Gaano pa kalayo?
Isang hatid-tingin
kasabay ng isang kiming ngiti.
Isang munting hikbing
sinundan nang sanglaksang patak ng luha.
Isang tawid lang ba ng tulay,
o makailang salin pa ng dyip?
Ilang pagsagwan pa ba ng bangka,
at pagsalungat sa agos ng panahon?
Ilang pagsisid pa ba sa malilim mong buntong-hininga?
Ilang hakbang pa ng mga paa,
ilang pagkurap pa ng mga mata?
Malayo pa ba?
Gaano pa katagal?
Ilang pagsikat at paglubog pa ng araw?
Isang dapit-hapon na lang ba,
o isa’t kalahating tulog naman kaya?
Isang hinga?
Isang kisap-mata kaya?
Baka naman isang tibok lang ng pusong nagdurusa?
Makailang pakikipagtalik pa kaya sa mga salita
at pakikiulayaw sa mga talinghaga?
Ilang pag-aanak pa ng mga tula?
Ilang pakikidigma?
Gaano pa kalayo?
Abot-tanaw na.
Gaano pa katagal?
Malapit na.