Araw ng Lunes, nagmamadali si Ella sa paghahanda ng kaniyang uniporme sa araw na iyon dahil tinanghali siya sa pagbangon mula sa higaan. Naalimpungatan lamang siya nang marinig niya ang malakas na sigaw ng kaniyang nanay, “Ella, bumangon ka na at tanghali na, baka mahuli ka na naman sa klase mo, gisingin mo na rin ang kapatid mo para makakain na kayo.” “Opo nanay, andiyan na po!”, tugon ni Ella na halos nakapikit pa ang kaniyang mga mata. Painat-inat na tumayo si Ella at tila ayaw pang umalis sa kaniyang higaan. Lumabas si Ella sa kaniyang silid at nagtungo sa kusina kung saan nakita niya si Aling Ramona na abalang abala sa paghahanda ng kanilang hapag-kainan. Bakas sa mukha ng kaniyang nanay ang hirap at pagod sa pagtataguyod ng kanilang ikabubuhay lalo na’t tatlong taon pa lamang ang nakalilipas nang pumanaw ang kanilang ama, kaya ang kaniyang ina na lamang ang nagtataguyod sa kanilang magkapatid. Nabago ang estado ng buhay nina Ella mula nang makitil ang buhay ng kaniyang ama sanhi ng atake sa puso. Napilitang maghanapbuhay ang kaniyang nanay bilang isang kasambahay sa isang mayamang pamilya.
Sina Ginoo at Ginang Reyes na may dalawang anak na babae na sina Ellie at Lea kung saan kulang na kulang ang kaniyang kinikita upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang dalawang anak na si Ella na nasa Ikalimang Baitang at ang bunso niyang kapatid na nasa Ikatlong Baitang pa lamang.
Nakarating si Ella sa paaralan dalawampung minuto bago ang pormal na simula ng klase. Habang hinihintay ang pagdating ng kanilang guro, ang mga mag-aaral ay abala sa pakikipagkuwentuhan sa kani-kanilang mga kaibigan. Sa pagkakataong ito ay dumating na ang kanilang guro at masaya nitong ibinalita sa mga mag-aaral na magkakaroon ng munting programa sa paaralan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika kung saan bibigyan ng pagpapahalaga ang Wikang Filipino bilang ating Inang Wika. “Magkakaroon tayo ng ibat-ibang gawaing makalilinang sa kulturang Filipino at pagmamahal at ating sariling wika gaya ng paligsahan sa paggawa ng poster at slogan na naaayon sa tema ng pagdiriwang,” paliwanag pa ng guro. “Pipili tayo ng magiging kinatawan ng ating klase bilang Lakan at Lakambini.” dagdag pa ng guro. “Ma’am si Ella na po ang piliin nating kinatawan para sa Lakambini” sabi ng isang mag-aaral. “Boto po kami kay Ella,” “Ella! Ella! Ella” ang sigaw ng mga kaklase. Ibat-ibang emosyon ang naramdaman ni Ella noong oras na iyon. Magkahalong hiya at pag-aala-ala ngunit sa kabila noon ay siya ay natutuwa dahil ito ang una niyang pagkakataon na mapili sa ganitong kategorya. Sa ganong pagkakataon ay biglang tumayo si Ella at sinabing na ako ang napili ng hindi muna siya sasang-ayon sa kagustuhan ng marami dahil gusto muna niya itong isangguni sa kanyang ina ang tungkol sa bagay na iyon. Pumayag naman ang kanyang guro at mga kamag-aaral sa sinabi ni Ella. Naisip kasi niya na dagdag itong gastusin para sa nanay niya para sa pagbili ng kanyang isusuot at iba pang gagamitin.
