Return to site

DIFFERENTIATED INSTRUCTION: TUGON SA TAWAG NG PANGANGAILANGAN NG IKA-21 SIGLONG KASANAYAN, PAGSIPAT SA EPEKTO NITO SA PEDAGOHIYA NG MGA GURO AT PAGKATUTO NG MGA MAG-AARAL SA IKA-10 BAITANG- MOLAVE NG BILARAN NATIONAL HIGH SCHOOL

JUVELYN R. ATIENZA

· Volume I Issue I

INTRODUKSIYON
MAIKLING MALAY AT DANAS SA PAKSA
Ang pagbabago ay kaakibat ng buhay. Ang bawat tao, bagay, lunan,at maging mga kaisipan at prinsipyo ay nagbabago at kasamang pumapanday ng mga bagong daan at tulay sa pagtuklas at higit pang pag-papaunlad ng kasalukuyang kalagayan. Kasama din sa mga pagbabago ay ang pagbabago sa edukasyon. Bagama’t hindi nagbabago ang layunin nito, marami namang pamamaraan at katotohanan sa pagtuturo at pagkatuto ang nagbago na.
Ilang taon na ang nakararaan, ipinatupad sa Pilipinas ang K-12 kurikulum para sa lahat ng mga paaralan maging pribado man o pampubliko. Sa ilalim ng kautusan ng Pangulo ipinatupad ang K-12 kurikulum sa buong bansa. Ang pag-aangkop ng ating edukasyon sa kalidad ng edukasyon at haba ng pag-aaral ayon sa pandaigdigang batayan ay nagdulot ng maraming pagbabago hindi lamang sa layunin ng edukasyon na mabigyan ng mga kaukulang kasanayan ang mga mag-aaral na magagamit nila sa pagharap sa mga hamon ng makabagong panahon, gayun din naman ay ang mga kaakibat na tungkuling inilaan sa mga guro upang higit na mapahusay ang pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral. Maraming mga bagong kaisipan at pamamaraan ng pagtuturo at pag-unawa sa mga aralin ang bitbit ng K-12 kurikulum sapagkat ang kurikulum na ito ay nakasentro sa mga mag-aaral. Marami sa mga probisyon ng K-12 ay bago at nakabatay sa makabagong pilosopiya ng edukasyon. Ang Department of Education ay ipinatupad ang Dep.Ed Order bilang 72 na kumikilala sa mahalagang papel ng differentiated instruction sa pagpapalaganap ng partisipasyon ng mga mag-aaral .Tuwiran nitong ipinahahayag na “ ang mga pagbabago sa kurikulum ay dapat ipatupad sa mga anyo ng modipikasyon at paglalapat upang makamit ang pinakamataas na basehan ng pagkatuto (Villamero, 2014).
Mahigpit ang tawag ng pangangailangan ng Ika-21 siglong kasanayan sa larangan ng edukasyon sa kasalukuyang panahon. Batid natin na ang mga mg-aaral aynagtataglay ng iba’t ibang kakayahan at interes.Ito ang naging dahilan ng marubdob na hangarin ng mananaliksik na maisagawa ang pag-aaral na ito.

Ang asignaturang Filipino ay ipinalalagay na madali sapagkat ang midyum ng pagtuturo ay ang sariling wika.Subalit, mapapansin na may mga mag-aaral na nakakakuha ng mababang iskor sa mga pagsusulit.
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong sipatin ang epekto ng differentiated instruction sa pedagohiya ng mga guro at pagkatuto ng mga mag-aaral.Nais din sipatin ng pag-aaral na ito kung ang epekto ng Differentiated Instruction sa pedagohiya ng mga mga guro at pagkatuto ng mga mag-aaral ng ika-10 baitang ng Bilaran National High School.