Buhay, isang pagtahak sa daang malubak
Matutong bumangon sa pagkasadlak
Paghihirap ng damdami'y ititibok
Mga luha sa mata’y papatak
Tulad ng mga pawis sa noo’ng tumatagaktak
Kapag sa pagod ay batak na batak
Ganito ang buhay,
Hindi magiging mahusay kung hindi magsasanay
Hindi magiging masaya kung laging nalulumbay,
Hindi magiging malakas kung laging nananamlay
Hindi makakamit ang inaasam kung laging maghihintay
At hindi titibay kung hihinto sa paglalakbay...
Hayaang umasa kahit mahirap
Ang mahalaga'y ang pagsusumikap
Na makakamit din ang pinapangarap
Malayo man ito sa hinaharap,
Marami mang kamay ang nagpapanggap,
Marami mang duda ang iyong natatanggap
Magpatuloy lamang na lakbayin
Mga pagsubok iyong sagupain
Armas mo’y isang panalangin
Mahirap man ang daang babagtasin
Ang mahalaga'y sinubok tahakin
Ang tuktok nito’y mararating din…