Sumapit ang oras ng uwian at masayang masaya si Ella na makarating agad ng kanilang bahay upang ibalita sa kanyang ina na siya ang napiling kinatawan ng kanilang klase bilang Lakambini sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Wala pa noon si Aling Ramona sa bahay at pawang ang magkapatid pa lamang ang tao sa kanilang munting tahanan. Bilang pagtulong nila sa kanilang nanay, nakaugalian na ng magkapatid na gumawa ng mga gawaing bahay upang hindi na ito gawin ng kanilang ina dahil batid nila na pagod na ito sa kanyang maghapong paghahanapbuhay. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag nang makita nilang paparating na ang kanilang butihing ina. May dala-dala siyang maliit na supot na pasalubong niya sa kanyang dalawang anak. “Halikayo mga anak at may binili akong pasalubong sa inyo, nakita ko kasing may lutong pansit si Aling Bebang sa kanto at mukhang masarap ang pagkakaluto niya dito”, alok ng kanyang ina at sabay sabay nila itong pinagsaluhan. “Inay, tama po kayo, masarap nga po pala magluto si Aling Bebang”, ang sabi ni Ella sa ina. Habang kumakain sila, naisip ni Ella na ito na ang magandang pagkakataon para sabihin sa kanyang ina ang sinabi ng kanyang guro. “Inay, may gusto po sana akong sabihin sa inyo tungkol sa gaganaping pagdiriwang ng buwan ng Wika ngayong Agosto sa aming paaralan, ako po kasi ang napiling kinatawan ng aming klase para maging Lakambini”, paliwanag ni Ella. “Naku anak wala bang iba na maaaring gumanap sa pagiging Lakambini, alam mo naman na ang kinikita ko ay sapat lamang sa ating pang araw-araw na gastusin dito sa bahay at sa inyong pag-aaral,” wika ng ina. “Ang perang gagastusin natin diyan ay malaking bagay na para sa ating munting pangangailangan,’ dagdag pa ng kanyang ina. Biglang nalungkot si Ella sa pahayag ng ina dahil batid niyang hindi ito sang-ayon sa kanyang sinabi. Nakaramdam ng kaunting lungkot ang nanay ni Ella dahil hindi niya napagbigyan ang hiling ng kanyang anak.
Gaya ng dati, pumasok na sa kanyang pinapasukan si Aling Ramona. Sinimulan niyang linisin ang kusina bago siya pumunta sa sala upang doon naman niya ituloy ang kanyang paglilinis. Hindi niya napansin si Ginang Reyes na nasa likuran na pala niya dahil abala siya sa kanyang ginagawa. Napalingon lamang siya nang tinawag siya nito upang itago sa kabinet ang hawak niyang damit na ginamit ng kanyang panganay na anak sa isinagawang palabas sa kanilang paaralan. “Opo Ma’am, sige po,” habang iniaabot ang hawak na damit ng kanyang amo. Biglang sumagi sa isipan ni Aling Ramona ang sinabi ni Ella na siya ang napiling Lakambini ng klase nila. Ang damit na hawak niya ay angkop na angkop sana para kay Ella. Naglakas loob na siya na magsabi kay Gng. Reyes na ito ang damit na pwedeng gamitin ng kanyang anak para sa Buwan ng Wika. “Ma’am, ang ganda po ng damit na ito, napaka elegante niya, ganito po kasi ang dapat isusuot ng anak ko sa programa na gaganapin sa kanilang paaralan, kaya lang po hindi ko po siya pinayagan na sumali. “Bakit naman? Ano ang dahilan at hindi mo siya hinayaang sumali ganong siya pla ang pinili ng guro at kaklase niya.” tanong ni Gng Reyes. “Wala po kasi siyang isusuot, sinabi ko po sa kanya na mas marami pa po kaming mga pangangailangan na dapat bigyan ng prayoridad.” dagdag pa ni Aling Ramona. “Alam mo Ramona na bahagi ng pag-aaral ng isang bata ang mapabilang sa mga ganyang uri ng gawain sa paaralan. Iniabot sa kanya ni Gng Reyes ang damit at sinabing ipasuot niya ito kay Ella. Laking gulat niya nang sabihin nitong pahihiramin din niya si Ella ng gintong kuwintas na babagay sa damit na ipinahiram niya. “Naku! Huwag na po Ma’am nakakahiya na po, ito na lamang pong damit at tiyak kong matutuwa po dito ang aking anak na si Ella.” pagtutol ni Aling Ramona. “Ano ka ba, basta ipasuot mo ito kay Ella at tiyak na matutuwa yun dahil makakasali na siya.” giit ni Gng Reyes. Walang nagawa si Aling Ramona kundi tanggapin ang alok ng kanyang napakabait na amo. Batid kasi ni Aling Ramona na likas sa ugali ni Gng Reyes ang pagiging matulungin at mapagbigay.
