Return to site

DUNONG: DALUMAT, DAKILA

BERNABE C. LERAN

Tagana-An National High School

Masasalamin natin ang mukha ng ating kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan maging ang ating mga katutubong wika. Ito ang nag-uugnay tungo sa pag-unawaan sa isa't isa at ng pagtanggap sa mga pagkakaiba. Ang pagkakaroon ng wika ay layunin magamit sa makabuluhang paraan, maiangat ang kamalayan at pagbalikwas sa masalimuot na kasaysayan, at handang harapin at yakapin ang sibol ng kapayaan para sa kinabukasan ng ating inang bayan.

Ipinapakita at ipinapahayag upang mabigyang kabatiran at maging malay ang bawat isa sa pagpapaalala kung paano ang pagpiglas sa madilim na kahapon bago nasilayan ang liwanag sa kasalukuyan, ang halaga ng pag-unlad at pag-angat mula sa mga pagkakamali at pagsubok ng nakaraan. Sa pamamagitan ng pag-aaral at pag-papaunlad at pagpapayaman ng ating isipan ay maaari tayong magkaroon ng mas malinaw na direksyon sa hinaharap. Ito'y nagpapakita ng potensyal ng tao na baguhin ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng kaalaman at pagbabago kabalikat ang wikang nakagisnan at kaagapay sa anumang pagsulong ng ating buhay.

Ang kwento ng wika ay kwento ng pagkakaisa at pagkakaiba-iba, ng pag-angat mula sa kawalan patungo sa tagumpay. Ito ay nagpapahiwatig ng pag-asa at inspirasyon sa harap ng mga hamon ng buhay. Kaya naman sa ating pagkilala sa halaga ng wika, tayo'y nagiging handa ng magbukas ng mga pinto tungo sa mga posibilidad at tagumpay na maaaring marating sa tulong ng ating sariling wika at kultura na pinagbigkis at pinag-isa para sa makabuluhang tunguhin.

Maaring isang yaman ang tinataglay ng bawat katutubong wika ng ating bansa na magpatuloy at magpakatatag sa anumang danas nito. Dahil alam nating mga Pilipino ang taglay nitong hiwaga na siyang bumabalot sa wika na ating pinag-iingatan at pinahahalagahan, makamtan lamang ang inaasam ng bansa na maging malaya.

Dahil sa wika, ang mga salita at pahayag, nagmumula ang mga kaisipan, damdamin, at kultura ng isang lipunan na sumisimbolo ng kanyang pagkakakilanlan. Tunay itong bahandi dahil sa mga kulay at kahulugan sa ating kultura at ang mga katutubong wika saanmang dako ay ipinagmamalaking wikang katutubo ng kani-kanilang lugar na nagpapakilala kung sino sila sa lipunang kanilang kinabibilangan. Sa pagsulong ng modernisasyon at teknolohiya na may malaking papel sa pagpapagalaw ng mga bagay-bagay maging ang paghahatid ng impormasyon ay nakabatay na rin sa teknolohiya at siyensiya. Malaki ang naging dulot nito sa pagpapalaganap ng ating wika sa mga umiiral na kagmitan bilang tulay sa pakikipagkomunikasyon. Maaring magdulot ng mga pagbabago sa pagtingin ng mga tao sa kanilang mga katutubong wika at ito ay sa kadahilanan na ang wika ay yumayabong at umuunlad dala ng panahon at pagpapahalaga nito. Sa ganitong pagkakataon ay mahalagang talakayin ang kadakilaan ng mga katutubong wika na mapapalaganap, pagpapahalaga at sa kung paano nila ito iniingatan at minamahal.

Sa pagkakataong ito, lalo na sa usaping pang-kapayapaan, seguridad, at ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan. Naging kabalikat at kaagapay ang ating wika sa pagsulong at pagpatatag nito. Naging daan ito para maitawid sa ibayong dagat ang wikang ginagamit sa globalisasyon na pakikipag-unayan. Dito, naipakita kung gaano kalayo ang naabot ng ating wika. Maituturing na tulay na siyang nagdugtong sa mga Pilipinong nasa ibayong dagat.

