Return to site

EPEKTO NG TEKNOLOHIYA SA PAGKAUNAWA SA BOKABULARYONG FILIPINO NG MGA

MAG-AARAL SA BAITANG 7-DAISY SA

MATAAS NA PAMBANSANG PAARALAN

NG ALITAGTAG

GINA C. BLANCA

· Volume II Issue III

ABSTRAK
Ang pagbasa ay pagkilala, pag-unawa, pagpapakahulugan at pagsusuri ng mga ideya sa mga nakasulat na teksto. Ito ay proseso ng paglalapat ng ideohiya ng may akda sa mga mambabasa. Sa pagbabasa ay natutunan ang iba’t-ibang kasanayan ng isang indibidwal.

Ang pag-aaral na ito na may kinalaman sa Epekto ng Teknolohiya sa Pagkaunawa sa Bokabolaryong Filipino ng mga Mag-aaral sa Baitang 7-Daisy sa Mataas na Pambansang Paaralan ng Alitagtag” ay batay sa deskriptong metodolohiya. Ang mga datos ay nalikom sa apatnapu’t walong (38) respondents upang masagot ang limang suliranin na nagsasaad na 1.) Ang antas ng Pagbasa ng mga ma-aaral sa baitang 7-Daisy, 2.) Ang mga kasanayang Pampagkatoto sa asignaturang Filipino ang nalapatan ng integrasyon gamit ang teknolohiya, 3.) Ang bilang ng mga mag-aaral na mayroong ginagamit na cellphone o kompyuter, 4) Ang suliraning kinakaharap sa pag-unawa ng bokabularyong Filipino kaugnay ng teknolohiya.

Ang talatanungan ay ginamit upang masagot ang nasabing pananaliksik. Ginamit ang weighted mean sa pag-alam ng kabuuang kalagayan ng kasanayang pampagkatuto at suliraninng kaugnay ng teknolohiya. Ginamit din ang frequency, percentage at ranking upang malaman ang kaugnayan ng bilang ng mga batang mayroong ginagamit na cellphone o kompyuter, bilang ng mga mag-aaral sa bawat antas ng pagbasa. Batay sa nasabing pamamaraan, ang mga nasabing pagsusuri ay nasagot. 1) Nalamang na ang mga nasa 73% ng mga mag-aaral mula sa Ikapitong Baitang ang walang sapat na kakayahan na umunawa sa binasa o napakinggang teksto samantalang 27 % lamang o 13 na mag-aaral ang may kakayahang makilala ng lubusan ang salita at maunawaan ang buong teksto o akdang binasa. Ito’y maituturing na malaking hamon sa guro sa paglinang ng mga kasanayang pampagkatuto sa pag-unawa. 2) Ang kabuuang weighted mean na 2.80 na may interpretasyong Madalas ay nagpapatunay lamang na gumagamit ang mga guro sa pagtuturo ng mga kasanayang Pampagkatuto ng mga kagamitan sa pagtuturo na may integrasyon ng teknolohiya.

Batay sa naging resulta, may maga kasanayan na sinasabing minsan lamang nagkakaroon ng integrasyon. Subalit malinaw na ang mga guro ay isinasaalang-alang ang teknolohiya sa pagtuturo ng mga araling may kinalaman sap ag-unawa. 3) Napag-alaman na lahat ng mag-aaral sa Ikapitong Baitang ay mayroong ginagamit na cellphone o kompyuter. Masasabi na malaki ang naiambag ng kaalaman ng lahat ng mag-aaral sa Baitang7-Daisy sa paggamit ng cellphone o kompyuter. Kung kaya’t nararapat lamang na maipaalala ang mabuti at di-mabuting maidudulot nito sa pagpapaunlad ng bokabularyong Filipino. Mainam din na magkaroon ng mga gawain sa klase o sa paaralan na tiyak na makakapagpaunlad ng kaalaman sa mga bokabularyong Filipino sa kabila ng di mapigilang pagbabago dulot ng teknolohiya. 4) Napag-alaman na ang suliraning kinakaharap sa pagtuturo ng bokabularyong Filipino tungo sa pagkaunawa dulot ng teknolohiya ay may kinalaman sa paggamit ng salita gamit ang cellphone at kompyuter. Nanguna ang Paggamit ng pinaikling salita sapag “text” na may weighted mean na 3.73. Ito ay nangangahulugan ng lubos na pagsang-ayon ng mga mag-aaral na ito ay lubos na nakakaapekto sa kaalaman nila at pagkaunawa sa bokabularyong Filipino. Gayun din ang mas madalas na pag-text kaysa sa pakikipag-usap. Ito ay indikasyon na sa makabagong panahon, pilit na binabago ang original na salita kung kaya’t pagdating sa paaralan, hindi maiwasan na magamit ang kaparehong salita at bahagyang nalilimutan ang wastong salita na dapat gamitin. Nang dahil sa internet, nagdudulot ng katamaran sa mga mag-aaral na mag-isip at palalimin ang diwa sap ag-unawa sapagkat mas pinipili ang mas madaling paraan ng paghahanap ng kasagutan.

Upang mapaunlad ang kalaman at pag-unawa sa bokabularyong Filipino na kalakip ng lubusang pag-unawa sa binasa o napakinggang teksto o akda, mainam na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga guro at wastong paraan paggamit ng teknolohiya bilang integrasyong sa paglinang ng mga kasanayang pampagkatuto sap ag-unawa sa Filipino. Hindi maari na pilitin ang kabataan na mamuhay kasama ang wikang hindi nagbibigay ng lubos na kawilihan sa pakikipag-ugnayan sa kaparehong kabataan upang mapabilang lamang sa ninananis na grupo.

Dahil dito, mahalaga na makaisip ng mga gawaing hindi makapagpapalayo sa mundo ng wika na kinabibilangan ngunit maingat at maayos na naiiugnay ang bokabularyong Filipino tungo sa pagkaunawa nang may nabubuong kawilihan sa paggamit at interes napag-aralan ito.