Musmos pa lang kaming anim na magkakapatid ay iminulat na kami ng aming mga magulang na ang pagkakaroon ng edukasyon ay isang sandata upang mabago ang takbo ng aming kinamulatang pamumuhay tungo sa pagkakaroon ng isang matagumpay na kinabukasan. Edukasyon lamang ang tanging maipapamana nila sa amin. Matibay ang isang edukasyon kung ito ay pinagsamang katalinuhan bunga ng mga pormal na pag-aaral at pagsisikap na alamin ang mga bagay bagay sa paligid na makakatulong upang paunlarin ang sarili.
Ang edukasyon ang susi tungo sa isang matagumpay na hinaharap ng isang indibidwal. Kung wala nito, hindi magkakaroon ng isang matibay at matatag na pundasyon. Magiging mahirap para sa atin na abutin ang pag-unlad na pinapangarap. Dapat lamang na maunawaan ng mga kabataan na ang edukasyon ay siyang magdadala sa kanila sa kanilang mga inaasam na tagumpay.
Layunin ng edukasyon ay mapaunlad ang kaalaman at kakayahan sa mga bagay-bagay sa kasalukuyan, sa hinaharap at sa kinabukasan. Ito ang nagsisilbing daan upang mahubog ang isipan, damdamin at disiplina ng isang tao. Ang edukasyon ang tanging dahilan kung bakit patuloy na umuunlad ang mga mamamayan sa bansa.
Ang edukasyon ay mahalaga sa bawat kabataan sapagkat ito ang kanilang magiging sandata sa buhay upang maging isa sila sa kabataang sinasabing pag-asa ng bayan. Ang edukasyon ay mahalaga sapagkat ito ang nagiging daan upang magkaroon ng sapat na kamalayan tungkol sa kanyang buhay, pagkatao at higit sa lahat ay sa mundong kanyang ginagalawan. Sapat na edukasyon ang kailangan upang mahubog ang mga kakayahang kailangan ng bawat isa upang lubusang makatugon sa kahilingan ng bagong kurikulum.
Naniniwala akong ang makabagong henerasyon ng mga kabataan ang magiging daan tungo sa pagkakaroon ng matagumpay na mundo.