagkatapos ng kanilang klase kaagad na nagtungo si totoy sa kanyang ina at sabay na nagwika "Ina pasensya na po kayo kung hindi po ako agad nakinig sa inyo, tama po kayo na napakahirap humabol sa klase kung hindi ko ito pagbutihan." "Anak! Hindi ako nagkulang ng paalala sa iyo, pero huwag kang mag-alala makakabawi ka pa. Paghusayan mo sa susunod" wika naman ng kanyang Ina.
Lumipas ang mga araw si totoy ay nagbago, ipinakita nya sa kaniyang ina na siya ay nagpupursigi at laging may ginagawa. Naging maganda ang mga grado na kanyang nakukuha. Sa katunayan naging isa siya sa may nakukuhang mataas na grado. Nakita sa kanya ang napakalaking pagbabago simulo noon naging masipag na ang batang si totoy.
"Hindi hadlang ang pademya upang hindi makamit ang tagumpay ng madla"