Return to site

ESPADANG LUMALAGABLAB 

SHELLA E. FABILANE

· Volume IV Issue I

Ilang taon na rin ako sa iyong piling,

Akin nang nasaksihan mga dinaanang dusa’t pasakit,

Sa loob ng humigit kumulang, tatlumpu’t apat taon kong paninirahan,

Nakita ko ang tatag mo sa iba’t ibang kinaharap na laban.

 

Katulad mo ay si David sa lakas at tapang.

Walang labang inuurungan kahit pa pilit patumbahin ng kalaban.

Bagwis mo’y walang humpay din sa pagkampay,

Patuloy lamang sa pag-angat kahit na nga ikalagot ng buhay.

 

Ramdam ko ang sakit mo,

kahit tahimik mo lamang itong iniinda

Hampasin ka man ng libo libong bagyo nariyan pa rin ang pag-asa,

Kahit na nga pandemya ang sayo’y manalanta,

Hindi pagugupo bagkus titindig ka’t hindi manlulumo.

 

Katulad mo’y isang inang hindi nagpapabaya,

Kapakanan ng kanyang mga inaakay laging inuuna.

Naniniwala kang sa anumang laban hindi ka nag-iisa,

Pagkat Poong Lumikha nasa tabi mo sa t’wina.

 

Pilipinas, tunay kang kahanga-hanga.

Bagsik mo’y hindi magigiba

Sanlibo’t saandaan mang delubyong nais rumagasa,

Hindi ka kayang pataobin

Pagkat katulad mo’y lumalagablab na espada.

 

Yan’ ang bayan kong sintang Pilipinas,

Sa kanyang mga yakap batid kong ako ay ligtas.

Sinlaki man ni Goliat kanyang makaharap,

Buong tapang nya itong sasagupain,

Maging ang labanan ma’y ngipin sa ngipin.

 

Ipinagmamalaki kita sa buong sansinukob

“Oragon” ka at natatangi,

Patuloy na bumabangon sa hamon ng buhay

Bumabangon at patuloy ang laban sa buhay.