Return to site

DILAW 

 CHESRYNNE LOUISSE C. ORTIZ 

NIKKIE L. DELA CRUZ

· Volume IV Issue I

Sumilip sa pagitan ng kaniyang mga daliri ang mga sinag ng tirik na araw, isiningkit niya ang mga mata habang pinagmamasdan ang mga banderitas na nakayakap sa bayan. Mayroong mainit na damdamin sa loob ng kaniyang dibdib na sanhi ng kasiglahan. Sa bunggalong walang pader, siya ay tumungo. Sagitsit ng kumukulong mantika ang dinig nang ilaglag ang kumpol-kumpol na hiniwang saging sa kalakihan ng kawali. Tila matinis na bulungan ang ingay nito. “Ay Emilio, ilan?” bati ng Ale.

“Dagdagan pong tres ‘yong lagi, Tiya!” masigla nitong sambit. Suot ang ngiting para bang ginagaya ang liwanag ng mga sinag.

Sumingap ang Ale, “May ganap ba sa inyo? Tama ba ng iniisip ko?” Ngumisi lamang si Emilio bilang tugon. Pinanood niya ang mga batang nagtatakbuhan sa gawi ng makukulay na lobo. Kahit saang dako ay ingay ng mga tindahan, pati ang awit ng bendedor ng sorbetes. Tila hinulugan ng bahaghari ang kanilang bayan.

Nagmano kaagad ang binata pagkadating sa basaysay, “Pasok ‘Noy, bilis.” Muntik na itong matapilok pagkarinig ng wika ng Lolo. Binati siya ng maiinit na bisig at sumuksok sa dibdib. Bumilis ang bawat segundo nang dumatal ang matagal niya nang hinihintay. Hindi matago ang kislap sa kaniyang ngiti. Lumuwag ang kaniyang pakiramdam, ang pamilyar na amoy ng tahanan. “Malalagyan na ng maruya ang blusa ko, ‘oy!” Tawa nito.

Sabaw ng niyog ang ibinuhos sa loob ng kaldero, “Sipag ah?” biro ng ate habang ginugulo ang buhok ng nakababatang kapatid. Binalikan siya ng alaala ng pag-alis ng kapatid, sariwa ang pakiramdam ng namumulang mga mata na para bang ito’y kahapon lang. “’Gang kalian ka po, Ate?”

“’Sus naman, pinapa-alis mo na agad ako?” Umiling ang bata bilang tugon. Lumiwanag ang maamo nitong mukha mula sa ilaw ng mga alitaptap. Palihim niyang ninanais na tumigil ang pagtakbo ng oras.

“Ate, kumusta po? Ayos ka lang ba ‘ron?” “Oo naman, minsan malungk—sya, ihanda mo na ang mesa nang manalangin na tayo.” Isinara nito ang kalan. “Tawagin mo na ang Lolo at Tiya.”

Tila himig para kay Emilio ang kuliling ng mga makikintab na kubyertos na inilalabas lamang kapag may espesyal na okasyon. Nakahilera sa mesa ang samut-saring mga putahe tulad ng bistig na galing sa kare sa kanto, tahadang bigay ng kapitbahay, cocido’t pecadillong luto mismo ng Tiya. Halos mapuno ang maliit na mesa ngunit ang atensyon lamang ni Emilio ay sa paborito niyang pinangat na laing na may mapupulang sili sa ibabaw. “Ang laway mo, ‘Noy.” Biro ng Lolo. “Sabak na!” saad ng Tiya.

Puno ng kwentuhan ang salo-salo. Galak na galak ang binata’t nakasiksik sa kaniyang ate. Muli niyang hiling na sana’y ‘di na matapos ang gabing iyon.

Kagawian na ni Emilio na pagkiskisin ang mga paa sa sinamay na muskitero, tila pakiramdam ng kaginhawaan. Malamig ang simoy ngunit tumagaktak ang pawis sa kaniyang noo. Sa loob ng bangungot siya ay bumalik, “Lolo—“ “Maryosep, Emilio. Anong kaartehan iyan? Isa pa’t lalaki ka.”

“Mga kabataan talaga ngayon napakahina ng loob, ‘Noy” putak ng Tiya sa hapagkainan. “At ano? Pagod? Diyos ko po, wala ba kaming ginagawa? May karapatan ka bang mapagod?”

“Huwag mo akong iiyakan, tigilan mo ako ng aktong yan. Lagi ka namang naka ngiti, ah? Lagi kang masigla, ‘wag mo kaming niloloko, Apo.” Hindi na ito umimik pa at pilit na inangat ang mga gilid ng labi, “Opo.”

Bumangon at nahapo ang binata, nangingilid ang luhang pumatak. Minsan niya lang na hinaplos ang naninilaw nang mga pasa sa kaniyang mga hita. Nauna siya sa tilaok ng tandang ngunit simula na ng araw kung kaya’t kailangan niya nang kumilos.

“Emilio,” tumungo ang Ate sa hardin, dala ang maleta, napansin nito ang punit-punit nang kamiseta ng binata. Bitbit ang tabo, sumulyap ito. “Ano ang paborito mong kulay?” nabigla ang bata sa tanong at napamasid. “Siguro po ang kulay ng mga amarilyo.” “Dilaw?” tumango ito.

“Dahil ba ang kahulugan nito ay optimismo’t kasiyahan? Bagay nga.” Nagkaroon ng maikling katahimikan nang sumagot si Emilio. “Dahil madalas ko po itong makita.”

Sumilip na ang araw, kumalat ang kadilawan sa asul na langit. Nasaksihan niya ito at muli pang sisilayan.