Ang mga katutubong wika maging ang ating pambansang wikang Filipino ay hindi lamang simpleng sistema ng komunikasyon, kundi isang patunay na nag-uugnay sa tao sa kanyang kultura at kasaysayan. Sa pamamagitan nito, naipapahayag ng mga tao ang kanilang pagnanais na mapanatili at mapanatag ang kapayapaan. Sa paggamit ng katutubong wika, nagkakaroon ng mas malalim na ugnayan ang bawat isa at mas matindi ang bigkis nito sa pakikipagkomunikasyon, na nagreresulta sa mas mabuting pag-uunawaan at pagtutulungan ng mga Pilipino.

Isa rin sa mahalagang aspeto ng mga katutubong wika saanmang dako ng ating bansa ay may kaniya-kanyang papel na sumasaklaw sa sa seguridad ng isang pamayanan lalo na’t marami tayong mga wikain, subalit binuklod at pinag-isa ang bawat Pilipino ayon sa kanyang nakagisnang wika at sa tulong ng ating pambansang wika na handang umalalay at maging kabalikat sa pang-seguridad na ugnayan. Ang pagpapahalaga sa mga katutubong wika ay isang hakbang tungo sa pagpapalakas ng ating pagkakakilalan at maging ang pagkakaisa. Mas magiging mahirap para sa mga dayuhan ang maghasik ng alinlangan at pagkakabaha-bahagi. Dito, mas lalong pinaigting ang pagbibigay importansya sa ating ng mga katutubong wika at maging ang pambansang wika bilang depensa sa pagpapananatili ng integridad at seguridad ng isang bansa.

Subalit, hindi maikakaila na sa paglipas ng panahon, naging daan na ang wika sa pagpuksa sa mga naging biktima ng diskriminasyon at pang-aapi dahil sa wikang banyaga na naging “superior” pa ito kumpara sa wika na ating nakagisnan. Ang mga katutubong wika ay sandalan sa lahat ng uri ng komunikasyon, at ito'y maaaring pinagkaisa ang mga nagkakawatak-watak na komunidad. Wika rin ang daan para mapasok ang mundo ng katarungang panlipunan, namulat ang bawat isa at nabibigyan ng pagkakataon na maging malay sa mga bagay-bagay na makakatulong sa pag-unlad ng ating lipunan. Malaki ang naging ambag ng wika sa kultura, maging sa larangan ng industriya, edukasyon, at sa lahat ng disiplina na kaakibat nito ang wika sa pag-abot ng kanyang tagumpay. Namamayagpag ang mga Pilipino sa anumang larang sa tulong ng dunong at dakila nitong ambag. Wika rin ang naging bahagi at ating kabalikat sa pakikibaka sa pang-araw-araw nating buhay. Ang pagpapahalaga sa mga katutubong wika ay may kaakibat na pagpapahalaga sa kultura at karapatan ng mga katutubo. Sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga hakbang upang mapanatili ang kanilang wika at kultura, nagiging mas malapit ang landas tungo sa isang mas makatarungang lipunan.

Para sa ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan, mahalagang isama ang mga katutubong wika sa mga proseso ng edukasyon na nagpamulat sa kung ano ang naabot at estado ng tao sa kasalukuyan. Walang pagkiling ang wila sa anumang okasyon, okupasyon na naging kabigkis nito sa pagpapaangat ng kanyang pamumuhay, at wika na ginagamit sa pamamahagi ng impormasyon sa anumang layon nito, at saanmang daku ito’y nakatuon sa katotohanan at laging manaig at maging sa puso at isipan ng bawat ninuman. Dapat bigyan ito ng pansin na maging bahagi ang mga patakaran at programa upang matiyak na walang maiiwan at ang lahat ay makakalahok sa mga aspekto ng buhay sa lipunan. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga at pagpapalaganap ng mga katutubong wika, magkakaroon tayo ng mas malalim na pang-unawa at pakikipag-ugnayan sa isa't isa.

Ang pagsusulong ng mga katutubong wika ay hindi lamang tungo sa pagpapalaganap ng kaalaman at kultura, kundi pati na rin sa pagsalamin ng ating pagiging matatag at nagpapakilala bilang mga Pilipino. Sa pagbibigay-halaga sa mga ito, nagiging instrumento tayo ng pagbalikwas sa mga alapaap ng kawalan ng pag-alam sa lipunan at diskriminasyon, at nagiging daan tayo tungo sa mas makatarungan, mas ligtas, at mas makabuluhang kinabukasan. Kaya ating isulong at pahalagahan ang wikang Filipino na sumasalamin sa katatagan at pagiging progresibo ng bansang Pilipinas.