Nang hapong iyon ay masaya si Aling Ramona na makauwi agad ng bahay dahil alam niyang matutuwa si Ella. Tulad ng dati, nadatnan niya ang magkapatid na magkatulong na gumagawa ng mga gawaing bahay. “Inay ano po iyang dala nyo?” tanong ng kanyang bunsong anak. “Ah ito ba? Tawagin mo nga ang ate mo at may ipapakita ako sa kanya na tiyak na masisiyahan siya.” utos ni Aling Ramona. “Inay tinatawag nyo po daw ako, bakit po?” nagtatakang tanong ni Ella. “Halika at may ipapakita ako sa iyo.” At binuksan nga ni Aling Ramona ang dala niya at gulat na gulat siya sa kanyang nakita. “Wow! ang ganda naman ng damit na yan inay.” sambit ni Ella. “Oo anak, ipinahiram ito sa akin ni Gng Reyes dahil nasabi ko sa kanya na magkakaroon kayo ng pagdiriwang sa inyong paaralan tungkol sa Buwan ng Wika, at hindi pa iyon anak, at sinamahan pa niya ito ng gintong kuwintas na ayaw ko sanang tanggapin pero naging mapilit siya kaya tinanggap ko na rin ag alok niya,” dagdag pa ng kanyang ina. “Yeheyyyy, sa wakas makakasali na rin ako bilang Lakambini sa Buwan ng Wika,” sigaw ni Ella na walang pagsidlan ng tuwa.
Sumapit ang araw ng pagdiriwang at excited ang bawat kalahok. Masayang masaya si Ella sa suot niyang magarang damit at kuwintas na ipinahiram ni Gng. Reyes. Nang matapos ang programa, ganun na lamang ang gulat niya nang mapansing hindi na niya suot ang gintong kuwintas. Hinanap niya ito kung saan-saan ngunit bigo siyang makita ito. Labis ang kanyang nadamang kaba noong oras na iyon dahil alam niyang hindi naman kaniya ang suot niyang kuwintas dahil pagmamay-ari ito ni Gng. Reyes at ipinahiram lamang ito sa kanyang nanay na si Aling Ramona upang magamit niya. Takot na takot siya noong mga oras na iyon dahil hindi niya alam kung paano niya ito sasabihin sa kanyang ina. Alam kasi ni Ella na ginto ang kuwintas at nagtataglay ito ng malaking halaga. Pauwi na siya ng bahay, labis na kaba ang kanyang nararamdaman lalo pa’t alam niyang mapapagalitan siya ni Aling Ramona kapag nalaman ang nangyari sa gintong kuwintas na suot niya. “Pano kaya ito, nawawala ang kuwintas ni Gng Reyes,” ito ang katagang nasambit niya habang iniisip kung paano ito sasabihin sa kanyang nanay.
Sa wakas ay nakauwi na rin si Ella ng bahay ngunit sa pagkakataong iyon ay wala pa si Aling Ramona sa kanilang tahanan. Hindi siya mapakali dahil nag-iisip si Ella ng paraan kung paano niya sasabihin sa kanyang nanay ang nangyari sa suot niyang gintong kuwintas. Inihanda na ni Ella ang sarili sa posibleng maging reaksyon ng kanyang ina oras na malaman niya ang tungkol dito. Sa labis na pag- aalala ay nakatulog si Ella sa maliit na sofa sa kanilang sala. Naalimpungatan lamang siya nang marinig ang boses ng nanay niya na dumating na pala ng bahay. Agad siyang bumangon at sinalubong si Aling Ramona. “Inay, andiyan na po pala kayo,” sabay abot ng kamay ng kanyang ina at nagmano. “Oo anak, maaga akong pinauwi ni Gng Reyes dahil medyo masama kasi ang pakiramdam ko dala na siguro ng sobrang pagod.” sagot ng ina na kapapansinan mo ng panghihina. Hinayaan muna ni Ella na makapagpahinga ang nanay niya bago niya sabihin ang totoong nangyari. Awang-awa siya sa kanyang ina na alam niyang pagod na pagod na sa paghahanapbuhay para lamang maitaguyod ang pag-aaral nilang magkapatid. Naalala tuloy niya ang yumao niyang ama na kung buhay pa ito ay hindi sana si nanay ang naghahanapbuhay para sa kanila.
