Return to site

DIWA NG WIKA

ni: KIETHLEY N. SACDALAN

Isang-daan at labing tatlong milyong Pilipino,

may higit na isang-daa't pitumpu't-limang diyalekto.

Hinubog ng makabuluha't makukulay na kultura,

nagsisilbing tulay sa mayamang pag-asa.

 

Nagbubuklod ng lahi ng buong lipunan,

pangunahing instrumento sa pakikipagtalastasan.

Huwag nating hayaang gumuho't maglaho,

sapagkat ito ang susi sa pag-usbong ng pagbabago.

 

Sa gitna ng hagupit ng bagyong Carina,

nagdulot ng makarubdob-damdaming sakuna.

Pusong bayanihan sa hirap at ginhawa,

buong sambayana'y sumampalataya't nagtiwala.

 

Pagyabong ng rumaragasang unos,

pagsubok sa bansa'y ibinuhos.

Bayang sinilangan ngayo'y nilulupig,

nagaganap na hidwaang sumasaklaw sa anyong tubig.

 

Maging sa bagyo, lindol o digma,

pagsinta sa baya'y hindi nawawala.

Nagkakapit-bisig at nagkakaisang mga kamay,

wika at kuktura'y gabay sa landas ng tagumpay.

 

Kalamidad ay di balakid, bagkus ay pagkakataon,

upang ipakita ang galing at katatagan ng buong nayo't henerasyon.

Sa bawat pilipino sariling wika'y inspirasyon,

pagkakaisa't pagtutulungan sumasalamin sa diwa ng pagbangon.