Return to site

GINAPOS AT NATAPOS 

JERWIN C. ROQUE

· Volume IV Issue I

GUSTO MO BANG MARANASANG IGAPOS?

OO mas nanaising kong igapos,

At magsisigaw hanggang ang boses ay mapaos,

Kaysa ang buhay ko’y sandaling matapos!

 

GUSTO MO BANG IGAPOS?

OO dahil gusto ko na itong matapos,

Upang tayong lahat ay makaraos,

Sa isang sakit na sa atin ay uubos!

 

GUSTO MO BANG ITULOY ANG PAGGAPOS?

OO mas nanaisin kong ituloy ang paggapos,

Kung ito ang tamang utos,

Kaysa lahat tayo’y makitang nanlilimos!

 

GUSTO MO NA BANG MATAPOS?

Ayokong matapos na ang buhay ko’y lumupaypay,

At makitang hahandu-handusay,

At sa kabaong ay makitang bangkay!

 

GUSTO MO BANG IKAW AY MATAPOS?

‘Di ako papayag na matapos ang aking buhay,

Sa isnag animo’y aninong dumating saming bahay,

Dahil ang buhay ko’y sa diyos ay alay!

 

GUSTO MO NA BA ITONG MATAPOS?

OO! makita ang mundo na lahat ay positibo!

Na ang ating bansa’y nakatakas sa animo’y gulo,

Naka-ngiti ang Doktor, Pulis at Sundalo!

 

GINAPOS ka man ito ay para sa kapakanan,

Nang iyong sarili at ng ating lipunan,

Na magliligtas sa buong sambayanan,

Dahil kamay mo’y nakaGAPOS sa kabutihan!

 

‘Di masamang IGAPOS ang buo mong pamilya,

Kahit ang buhay natin ay hirap na hirap na,

Kung lahat naman ng ito ay sa kapakanan ng iba,

Kaysa naman mawalan ka ng ama’t ina

 

Hayaan mong ikaw ay IGAPOS!

Para itong sakuna ay matapos

Mahalin natin ang sarili at kapwa ng lubos,

Upang tayong lahat ay ‘di na maubos

 

“Tapusin ng NAKAGAPOS ang KAMAY,

Upang sa araw ng bukas lahat tayo’y naka NGITI

Ng may TAGUMPAY”