Makalipas ang isang oras ay naglakas loob na si Ella na ipagtapat kay Aling Ramona ang pangyayari. Alam niyang kahit papano ay nakapagpahinga na ito at ito na ang tamang pagkakataon para dito. Lumapit siya sa nanay niya at bahagyang ikinuwento ang mga kaganapan sa pagsali niya sa pagdiriwang na ginanap sa paaralan. At pagkatapos nito ay unti-unti niyang sinabi na may nagawa siyang hindi ikatutuwa ng kanyang ina. “Inay, pasensiya na po kayo pero hindi ko po kagustuhan na mangyari ito,” sambit ni Ella na nangingilid na ang mga luha habang nagsasalita. “Ano ba iyon anak at para namang napakalaki ng pagkakamaling nagawa mo,” tugon ni Aling Ramona. “Nawala po kasi ang suot kong gintong kuwintas na ipinahiram ni Gng. Reyes, hindi ko po alam kung paano ito nawala, napansin ko na lamang po na hindi ko na ito suot, hinanap ko naman po ito pero hindi ko na po makita.” umiiyak na sabi ni Ella. “Ha! Ano kamo anak? Nawala ang kuwintas ni Gng. Reyes, Diyos ko anak alam mo bang ginto iyon at napakalaki ng halaga noon, anong gagawin natin? Diyos ko Panginoon ko tulungan mo po kami, napakalaking halaga po ng kuwintas na iyon,” hindi na napigilan at tuluyan ng napahagulgol sa iyak si Aling Ramona. Hindi niya alam ang gagawin dahil alam niyang wala siyang kakayahan upang maibalik ang gintong kuwintas ni Gng. Reyes. Sa ganong sitwasyon ay mahigpit niyang niyakap si Ella at sinabing, “Hayaan mo anak at gagawan ko ng paraan upang mabayaran ang nawalang kuwintas.” pag-alo ni Aling Ramona sa anak habang tuloy ang daloy na luha sa kanyang pisngi. Naalala niya tuloy ang kanyang yumaong asawa na dapat ay karamay niya sa ganitong pagsubok sa buhay. “Kung buhay lamang sana ang tatay mo, may karamay sana tayo sa pagharap sa mga pagsubok na dumarating sa ating buhay.” wika ni Aling Ramona na hindi pa rin mapigilan ang pagluha. Hindi makatulog si Aling Ramona nang gabing yun, iniisip pa rin niya ang maaari niyang gawin.
Nagpasya si Aling Ramona na hindi na muna niya ipapaalam kay Gng. Reyes ang buong pangyayari. Minarapat niyang manahimik muna at nagpasyang pag-iipunan ang malaking halaga upang maibalik o mabayaran ang nawalang alahas. Kailangan nilang maghigpit ng sinturon upang paglaanan ang bagay na ito. Mangiyak-ngiyak na naman siya dahil alam niyang ang kinikita niya ay sapat lamang sa pangangailangan nila at sa pag-aaral ng mga bata, na ang tanging hangad niya ay makapagtapos sa pag-aaral si Ella at ang kanyang bunsong anak dahil alam niyang ang edukasyon lamang ang tanging maipamamana niya sa mga ito. Salat sa yaman pero puno naman ng pangarap si Aling Ramona para sa kaniyang dalawang anak.
Mahabang panahon ang ginugol ni Aling Ramona upang mag-impok ng malaking halaga. Bukod sa pagiging kasambahay niya ay kumukuha pa siya ng ibang pagkakakitaan sa mga araw na wala siyang trabaho kina Gng Reyes. Ginawa niya ang lahat upang kumita ng pera kahit halos ramdam niya sa sarili niya na gusto na niyang sumuko. Pinatatag na lamang siya ng kanyang mithiin sa buhay na maitaguyod talaga ang pag-aaral ng kanyang mga anak. Hindi niya hinayaang huminto sa kani-kanilang pag-aaral ang kanyang dalawang anak.
Buo na ang desisyon niya na ipagtapat sa kanyang amo na si Gng. Reyes ang totoong pangyayari sa ipinahiram niyang kuwintas, dahil matagal tagal na ring panahon ang nagdaan kaya napag-ipunan niya ang halagang ito, at ito na sa palagay niya ang tamang panahon upang sabihin ang pagkawala ng ipinahiram niyang gintong kuwintas kay Ella.
