Return to site

GUMUHONG PANGARAP 

VILMA A. FORTUNO 

· Volume IV Issue I

Hindi ko malirip ang kinahantungan

Ng aba kong buhay noong nakaraan,

Sandakot na balakid ang dinanas

Pira-pirasong pangarap hindi ko nakamtan.

 

Sandakot na kabiguan ang ipinalasap

Ng pagkakataon sa aking kandungan,

Nabigong posisyon sa aking propesyon

At nakitil ang buhay ng kapatid kong mahal.

 

Balde-baldeng luha sa mata ko’y umagos

Di kayang dalhin ang hinaing na kapos,

Subalit sa tindi ng pananalig sa Diyos

Kapighatian, kabiguan dinalang lubos.

 

Inalo ang sarili na maging matatag

Sa aking pagtangis di pabibihag,

Bagyo man ang dumating sa aking abang buhay

Kailangang tanggapin ng walang pakundangan.

 

Dito ko nalirip ang pinagdaanan

Ng mga bayaning nagbuwis ng buhay,

Hindi inisip ang sariling kapakanan

Na ipagtanggol ang bayan sa mapang-aping dayuhan.

 

At ang mga bayani hindi nagpatinag

Na dumating sa kandungan ang unos at balakid,

Kailangan yakapin ang susong-susong hirap

Alang-alang sa sarili at sa bayang dilag.

 

Dito ko napagtanto na ang isang nilalang

Hindi patitinag sa anumang kapighatian,

Maging ito ma’y bagyo o pandemya man

Patatagin ang sarili, ito ang kailangan.

 

“Pilipinas Hindi Tutumba, Bagyo Man O Pandemya”

Ito ngayo’y ang tema ng ginawang tula’

Sa pakikipagkumpetensya ng makata,

Instabright Guild Corporation ang mamamahala.