Return to site

Diwang LuzViMinda 

JOSEPH E. CEMENA

· Volume IV Issue I

Bayang sintang Pilipinas tinaguriang Perlas ng Silangan.

Pitong libong pulo ang likha ng Diyos dito’y likas na yaman.

Sa yumi at gandang nakapaligid hindi mapapantayan.

At sa alindog na taglay nahahalina ang mga dayuhan.

 

Subalit sa ‘di inaasahang pangyayari ay biglang tumamlay.

Ang dating sigla ni LuzViMinda ay nabalot ng lumbay.

Lahat ng mamayan ay apektado maging ang mga ikinabubuhay.

Sa delubyong hatid ng pandemya dagling binago ang pamumuhay.

 

Sa dilim ay patuloy ang pag-apuhap sa pagtuklas ng lunas.

Sa sandaling lamunin ng hilakbot at takot ang bansang Pilipinas.

Dahilan ng ‘di makikitang kalaban kaya’t baya’y naaagnas.

Gayong buong tapang tumayo at nananalig sa Diyos ng nasa itaas.

 

Maraming sigwang dumatal ngunit ‘di nagpatinag.

Hinarap ang hamon upang kamtin ang liwanag.

Kaya’t bayanihang isinulong upang maging matatag.

Sama-samang tumindig at patuloy ang pamamayagpag.

 

Sa pagsubok ng krisis at pandemya hindi ka nagpapadaig.

Nilumpo man ng Covid ang ekonomiya ngunit ‘di nalulupig.

Kumitil ng maraming mamamayan subalit buo ang pananalig.

Na makaahong muli ang inang bayan sa ganda nitong tindig.

 

Dahil sa taglay ng diwang LuzViMinda tayo’y muling nakaahon.

Mula sa pagkalugmok ng bagyo’t pandemyang kinakaharap ngayon.

Hindi nagpadaig ang bawat isa kaya’t muling nakabangon.

At muling sumilay ang silahis ng liwanag sa Silangan sa bagong panahon.