Maagang pumasok si Aling Ramona noong araw na iyon sa tahanan ng mga Reyes. Humahanap lamang siya ng tamang pagkakataon upang makausap ang kanyang amo. Naghuhugas siya ng mga pinggan sa kusina nang naramdaman niyang papalapit sa kanya si Gng. Reyes upang kumuha ng tubig sa refrigerator. Naisip niya na ito na ang tamang pagkakataon na hinihintay niya. “Ma’am, gusto ko po sana kayong makausap, may gusto lamang po akong sabihin sa inyo na mahalagang bagay, ngayon lamang po ako nagkalakas ng loob na magsabi,” Ano po iyon Aling Ramona? Tungkol po saan ang inyong sasabihin?” tanong ni Gng. Reyes. “Natatandaan niyo po ba ang gintong kuwintas at damit na ipinahiram ninyo sa akin para gamitin ng anak kong si Ella?” tanong ni Aling Ramona. “Ah, natatandaan ko na, yung kuwintas at damit na ginamit ng iyong anak na ipinahiram ko sa iyo.” sagot ni Gng. Reyes. “Bakit anong sasabihin mo tungkol doon? Pahabol na tanong ni Gng. Reyes. “Nawala po kasi ang kuwintas kaya po hindi agad namin naibalik, pinag-ipunan ko po muna ng mahabang panahon ang halaga ng kuwintas upang ibalik po sa inyo, pasensiya na po kayo dahil ngayon ko lamang po sinabi sa inyo, dahil natatakot po ako na baka po magalit kayo, alam ko pong malaking halaga ang ibinili ninyo sa kuwintas na iyon, ngayon lang po ako nakaipon ng sapat na halaga para doon,” paliwanag ni Aling Ramona na umiiyak habang nagsasalita. Nagulat si Gng. Reyes sa naging pahayag ni Aling Ramona. “Ibig sabihin ba nag-ipon kayo ng malaking halaga para sa nawalang kuwintas? Nagtatakang tanong ni Gng Reyes. “Opo Ma’am, natakot po kasi ako sa nangyari kaya ngayon ko lamang po sinabi sa inyo.” dagdag ni Aling Ramona. “Naku, Aling Ramona, wala kang dapat ipangamba dahil ang ipinahiram ko sa iyong gintong kuwintas ay hindi naman talaga tunay na ginto. Mura lamang po ang halaga ng kwintas na iyon.” paliwanag ni Gng. Reyes na awang-awa kay Aling Ramona. Napahagulhol ng iyak si Aling Ramona dahil bumalik sa kanyang alala ang mga sakripisyong dinanas nya upang makaipon ng sapat na halaga. Napayakap siya ng mahigpit kay Gng. Reyes na napaluha na rin dahil sa naramdamang matinding awa sa kanya. Ramdam niya na nabunutan ng tinik sa dibdib si Aling Ramona sa oras na iyon. Sinabi ni Gng. Reyes ang ang perang naimpok ni Aling Ramona ay ilaan na lamang sa pag-aaral ng kanyang dalawang anak. Walang pagsidlan ng tuwa si Aling Ramona sa sinabing iyon ni Gng Reyes.
Umuwi si Aling Ramona na may ngiti sa mga labi noong hapong iyon. Nagmamadali siyang umuwi dahil gusto niyang ibahagi sa kanyang dalawang anak ang nararamdaman niyang galak sa puso bunsod ng pakikipag-usap niya kay Gng. Reyes. Nadatnan niya ang magkapatid na magkatulong na gumagawa ng mga gawaing bahay. Halos magkahalong takbo at lakad ang ginawa niya nang marating niya ang harapan ng kanilang tahanan. Pagpasok ng bahay ay mahigpit na yakap ang kanyang isinalubong sa kanyang mga anak, hindi na napigilan ni Aling Ramona ang umiyak. Lubos ang pasasalamat niya sa Poong Maykapal sa patuloy na paggabay sa kaniya sa kabila ng hirap na kanyang naranasan. Labis na tuwa ang nararamdaman niya sapagkat ngayon ay may munting liwanag na siyang naaaninag tungo sa daan ng magandang bukas para sa kanyang mga anak.